embed embed2
  • Basahin ang Birthing Story ni Chynna Ortaleza-Cipriano

    Sa kauna-unahang pagkakataon, ibinahagi ni Chynna ang lahat - ang pagkakaibigang humantong sa kasal, ang pagpanganak sa kanilang anak na babae, at ang dahilan kung bakit pinili nilang mabuhay nang malayo sa paningin ng karamihan - sa eksklusibong panayam
    by Lei Dimarucut-Sison .
This article was translated into Filipino via Google Translate. To read the original story in English, click here.
  • Pinili ng mag-asawang Chynna at Kean na panatilihing pribado ang kaniyang pagbubuntis at panganganak. Sa unang pagkakataon ay magkukwento na siya tungkol dito. Alamin ang mga detalye sa Chynna Ortaleza-Cipriano birthing story. 

    Pumasok siya sa showbiz bilang isa sa mga host na palabas na 5 and Up- maaalala natin siya bilang isang dalagitang maikli ang buhok. Matapos nito ay nakasama siya sa pangkabataang palabas na Click. Mula noon, maraming magagandang bagay ang nangyari kay Chynna Ortaleza habang patuloy na sinusubok ng kaniyang propesyon ang kaniyang kakayahan sa iba’t-ibang parteng at uri ng palabas. Kamakailan ay nabighani niya ang mga manonood sa pagganap sa parte ng isang lesbian sa The Rich Man’s Daughter, na lubhang sineryoso naman ng ilan sa mga tagahanga niya. Ngayon ay pakinggan naman natin ang Chynna Ortaleza-Cipriano birthing story. 

    Noong bagong taon ng 2016, nabalitang ikinasal na si Chynna sa aktor at frontman ng Callalily na si Kean Cipriano. Makalipas ang ilang buwan, nadagdagan ang kanilang pamilya sa pagsilang ng anak nilang si Stellar.  

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

    Sa aming panayam ay sinagot ni Chynna lahat ng mga tanong na ibinigay namin sa kaniya habang tahimik silang nagtitinginan ni Kean na parang mga bagong nag-iibigan. Saglit siyang nakipaglaro kay Stellar, na sa edad na anim na buwan ay isang tahimik at mapagmasid na sanggol. 

    CONTINUE READING BELOW
    Recommended Videos

    Makikita sa itsura ni Stellar ang kanilang magandang lahi, ngunit hindi namin matukoy kung mas kamukha niya ang ama o ina. Siya ay may manipis at light brown na buhok, magagandang mga mata, at ngiting nakakabighani. 

    Sa kauna-unahang pagkakataon, ibinahagi ni Chynna ang lahat- ang pagkakaibigang humantong sa kasal, ang pagpanganak sa kanilang anak na babae, at ang dahilan kung bakit pinili nilang mabuhay nang malayo sa paningin ng karamihan- sa eksklusibong panayam sa SmartParenting.com.ph.  

    SP: Una sa lahat, pwede mo bang ibahagi kung paano naging kayo ni Kean? 

    Chynna: Dati pa kami nagkakilala, sa Boracay. 2007 noon, at pareho kaming may karelasyon, pero para sa akin ay interesante siya- hindi sa romantikong paraan, hindi ko inisip na, “ang cute niya,” o kung anuman. Hindi, interesante lang talaga siyang kausap. 

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

    Nakatrabaho ko siya noong 2013 at nakilala pa ng mas malalim, at hinangaan ko ang pagmamahal niya sa sining. Maganda rin ang mga pananaw niya sa buhay. Siya ang tinatakbuhan ko tuwing may mga katanungan ako tulad ng, “Tama ba para sa career ko ang desisyon na ito?” o “Paano ako papasok sa paggawa ng pelikula?” o frustrated ako sa bagay na ito, sa bagay na iyon. Doon na nagsimula ‘yung malalalim na pag-uusap tungkol sa buhay, sining, at kahit anong bagay na espiritwal, na napakahalaga sa akin. Ang tatay ko ay malikhaing mag-isip, kaya lumaki ako sa ganoong kapaligiran, na may tatay na laging sumusuporta sa akin. Ngayon ay may nakilala ako na tulad noon. Sobrang hinahangaan ko siya. 

    Naiintindihan ako agad ni Kean, o minsan ay tumutulong siyang bigyang linaw ang mga bagay. 

