embed embed2
4 Kadalasang Dahilan Ng Prolonged Labor At Posibleng Solusyon
PHOTO BY freepik/DCStudio
  • Isa sa pinakahihintay ng mga mom-to-be ang pagsilang ng kanilang baby. Kapag nalalapit na ang iyong D-day, nagsasagawa ng internal vaginal examination (IE) ang ob-gyn para malaman kung bumuka o nag-dilate na ang iyong cervix, at gaano na ito kalawak. Dito matutukoy kung malapit ka nang manganak o may kailangang gawin pa sakaling may aberya, tulad ng prolonged labor.

    Pero magkakaiba-iba ang danas ng mga buntis pagdating sa panganganak. Mayroon na mabilis lang, mayroon din namang nagtatagal, lalo na sa panahon ng pagle-labor. Ang normal na tagal ng pagle-labor ay nasa 5 hanggang 7 oras lamang para sa mga first-time mom samantalang mas maikli naman dito para sa mga may karanasan na sa panganganak.

    Ang haba o tagal ng labor sa panganganak

    Nangyayari ang prolonged labor, ayon sa American Pregnancy Association, kapag umabot nang 20 oras o higit pa para sa mga first-time mom at 14 na oras naman para sa mga dati nang nanganak. Batay naman sa isang artikulo ng Smart Parenting, kapag kambal o higit pa ang iyong ipanganganak, umaboot ng 16 na oras o higit pa ang pagle-labor.

    Totoo namang nakakapagod, nakakaubos ng lakas, at nakapagdudulot ng matinding emosyon sa manganganak ang mahaba o matagal na pagle-labor. Malimit naman itong nakapagdudulot ng komplikasyon.

    Kung talagang panahon na ng panganganak (basahin dito ang signs of labor), pero hindi ito magtuloy-tuloy o di kaya wala gaanong nagiging progreso sa pagle-labor, maaaring magsagawa na ng mga test.

    Ang mga test ay para matukoy ang dahilan ng aberya, gaya ng Intrauterine Pressure Catheter Placement (IUPC).  Dito ipinapasok ang maliit na monitor sa uterus para masukat ang tindi, haba, at dalas ng contraction. Isa pa ang Continuous Electronic Fetal Monitoring (EFM).  Sinusukat naman nito ang heart rate ng baby.

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

    Maaaring makadagdag din sa matagal na pagle-labor ang takot, nerbyos, o pag-aalala na makapanganak na. Nangyayari ito lalo na kung kabuwanan mo na, pero hindi pa nagbubukas ang iyong cervix (basahin dito).

    Higit na makabubuting  manatiling kalmado at papayapain ang sarili sa labis na pag-iisip. Sabi pa nga nila, mas makatutulong pa sa iyong mabilis na pagle-labor ang pagkausap sa iyong baby dahil naririnig ka naman nito. (Basahin dito ang four stages ng labor.)

    Mga dahilan ng prolonged labor

    May iba’t ibang dahilan kung bakit tumatagal ang panahon ng pagle-labor ng manganganak, at depende ito sa mga kondisyon o ilang salik din gaya ng:

    1. Malaki ang iyong baby na hindi kayang dumaan sa birth canal o kaya naman kabaligtaran nito, hindi malaki ang birth canal para makalabas ang baby

    2. Hindi normal na posisyon ng baby, tulad ng pagiging suhi, na nakaaapekto sa iyong nararanasang contraction

    3. Batay sa mga pag-aaral, nakadaragdag din ang mga sikolohikal na salik gaya ng labis na pag-aalala, takot, stress, at pangamba sa panganganak sa matagal na labor

    4. Nakapagpapabagal din ng contraction ang ilang gamot para sa kirot

    Bukod sa mga nabanggit, ang pagkakaroon din ng mabigat na timbang sa panahon ng pagbubuntis ay tinitingnan ding dahilan ng pagkakaroon ng matagal na labor.

    Mga posibleng solusyon para sa prolonged labor

    Nangangailangan ng medikal na interbensyon ang mga ganitong matagal na pagle-labor para matulungan din ang manganganak at mapabilis ang proseso. Kabilang sa mga ito ang mga sumusunod:

    1. Ipinapayo ang pagre-relaks at paghihintay na bumukas ang cervix.

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW
    Recommended Videos

    2. Makatutulong din ang paglalakad-lakad, pagpapahinga, at pagligo nang maligamgam na tubig.

    3. Kapag ang gamot ay nagpapabagal sa paghilab o contractions, kailangan lamang maghintay hanggang sa mailabas ito sa katawan.

    4. Makabubuti rin ang pagbabago ng mga posisyon gaya ng paghiga ng patagilid, pagtayo, pag-upo, o pag-squat.

    Sa ilang pagkakataon naman, kapag ang baby ay nasa birth canal na, maaaring gumamit ang doktor ng forceps o vacuum device para matulungan ang baby na makalas sa vagina. (Basahin dito ang karanasan ni Ryza Cenon nang isilang ang kanyang unico hijo.)

    Kapag naman ang sitwasyon ay kailangan ng manganganak na mapalakas ang paghilab, nagbibigay ng gamot para dito. Nagagawa nitong mas mapabilis at magtuloy-tuloy ang contraction.

    Epekto ng prolonged labor

    1. Kung magpapatuloy ang matagal na pagle-labor at walang maging anumang progreso sa iyong pagbukas ng iyong cervix, maaaring mauwi ang normal delivery sa Cesarean section. Kung magtatagal pa at kailangan nang mailabas ang baby, makabubuti ito upang mailayo pa sa anumang panganib ikaw at ang iyong baby.

    2. Kapag kasi tumatagal din ang pagle-labor makapagdudulot ito ng fetal distress dahil sa pagbaba ng oxygen level na magiging sanhi na mahirapan ang iyong baby na huminga.

    3. Nagdudulot ng din ito abnormal heart rhythm.

    4. Nagkakaroon din ng abnormal na bagay sa iyong amniotic fluid.

    5. Nagiging sanhi rin ang prolonged labor ng uterine infection

    ---

    Mga pinagkunan ng impormasyon:

    Prolonged Labor: Failure To Progress

    https://americanpregnancy.org/healthy-pregnancy/labor-and-birth/prolonged-labor/

    Why Is My Labor Taking Too Long? 3 Things To Know About Prolonged Labor

    https://www.smartparenting.com.ph/pregnancy/labor-and-childbirth/prolonged-labor-a1943-20210320

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

    ---

    Basahin dito ang ilang rekomendasyon ng mga eksperto kung paano umire o mag-labor.

    What other parents are reading

  • You're almost there! Check your inbox.

    We sent a verification email. Can't find it? Check your spam, junk, and promotions folder.
View More Stories About
Trending in Summit Network
View more articles