embed embed2
3 Kuwento Ng Napaagang Panganganak, Iba-Ibang Dahilan Ng Preterm Labor
PHOTO BY Shutterstock
  • Editor's Note: Mahalaga na kumonsulta sa iyong doktor para sa medical advice na bagay sa pangangailangan mo. Palaging humingi ng payo ng isang doktor at nutritionist pagdating sa diet o exercise kung buntis, kapapanganak lang, o breastfeeding.

    Sa bawat pagbubuntis, may itinatakdang expected o estimated due date ng panganganak. Ito ang panahon na tiyak na mas kumpleto na ang pagdebelop ng baby sa sinapupunan ng ina, handa na siyang lumaban sa labas ng mundo, at mabuhay nang malusog.

    Subalit may pagkakataon na hindi maiiwasang mapaaga ang panganganak ng mga buntis dahil sa ilang sitwasyon. Tinatawag itong premature o preterm labor.

    Nakasaad sa isang artikulo ng Philippine Journal of Obstetrics and Gynecology na sa 184 bansa ay nasa 5% hanggang 18% ang kaso ng preterm birth. Ang Pilipinas ay pang-8 bansa sa mga ito at pang-17 sa bilang ng kaso ng pagkamatay ng mga baby dahil sa mga komplikasyon ng preterm birth.

    Ayon sa Standford Medicine, ang preterm labor ay nagsisimula bago ang ika-37 linggo ng pagbubuntis. Nararanasan ang labor kapag nakararamdam ng palagiang paghilab ng tiyan o regular na humigpit ang matris, at nagsisimulang numipis at bumuka na ang cervix. Dahil dito, pumapasok na sa birth canal ang baby kahit hindi pa dapat.

    Sino ang posibleng makaranas ng preterm labor?

    Iba-iba ang sitwasyon ng pagbubuntis kaya natatangi ang karanasan ng bawat buntis. Mayroon talagang buntis na maagang nagle-labor lalo na iyong mahihina ang cervix, o may incompetent cervix. Nakarararanas din ng preterm labor ang mga buntis na premature baby rin ang nauna nilang pagbubuntis.

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

    Read also: Preterm Labor Risk Factors

    Sa ibang mga buntis, hindi matiyak ang preterm labor causes. Pero ang kadalasan na nagiging sanhi rin nito ay:

    • Pagkakaroon ng impeksyon
    • Vaginal bleeding
    • Pagbabago sa hormone

    Nagiging sanhi rin ng preterm labor sa mga buntis ang iba’t ibang salik gaya ng mga sumusunod:

    • Edad
    • Pagkakaroon ng bisyo, tulad ng paninigarilyo o paggamit ng ipinagbabawal na gamot
    • Hindi normal na hugis ng matris
    • Labis na stress
    • Paghihiwalay ng placenta sa uterus
    • Pagkakaroon ng problema sa uterus,
    • Problema sa development ng baby
    • Iba pang mga kondisyong medikal

    Ilang halimbawang kaso ng preterm labor

    Gaya ng nabanggit may iba’t ibang sitwasyon kung bakit nararanasan ng mga buntis ang preterm labor. Narito ang ilang pagbabahagi ng mga mommy na nakaranas nito.

    Case #1 : Preeclampsia

    Nasa 33 weeks siya nang manganak. Wala siyang anumang nararamdaman. Hinihingal at minamanas lang siya na hindi niya akalain na senyales na pala ito ng high blood. Kasagsagan ng COVID-19 pandemic noon kaya walang outpatient department (OPD) at hindi siya makapagpacheck-up. Nagre-rely lang ang  kaniyang ob-gyn sa mga self-report na ibinibigay niya rito.

    Nang medyo nagluwag ang mga tuntunin bunsod ng pandemic, nakapagpa-schedule agad siya ng check-up sa kaniyang doktor. Nagulat siya na kailangan na siyang ma-confine sa araw na iyon dahil ang blood pressure niya ay umabot sa 160/100 at ang pamamanas ng buntis tulad niya na paliwanag ng doktor ay indikasyon na may hindi mabuting bagay.

    Sa kasong ito, ang gestational hypertension preeclampsia o ang pagtaas ng blood pressure ay isa sa mga nagiging sanhi rin ng preterm labor. Isa ito sa pinakakaraniwang problema sa pagbubuntis kaya nga kapag nagpapacheck-up ay tintingnan din palagi ang blood pressure ng mga buntis.

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW
    Recommended Videos

    Nagdedebelop ang ganitong kondisyon bago ang ika-34 na linggo ng pagbubuntis, ayon sa United States National Center for Biotechnology Information. (NCBI).

    Case #2 : Impeksyon

    Nasa 32 weeks naman siya nang malaman na may Group B Strep (GBS) siya. Nagpacheck-up lamang din siya noon pagkatapos ang sabi ng ob-gyn niya mayroon siya nito na delikado dahil maaaring makuha ng kaniyang baby. Pero bago pa rin nito, sa unang baby niya ay preterm din siya. Gayundin sa ikalawang baby niya na nakunan siya.