    Makalipas ang kaunting panahon, nagsimula siyang itulak ako para sumubok ng mga bagay na kakaiba, tulad ng pag-direct. Sabi niya, “Hindi mo mabibigyang-buhay ang mga naiisip mo kung hindi ka tatalon.” Noong isang beses, bigla lang niya akong tinawagan at sinabing, “Gusto mo bang maging assistant director ko?” Gumagawa na ng music videos si Kean, pero wala akong kahit anong alam tungkol sa pag-direct. Natakot ako sa simula. Pero sabi ko, sige, talon na lang. Doon nagsimula iyon; gumawa kami ng production work at lalo kaming nag-bond dahil doon. ‘Yung unang beses ay para sa kantang “Umay” ni Rye Sarmiento (ng 6cyclemind). Si Kean ang nag-direct sa music video at ako ang assistant director niya. Sa mga aspeto na mahina siya, tulad ng paggawa ng schedule, doon naman ako strikto. Nag-balanse kami. ‘Yung mga sobra namin, nasa tamang lugar. Tapos noon ay gumawa pa kami ng ibang mga proyekto. 

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

    Noong taon ding iyon ay dumaan ako sa hiwalayan. Kinailangan kong pagtuunan ng pansin ang aking sarili, ang mga bagay na gusto kong gawin. Napakahalaga para sa akin ng mga taong 2013 hanggang 2015 dahil parang naging bata muli ako- gumuhit ako at nagsulat ng mga kwento, bumalik ang daloy ng mga ito tulad noong bata pa ako. Ipinabasa ko kay Kean ang mga tula na naging awitin (sa tulong ng kapwa artista sa GMA at kaibigan na si Glaiza de Castro), at sinabi niya, sino pang makakapagbigay ng kahulugan diyan kundi ikaw? Kaya pumasok ako sa musika. Napaka-biglaan. Doon ko napagtanto, nasa tamang lugar ako, kasama ang tamang mg tao. 

    Tapos ay naging best friends kami ni Kean. Ang dasal ko ay, “Handa ako sa kung ano man ang nais Mong mangyari sa buhay ko, dahil ganoon kalaki ang tiwala ko sa Iyo.” Kung mayroon mang lalaki para sa akin, naisip kong maganda kung ang relasyon ay may ugat sa mga paniniwala ako. Kaya nagulat na lang ako na napapadalas ang pagsisimba namin ni Kean, at magkasama kaming nagdadasal. 

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

    Isang beses, sabi niya, “Mayroong nagtutulak sa akin sa direksyong ito, at gusto ko sanang mag-commit. Ano sa tingin mo?” Sabi ko, “Siya ang tanungin mo, huwag ako.” Kaya ayun na, naging magkasintahan kami sa Simbahan. 

    SP: Ikwento mo naman ang Chynna Ortaleza-Cipriano birthing story. Planado ba ang iyong pagbubuntis, o sorpresa?

    Chynna: Planado ito. Sa totoo lang, noong magkaibigan palang kami, pinag-uusapan na namin ni Kean ang mga ganoong bagay. Tatanungin niya ako, “Gusto mo bang magkaanak?” Sasabihin ko, “Oo.” Tapos sasabihin niya, “Gusto mo bang magkaanak sa akin?” Sasagot naman ako, “Oo!” Bukas lang kami sa mga ganoong bagay. Kakaiba iyon, kasi hindi naman karaniwang ganoon mag-usap ang magkaibigan. 

    Noong magkasintahan na kami, tinanong niya ako kung handa na akong magkaanak. Sabi ko, sa tingin ko. Nagpakasaya lang kami, inenjoy namin ang relasyon namin- hindi naman kami sumubok nang sumubok- hanggang sa wakas, nabuntis ako. Nakakatawa kasi hindi ako naniniwala noong una. Pakiramdam ko, PMS lang. Parang mabigat ang boobs ko. Pero tumingin ako sa kalendaryo at naisip kong, oo nga no, hindi pa ako nagkakaroon. Pakiramdam ko talaga hindi ako buntis, pero gusto ni Kean na magpa-test ako agad.  

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

    Pumayag din ako pagkatapos ng tatlong linggo. Gumamit ako ng home pregnancy test, at sa isang iglap, totoo na. Takot na takot pa naman ako na baka mahirapan akong magbuntis kasi nasa 30’s na ako (siya ay 33), at dagdag pa roon ay napaka-abala namin pareho ni Kean, kaya napakasaya kami nang malaman namin na buntis ako. Sinabi namin sa mga magulang namin ang balita, tapos ay pumunta sa doktor. 

    SP: Kailan kayo kinasal? 

