-
8 Posibleng Dahilan Ng Uterine Rupture Kung Hindi Naman VBAC Ang Panganganak
- Shares
- Comments

Nangyayari ang uterine, o uterus, rupture kapag nagkaroon ng punit sa uterine wall dulot ng pressure sa pagbubuntis. Ito ay tumutukoy sa paghihiwalay ng lahat ng layer ng uterine wall, ayon sa Science Direct. Kasama sa apektado ang serosa, na may abnormal koneksyon sa uterine cavity at sa peritoneal cavity.
Ang uterine wall ay binubuo ng malambot na tissue, at nababanat ito para magkaroon ng sapat na espasyo ang iyong lumalaking baby. Pagkatapos manganak, lumiit ang uterine wall at bumabalik sa dati nitong laki.
Pero may pagkakataon na posible itong pumutok o mag-rupture dahil sa matinding pressure dulot ng iyong lumalaking baby. Bihira naman ang mga ganitong kondisyon sa pangkalahatan. Maaaring karaniwan ito sa mga nakaranas ng Cesarean section delivery na sumusubok na mag-vaginal delivery, o ang tinatawag na vaginal birth after Cesarean (VBAC).
Kapag kasi sumailalim na sa Cesarean section, hinihiwaan ng doktor ang uterus para mailabas ang iyong baby saka tatahiin ito para maisara. Nagiging mahina ang uterine wall kapag dumaan na sa isang surgery. Kadalasan na nangyayari ang pag-rupture ng uterus sa bahagi na may peklat mula sa C-section.
Mga kaso ng uterine rupture
Bihira ang mga ganitong pangyayari o kondisyon. Batay sa pag-aaral ng Barnsley Hospital sa England, nangyayari ito sa 2 kada 10,000 buntis. Pero kapag nangyari uterine rupture, nagreresulta ito sa panganib sa buhay ng ina at sanggol. Sa pag-aaral ding iyon sa United Kingdom, 87% ng uterine rupture ay iyong may mga peklat na sa matres at 13% ang walang anumang naging tahi o peklat.
ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOWKapag nag-rupture ang uterus, ang maiiwan na butas ay magdudulot ng pagkawala ng dugo sa buntis. Mawawalan ng protesyon ang baby kapag lumabas ito sa uterus. Makapagpapababa at bagal ito ng heart rate ng baby. Mawawalan din ng oxygen ang baby na magiging sanhi ng problema sa utak. Kaya ang ganitong kondisyon ay nangangailangan ng agarang pag-alis ng baby at pag-ayos ng uterus.
Mga posibleng dahilan ng uterine rupture
Bukod sa C-section, posible ring maranasan ang uterine rupture kapag may congenital o genetic abnormalities at iba pang sugat o surgery na sa bahagi ng abdomen at uterus.
Ang iba pang dahilan na maaaring maranasan ito ay:
1. Pagbubuntis na may malaking baby o higit pa sa isang baby
2. Matinding contraction na nagreresulta sa pagkakaroon ng problema sa uterus
3. Sunod-sunod o maiikli ang agawat ng pagbubuntis
4. Maraming pagbubuntis na nakapagpapahina sa uterus
5. Pagsasailalim na dati sa operasyon na kinailangan ng pag-aalis ng organ
6. Pagbubuntis nang higit na sa 40 taong gulang
7. Pagkakaroon ng polyhydramnios o labis na dami ng amniotic fluid
8. Mahaba o matagal na pagle-labor (basahin dito ang iba pang uri ng abnormal labor)
Mga sintomas na dapat bantayan
Kung maagang matutukoy ang pagkakaroon ng uterine rupture, magagawan agad ng paraan ng doktor ito para maprotektahan ka at ang iyong baby. Nakatutulong ang ultrasound at laboratory test para matiyak kung may nararanasan na ganito ang isang buntis.
Ilan din kasi sa mga karaniwang sintomas nito ay gaya lamang din sa normal na pagbubuntis, pero mas matindi lamang ang lebel. Kabilang dito ang mga sumusunod:
CONTINUE READING BELOWwatch now- Matinding pagdurugo o vaginal bleeding
- Biglaan na matinding pagsakit ng tiyan
- Hindi nawawalang contraction o walang pagbabago sa contraction
- Pagbabago ng pattern sa pagle-labor
- Pagbawas ng paggalaw ng baby sa iyong sinapupunan
- Pagbaba ng heart rate ng baby
- Fetal distress
Anong dapat gawin?
Gaya ng naunang nanbanggit, nangangailangan ng agarang atensyong medikal kapag nagkaroon ng uterine rupture. Maaaring manganak ang buntis nang mas maaga. Basta maagapan, maaaring mailigtas sa panganib ang sanggol at ang ina nito.
Sasailalim ang pasyente sa isang surgery para tahiin ang iyong uterus o may posibilidad na alisin na ito. Maaaring magsagawa ng hysterectomy kapag maraming dugo ang nawala o patuloy ang pagdurugo.
Sa pagpapagaling mula sa uterine rupture, asahan ang apat hanggang anim na linggo ang paghilom ng sugat. Mahalaga ang pagkakaroon ng sapat na pahinga at pagsunod sa mga ipapayo ng iyong doktor para mapabilis ang iyong paggaling.
Maaaring ipagbawal din sa iyo ang mga sumusunod:
- Pagbubuhat ng mabibigat na bagay
- Pakikipagtalik sa iyong asawa
- Paggamit ng tampons o pagpasok ng anumang bagay sa iyong vagina
- Pag-eehersisyo
- Paggawa ng mabibigat na gawain o labis na pagkilos
- Pagligo sa bath tub o nakababad sa tubig
Posible bang mabuntis kapag nakaranas ng uterine rupture?
Kung hindi nagsagawa ng hysterectomy, maaari pang mabuntis ngunit hindi na maaari ang normal delivery. Nangangailangan na ito ng C-section delivery at maaaring naka-schedule na ito para maiwasan pa ang pagle-labor. Mahalaga rin ang pagmo-monitor sa iyo at sa susunod mong pagbubuntis para maiwasan ang anumang posibleng maging komplikasyon.
Sa kabuuan, ang uterine, o uterus, rupture ay bihirang mangyari, pero seryosong komplikasyon ito sa panganganak. Kung naranasan mo ang C-section pero nais mong manganak via normal delivery, mahalagang talakayin ito sa iyong ob-gyn para malaman ang mga posibilidad at dapat gawain na makabubuti sa iyo at sa iyong baby. (Basahin dito ang criteria para sa VBAC.)
ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW---
Mga pinagkunan ng impormasyon
Guideline for the Management of a Ruptured Uterus
https://www.barnsleyhospital.nhs.uk/uploads/2022/07/Uterine-rupture-v7.pdf
Uterine Rupture
Uterine Rupture
https://www.sciencedirect.com/topics/medicine-and-dentistry/uterine-rupture
---
Basahin dito ang iba pang posibleng kumplikasyon dulot ng C-section.
What other parents are reading

- Shares
- Comments