    Nitong huli niyang pagbubuntis, nalamang mahina ang kaniyang cervix at hindi ito nanatiling nakasara. Kaya naman nagsagawa ng cervical cerclage sa kaniya. Pero hindi naman inaasahan na magkakaroon siya ng ganitong impeksyon, kinailangang alisin na ang harang sa kaniyang cervix at nakararanas na rin siya ng paghihilab ng tiyan kaya muling napaaga ang kaniyang panganganak.

    Ang GBS ay uri ng baketrya na likas na natatagpuan sa digestive at lower reproductive tract ng babae at lalaki. Ayon sa United States Centers for Disease and Control (CDC), 1 sa 4 na buntis ang mayroon nito sa kanilang katawan. Nagbibigay ng antibiotics ang mga doktor na idinadaan sa ugat upang maiwasang maipasa ang bakterya sa baby.

    Case #3: Pakikipagtalik sa asawa

    Nasa 28 weeks siya nang biglang makaranas ng matinding contraction. Napansin din niya ang pagbaba ng kaniyang tiyan. Nagkaroon din siya ng pagdurugo. Agad siyang nagpakonsulta sa kaniyang ob-gyn. Dito nalaman na bukas na ang kaniyang cervix.

    Binigyan siya ng gamot na pampakapit para mapigilan ang maaga niyang panganganak at pinayuhan na magbed rest hanggang sa kaniyang due date. Nakahihiya man daw ay inamin niyang dahil sa pakikipagtalik sa kaniyang asawa. Paliwanag din ng kaniyang doktor na posibleng ito ang dahilan.

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

    Bagaman hindi naman ipinagbabawal ng mga ob-gyn ang pakikipagtalik sa asawa kapag buntis at sinasabi rin ngang nakatutulong at walang gaanong hirap sa panganganak ang pakikipagtalik sa asawa.

    Subalit maaaring maging dahilan din ito ng maagang panganganak kaya dapat walang anumang kondisyong medikal at maayos ang sitwasyong ng pagbubuntis kung makikipagtalik sa asawa.

    Read also: Pregnancy Sex Benefits and Until When Can You Do It

    Paano makaiiwas sa preterm labor?

    Kapag nakararanas ng sintomas ng preterm labor, nagagawa itong mapigilan kung agad na malalapatan ng atensyong medikal. Batay sa website ng Kids Health, maaari namang maiwasan ang preterm labor. Inirerekomenda ng doktor ang:

    • Progesterone sa pamamagitan ng shot o pag-insert nito sa vagina
    • Cerclage na isang procedure na isinasara ang cervix ng babae para maiwasan ang preterm birth

    Bukod dito, ipinapayo rin ng doktor ang mga sumusunod:

    1. Bed rest na maaaring gawin sa bahay o sa hospital

    2. Pagbibigay ng tocolytic medicine sa pamamagitan ng injection o pagpapadaan nito sa ugat

    3. Pagbibigay ng antibiotic kung mayroong impeksyon

    Ano ang posibleng epekto ng preterm labor?

    Ayon sa website ng Stanford Medicine, nagreresulta ng preterm labor sa preterm birth. Karaniwang ipinanganganak ang mga baby pagkaraan ng 37 weeks na kumpleto nang nadebelop ang kanilang katawan at mga organs.

    Samantalang ang mga baby na ipinapanganak ng preterm ay maaaring magkaroon ng mga kumplikasyon dahil may ilang mga bahagi ang hindi pa lubos na nadedebelop at kulang din sila sa timbang.

    Sabi ng World Health Organization (WHO), marami ang baby ang nabubuhay nang normal kahit na preterm birth pero mas marami ang nagkakaroon ng learning disabilities, pati na problema sa paningin at pandinig.

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

    Bukod pa rito, maaaring magkaroon din sila ng problema sa paghinga, kumplikasyon sa puso at dugo, kidney, digestion, at sa nervous system.

    Dapat na ipaalam sa iyong ob-gyn kung nakararanas ng preterm labor signs gaya ng:

    • Nakararamdam ng contraction
    • Pananakit ng balakang at puson
    • May pagdurugo
    • Pagputok ng panubigan

    Higit na makaiiwas din sa preterm labor kung regular ang pagpapa-check up sa iyong ob-gyn at nasusunod mo lahat ng ipinapayo sa iyo.

    --
    Mga pinagkunan ng impormasyon:

    Preterm Labor

    https://www.stanfordchildrens.org/en/topic/default?id=preterm-labor-90-P02497

    Preterm birth

    https://www.who.int/news-room/fact-sheets/detail/preterm-birth

    Treatments to Prevent Premature Birth

    https://kidshealth.org/en/parents/treatments-prevent-premature-birth.html

    --

    Read also: How To Prevent Preterm Labor And Premature Birth

    What other parents are reading

  • You're almost there! Check your inbox.

    We sent a verification email. Can't find it? Check your spam, junk, and promotions folder.
View More Stories About
Trending in Summit Network
View more articles