    Chynna: Kinasal kami noong Nobyembre. Alam naman ng lahat ng kamag-anak at kaibigan namin. Hindi naman namin gustong isikreto sa publiko, ‘yun nga lang ay ineenjoy pa namin ni Kean ang bagong kabanata sa buhay namin. Sinasabi ng mga tao na madamot kami, at may narinig din ako na kaya namin itinatago ‘yung baby namin kasi special ‘yung bata. Well, special talaga ‘yung anak ko. Ang daming spekulasyon dahil lang hindi kami sumusunod sa karaniwan. 

    Hindi namin gustong gawing pribado ang mga bagay- gusto naming maging sagrado ang mga ito. 

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

    Sa totoo lang- at alam ito ng mga kaibigan ko- wala ang kasal sa mga plano ko [noong wala pa akong kasintahan]. Ang gusto ko ay mabuntis ng isang foreigner. Alam kong gusto kong magkaanak, pero pamilya, asawa? Hindi ko iyon inasahan. Sinabi ko ito sa nanay ko at akala niya ay nagbibiro lang ako. Bigla nalang siyang magiging seryoso at magtatanong na, “Naisip mo na ba talaga kung gaano kahirap magpalaki ng anak nang mag-isa? Pag-isipan mo ng mabuti.” Naiwan naman iyong sinabi ng nanay ko. Ngayong andito na ako, wow. Hindi nga pala madali, kaya kudos sa lahat ng single parents sa mundo. 

    Kaya kapag may nagtatanong, “Paano mo nalaman na si Kean na?” Ang sagot ko, “Malalaman mo.” Napakalakas na pwersa nito. Hindi mo siya mapipigilan. At wala siyang formula. Malalaman mo lang na siya na ang taong para sa’yo. 

    SP: Paano ang pagbubuntis mo? 

    Chynna: Magaan ang pagbubuntis ko. Hindi ako nahihilo sa umaga. Nung unang trimester, lagi lang akong inaantok, pero pagtapos noon ay madali na. Kaya lang, noong anim na buwan na akong buntis, nagkaroon ako ng varicosity. Sabi ng doktor, normal ang daw sa buntis ang magkaganoon dahil mabigat ang dinadala nila sa kanilang sinapupunan. Nagka-varicose veins ako malapit sa ari, at masakit iyon kaya kinailangan kong magsuot ng damit na may suporta. Walang mabibili noon dito kaya kinailangan ko pang bumili sa Amerika. Kaya pa namang pamahalaan ang kaso ko, pero kakaiba ito dahil parang may lumalaking alien sa loob ng katawan mo. Bumabalik rin naman ito sa normal pagtapos mong manganak. 

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

    SP: Naglihi ka ba? 

    Chynna: Hindi ko alam na nagsisimula na akong maglihi. Nalaman ko lang noong isang beses, nagalit ako sa tatay ko dahil kinain niya ang lanzones ko. Binilhan lang ako ni Kean ng ¼ kilo. Nung kinain ko, natuwa ako, kaya nagtira ako ng ilang piraso, tapos noong hinahanap ko, wala na! Kinain pala ng tatay ko. Napikon talaga ako! 

    Nagsumbong ako kay Kean kaya binilhan niya ako ng isang kilo ng lanzones, at napakadamot ko. Bukod doon, natatandaan ko na lagi akong nanghihingi ng carbonara noong buntis ako. 

    SP: Paano ka naghanda sa pagdating ng baby mo? 

    Chynna: Mahilig talaga akong magbasa, at bahagi na ng sistema ko ang pagsasaliksik, kaya nung nalaman kong magiging nanay na ako, nagsaliksik pa ako. Kumonsulta ako sa best friend ko na kapapanganak lang, at may kabarkada rin si Kean na kasabay ko ding buntis. Nagdownload ako ng mga app, nagbasa ng mga libro. Malaki ang naitulong ng nanay ko at nanay ni Kean, o ng kahit sinong nanay tinatanong ko. Naghanda talaga ako. 

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

    SP: Ikwento mo naman sa amin ang nangyari nung araw na nanganak ka. 

    Chynna: Gusto ko talagang magkaroon ng normal delivery kaya dalawang linggo bago ako manganak, naglakad lakad ako tuwing may pagkakataon para maging madali iyong panganganak ko. May mga ilang beses na nag-false labor ako. Sinabi sa akin ng OB-gyn ko na si Dr. Sally Macapagal, hindi naman kinakailangang pumunta kaagad sa ospital kapag nakaranas ng contractions, maliban nalang kung pumutok na ang panubigan. Dahil malapit naman ang bahay mo sa ospital, mag-relax ka nalang muna sa bahay kasi sayang lang ang oras na nasa ospital ka, mapapagastos ka pa. Kung hindi mo pa ito nararamdaman bawat limang minuto, huwag ka na munang pumunta sa ospital. 

    Pinabalik ako sa ospital sa ika-40 linggo ko. Pagpunta ko doon, sarado pa ang cervix ko kaya sinubukan ng residente ng OB-gyn ko na “buksan” ito sa pamamagitan ng internal examination (IE). Naging 1 cm. Balik nalang daw kami kinabukasan kasi baka bumukas na. 

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

    Hindi iyon nangyari. 1 cm pa rin ako kinabukasan. Tapos ay nag-spotting ako. Pinauwi na naman kami.  

    Noong gabi bago ako manganak, nakaramdam ako ng kakaibang contraction, malalim. Unang beses kong naramdaman iyon, kaya sabi ni Kean orasan ko na lang. Una, bawat 15 minuto, nakatulog pa ako. Tapos magigising ako kasi magco-contract ulit, hanggang naging bawat 10 minuto, pitong minuto, hanggang sabi ng nanay ko, na tumutulong rin sa pag-oras, “Ayan pwede na, tuwing limang minuto na.” 

    Pagdating namin sa ospital ng alas-kwatro ng umaga, 1 cm pa din ako. Alas-singko nang lumabas ang mucus plug, at sinubukan nilang buksan ulit ang cervix ko, kaya nag-4 cm na at pinapasok na ako sa labor room. Buti na lang, hindi ako nakaramdam ng sakit. Nasa high-risk pregnancy unit ang kwarto namin para pwede kong makasama sa loob ang asawa ko. 

    Sabi ng doktor ko, hindi pa raw ganoon kalakas ang mga contractions ko kaya kinailangan niya akong tulungan ng kaunti sa pamamagitan ng pagbibigay sa akin ng Oxytocin. Sa una, ayos lang, kaya ko. At saka kakapanood ko ng One Born Every Minute (isang British documentary series na nagpapakita ng mga nangyayari sa mga nanganganak sa ospital), alam ko na lahat.  

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

    Sa utak ko, ito ba ‘yung sinasabi nila [na masakit]? Wala ito. 

    Noong tinaasan ‘yung Oxytocin level, naramdaman ko na ‘yung contraction bawat dalawang minuto. Masakit na siya, hanggang naiyak na ako sa sakit. Hanggang sinabi ko, “I just want to rest!”- at alam ni Kean na ‘pag nag-English na ako, galit na ako o nasasaktan. Kaya sabi niya, kapag sobrang masakit na, hawakan ko lang ‘yung kamay niya. Napaka-supportive niya. 

    Noong nag-IE sila ulit, 4 cm pa din. Sabi ko, bakit 4 cm pa din, ang sakit sakit na? Maya’t maya, tinatanong ako ng doktor kung gusto ko nang mag-epidural, pero tumanggi ako kasi inisip ko tatagal pa lalo. Sa nagdesisyon si Kean na i-epidural na ako. 

    Dumating ang anesthesiologist ko para bigyan ako ng epidural, at pagtapos noon, relaxed na ako. Sa susunod na i-Ie nila ako, 9.5 cm na! Binihisan na nila ako. Sabi ni Dr. Macapagal, “Chynna, manganganak ka na ha, marunong ka bang umire? Magpractice tayo.” 

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

    Sa kabilang banda, si Kean naman nag-CR at nilabas niya na ang Snickers na nasa loob ng daddy bag niya. Nahihiya daw siya sa akin kaya kumain siya sa loob ng CR. Nasip rin niya, “Makakatulog na ako, na-epidural na si Chynna.” Tapos paglabas niya, may lumapit, sabi, “Mr. Cipriano, ito na po ‘yung scrub suit, suutin niyo na po.” 

    Tapos hinihintay siya. Tinanong daw ni Kean kung pwede pa siyang mag-CR, sabi daw, “Ay hindi na po. Manganganak na po si Ma’am.” Kaya kinuha niya ‘yung camera na push gift niya sa akin, para makakuha siya ng litrato. 

    Pagpasok niya, nagpa-practice na akong umire, at naghanda na siyang kumuha ng mga litrato. Nung magpi-picture na siya, biglang, “Okay sir, iire na po tayo, dito lang po tayo sir.” Sabi ng doktor, “Okay, 1, 2, push!” Naghahanda pa lang si Kean kumuha ng litrato, tapos may nagsabi, “Okay, nakalabas na ang baby.” Hindi na nakakuha ng litrato si Kean kasi nagulat siya. Nakalabas na ang baby namin! Dalawang ire lang. ‘Yung una, pumutok ang panubigan ko at sumabog dun sa residente. Sa pangalawa, lumabas na si Stellar.  

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

    Ako naman, hindi makapaniwala noong tinitignan ko siya na ‘yun na ‘yung laman ng tiyan ko. Pagtapos nun, nag-Unang Yakap na, at sinubukan naming pasusuhin siya. Ganoon lang kabilis. Pakiramdam ko ang swerte ko dahil alam ko maraming nahihirapan manganak. Ang labor ko nasa apat na oras, at ‘yung panganganak, mga 20 minuto lang! 

    Ang aking anak na si Stellar Cipriano ay ipinanganak sa oras na 8:55 noong April 2016 sa bigat na 5 pounds. Tinatawag namin siyang Peanut kasi sa una kong sonogram, mukha talaga siyang peanut. “Stellar” ang pamagat ng isa sa mga kanta ng Incubus, isang banda na gustong-gusto namin ni Kean.  

    SP: Pakilarawan mo ang mga unang oras mo bilang isang ina.

    Chynna: Pinagmamalaki ko talaga ang sarili ko at malaki ang pasasalamat ko na naging maayos ang pagbubuntis at panganganak ko. Ang mga unang sandali niya sa mundo na kaming dalawa lang, talagang importante ‘yun para sa akin kasi pagkatapos noon, andiyan na ‘yung tatay niya, andiyan na ang lolo at lola, kaya ‘yung mga oras na kasama niya ako, mahalaga ‘yun. Napaka-makahulugan. 

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

    Iba talaga ang ugnayan ng ina at anak. Sa isang iglap, naramdaman kong napakalakas ko bilang isang babae.  

    Sinabi sa akin ni Kean na matapos niya akong makitang manganak, napagtanto nya na iba ang lakas ng babae. Kinukwento niya sa mga kaibigan niya, mapapaisip ka talaga bakit nagtataksil ang iba kapag nakita mo kung ano ang pinagdadaan ng iyong kapareha sa pagdadala ng inyong anak. Ang hirap talikuran noon. Ayon sa kaniya, nagpapasalamat siya at nabigyan siya ng pagkakataon na masaksihan iyon. 

    SP: Malaki ba ang nadagdag sa timbang mo noong nagbuntis ka? 

    Chynna: Sinabihan ako ng doktor na nomal lang na madagdagan ng 30 pounds ang timbang, pero pinayuhan niya akong bantayan ito kasi ang lahat nang lalampas dito ay mapupunta sa akin, sa katawan ko. Binantayan talaga namin kaya hanggang 26 pounds ang ang nadagdag sa timbang ko. Matapos kong manganak, bumalik na ako sa 110 pounds. 

    Noong kinailangan kong tumigil sa pagpapapsuso dahil nagkasakit ako, nahirapan ako sa pagkuha ng gatas para sa anak ko. Tatlong doktor na ang nagsabi sa akin na tumigil ako sa pagpapasuso. Dahil may sakit ako, sinabi nilang maaaring maipasa ko kay Stellar ang virus. Iniisip ko kung kukuha ako ng dagdag na gatas sa isang mapagkakatiwalaang donor, o bibili sa ospital. Buti nalang, kinausap ko si Chariz Solomon (kapwa artista sa GMA), at sinabi kong hindi sapat ang gatas ko. Sabi niya ay ituloy ko lang ang pagpapasuso kay Stellar, at magbibigay siya ng breast milk (Ipinanganak ni Chariz ang pangalawa niyang anak noong December 2015). Noong hindi ko na talaga kayang magpasuso, nagbigay siya ng maraming breast milk kay Stellar kahit pinapasuso pa niya ang dalawa niyang anak. 

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

    Ngayon, organic formula milk ang iniinom ni Stellar. Marami akong narinig na hindi maganda mula sa ibang tao, at may iba pang nanay na pinagtawanan ako dahil doon. Mas matutuwa sana ako kung, sa halip na punahin nila ako ay nakipag-usap sila sa akin at nagtanong kung kailangan ko ng breast milk. Para sa akin, hindi natin dapat punahin ang ibang tao dahil lang hindi sila kasing swerte natin.  

    Sabi ng mama ko, “Wag ka masyadong idealistic. Kailangan mong sundin ang mga hudyat na binibigay ng anak mo kaysa sa mga opinyon ng iba.” 

    Kailangan mong tignan kung masaya ang anak mo. Doon mo malalaman kung tama ang ginagawa mo bilang ina. Pagkalipas ng ilang linggo, nakita ko ang pagkakaiba. Sumigla na ulit. Bago iyon, iyak siya nang iyak dahil gutom siya at may colic, na naranasan namin sa loob ng tatlong buwan. 

    SP: Anong tips ang maibibigay mo sa mga kapwa mo bagong ina o mga malapit nang maging magulang? 

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

    Chynna: Para sa mga buntis, magsimula na kayong maghanda habang maaga. May nagsasabi kasi na hindi dapat maghanda nang maaga kasi baka maudlot ang pagbubuntis. Ako, nagsimula akong maganda sa pagdating ni Stellar noong 13 linggo palang siya. Lagi kong naghahanap ng mga sulit na bilihin online, lagi akong nakabantay sa mga sale at baby fair. Bawat buwan ay mayroon akong nakatakda na dapat bilhin, tulad ng crib ngayong buwan; sa susunod na buwan iba naman. Matapos ang siyam na buwan, kumpleto na lahat, handa na kami. Kung bibilhin mo iyon ng isang bagsakan isang buwan lang bago ka manganak, ang dami nun! At kapag nagmamadali ka, hindi ka na makakahanap ng mga sulit na bilihin. 

    Nanghingi ako ng mga pinagliitan o mga bagay na hindi na ginagamit.  Sabi ko sa mga kamag-anak ko at kaibigan, “Buntis ako. Kung may mga hindi na kayo ginagamit, pwede niyong ibigay sa akin.” Sinabi ko ito bago ko pa man malaman ang gender ng anak ko. Naiintindihan kong may mga anak din sila, kaya kung gusto nilang magbigay sa akin, hindi na nila kailangang gumastos. Iyong mga bagay nalang na hindi na ginagamit ng mga anak nila.  

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

    Naghanda rin kami ng maigi para sa mismong panganganak ko. Nakakuha kami ng napakahusay na OB-gyn, at naging matapat kami sa kaniya. Kailangan mong sabihin ang lahat, dahil walang presyo ang katapatan. Minsan kasi, ang mga buntis, nahihiya. Magpakatotoo ka sa iyong doktor na hanggang ganitong halaga lang ang kaya mo, at alamin mo ang mga maaaring gawin. Sa kaso namin, nagbigay sila ng presyo at nagpasobra kami, kasi hindi mo naman talaga masasabi kung ano ang mangyayari.

    Pagdating ng ika-37 na linggo, hinihintay na lang talaga namin ni Kean na dumating ‘yung baby, walang pressure na, naku saan manggagaling ‘yung pera? Kaya ka nga binigyan ng siyam na buwan, para makapaghanda ka. 

    Nalaman ko sa paglalakbay na ito na matipid pala talaga ako. Kung mayroon man akong gustong itulong sa mga nanay- lalo na ang mga bagong nanay- ito ay kung paano maging matipid.  Hindi ko pa sigurado kung gusto kong sumulat ng libro o ng blog kung paano ko nabup lahat ‘yun nang may sinusundang budget. Ang pangarap ko ay magtayo ng komunidad o ng tindahan na makakatulong sa mga nanay na limitado lang ang budget. 

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

    SP: Saan ka pinaka nagpapasalamat? 

    Chynna: Ang pinasasalamatan ko ay ‘yung pananalig naming mag-asawa; na malakas ‘yung support system namin- ang mga magulang, kapatid, at kaibigan na  tinuturing na rin naming pamilya. Kahit ang management ko, sinasabihan akong huwag masyadong magtrabaho, na i-enjoy ang bawat hakbang ng pagbubuntis ko. Nagpapasalamat ako sa mga taong may mabubuting puso; napakaraming may magagandang kalooban sa paligid namin. 

    SP: Naikwento mo na ang Chynna Ortaleza-Cipriano birthing story. Kailan naman kayo magbabahagi ng litrato ni Stellar? 

    Chynna: Hindi namin masabi, baka siya na mismo ang gagawa nito!

How is the Filipino translation of this article?
Thank you for submitting your feedback!
View More Stories About
Trending in Summit Network
View more articles