;
embed embed2
Kailan Dapat Mag-Alala Kung Mabilis Ang Tibok Ng Puso Mo
ILLUSTRATOR Stephanie Ocampo
  • Editor's Note: Ang sumusunod ay for educational at informational purposes lamang. Huwag pong gamitin ito na kapalit ng doktor. Mahalaga na kumunsulta sa doktor para sa medical advice na bagay sa pangangailangan mo.

    Ang main function ng puso ay ang magbomba o mag-pump ng dugo para makarating sa lahat ng bahagi ng katawan ang oxygen at nutrients. Sa tulong din pagtibok ng puso at maayos na pagdaloy ng dugo sa mga organ katulad ng mga kidney, natatanggal ang mga body waste at naiiwasan ang mga sakit.

    Ang karaniwang bilis ng pagtibok ng puso ay nasa 60 hanggang 100 beats per minute (bpm). Kapag lumagpas na sa 100 bpm ang pagtibok ng puso, tinatawag itong tachycardia. Isa itong uri ng arrhythmia o problema sa rhythm ng pagtibok ng puso, kung saan hindi nagco-coordinate ang mga electrical impulse na kumokontrol sa pagtibok ng puso. Bukod sa tachycardia, isa pang pangkaraniwang uri ng arrhythmia ang bradycardia (mas mababa sa 60 bpm).

    Tandaan na may mga pagkakataon naman na normal bodily response lang ang pagbilis ng tibok ng puso ng isang tao. Halimbawa, kapag ninenerbyos ka o kaya naman ay kakatapos lang mag-strenuous exercise, talagang bibilis ang iyong heartbeat. Ang issue sa tachycardia ay madalas na 100 bpm o higit pa ang tibok ng puso kahit na nakaupo lamang ang pasyente.

    Maraming mga sakit na nagdudulot ng tachycardia. Halimbawa, ang mga taong may hyperthyroidism ay madalas na mas mabilis ang tibok ng puso kaysa sa mga walang ganitong sakit. Ganun din, maraming mga sakit sa baga ang pwedeng magdulot ng tachycardia.

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

    Mahalagang ma-detect kaagad kung may tachycardia ang isang tao. Kung hindi maaagapan, pwedeng mauwi ito sa stroke, heart failure, at cardiac arrest.  

    Iba't-ibang characteristics at sintomas ng tachycardia

    Merong apat na chamber ang puso ng tao: left atrium, right atrium, left ventricle, and right ventricle. Ang mga atrium ay ang mga upper chamber at ang mga ventricle naman ay ang mga lower chamber.

    Sa loob ng right atrium matatagpuan ang natural pacemaker ng puso na tinatawag na sinoatrial node. Ito ang gumagawa ng mga electrical impulse at bawat electrical impulse ay nagti-trigger ng bawat tibok ng puso. Kapag nagkaroon ng problema sa mga electrical impulse na ito, nauuwi ito sa mabilis, mabagal, o abnormal na tibok ng puso.

    Sa mga taong may sobrang bilis na pagtibok ng puso o tachycardia, posibleng magkulang ang dugong binobomba ng puso papunta sa iba-ibang bahagi ng katawan. Dahil dito, pwedeng makaramdam o makaranas ang pasyente ng mga sintomas katulad ng mga sumusunod:

    • kakapusan ng hininga
    • mabilis na pulso
    • pananakit ng dibdib
    • palpitations
    • pagkahilo
    • pagkawala ng malay

    Dapat tandaan na ang mga nabanggit na sintomas ay hindi palaging nararamdaman o nararanasan ng mga taong may tachycardia. Sa katunayan, maraming pasyente ang hindi malalaman na meron pala silang ganitong kondisyon kung hindi sila magpapa-ECG.

    Tandaan din na ang tachycardia ay madalas na sintomas din ng ibang sakit. Bukod sa hyperthyroidism at maraming uri ng lung disease, pwede ring magdulot ng mabilis na tibok ng puso ang hypertension, hindi magandang daloy ng dugo, at iba-ibang uri ng impeksyon.

    CONTINUE READING BELOW
    Recommended Videos

    3 uri ng tachycardia

    May tatlong uri ng tachycardia at nakadepende sa kung ano sa mga ito ang mayroon ang pasyente ang treatment na pwedeng gawin. Ang tatlong uri ng tachycardia ay ang mga sumusunod:

    Sinus tachycardia

    Ito ay ang normal response ng katawan sa matinding physical exertion o kaya naman ay emotional upheaval. Sa sinus tachycardia, bumibilis ang pagtibok ng puso pero regular ang rhythm nito. Bumabalik din sa dating bilis ang tibok ng puso pagkatapos lumipas o mawala ang dahilan nito. Halimbawa, kung dulot ng exercise ang mataas na bpm, manunumbalik sa normal na bilis ang heartbeat pagkatapos magpahinga.

    Supraventricular tachycardia

    Ang uri ng tachycardia na ito ay nangyayari kapag hindi sapat ang dami ng dugo na napupunta sa mga atrium ng puso. Dahil dito, hindi nakakakuha ng tamang supply ng dugo ang katawan. Hindi naman ito life-threatening, pero minsan ay pwedeng makaramdam ng panghihina o pagkahilo ang taong may ganitong klaseng tachycardia. 

    Ventricular tachycardia

    Ang ventricular tachycardia ay nagsisimula sa mga ventricle, kung saan nagkakaroon ng abnormal electrical signals kung kaya nagiging sobrang bilis ng pagtibok ng puso. Madalas na dulot ito ng sakit sa puso o kaya ay ng paggamit ng ilang uri ng mga gamot ang ventricular tachycardia. Isa itong seryosong kondisyon at kailangan ng tulong ng mga heart expert para magamot.

    Mga pwedeng gamot sa tachycardia

    Kapag nalaman na ng doktor kung ano sa tatlong uri ng tachycardia ang nararanasan ng pasyente, makakapagbigay na siya ng nababagay na treatment. Ang goal ng mga treatment na ito ay mapabagal ang tibok ng puso, mapigilan ang mga susunod pang episode o atake ng tachycardia, at mapagaling ang sakit na nagdudulot ng tachycardia.

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

    Kasama sa mga sikat na treatment para sa tachycardia ang

    Vagal maneuvers

    Pinapagawa ng mga doktor sa isang pasyente ang mga vagal maneuver para ma-control ang mga vagus nerve na may kinalaman sa pagtibok ng puso. Kasama sa mga simpleng vagal maneuver ang pagpigil sa hininga, pag-ubo, o kaya ang paglubog ng mukha sa malamig na tubig. Pinaka-effective ang vagal maneuvers para sa supraventricular tachycardia.

    Anti-arrhythmic drugs

    Merong mga tinatawag na anti-arrhythmic drug na nagpapanumbalik ng normal heart rate ng isang tao. Kadalasang ibinibigay ang ganitong gamot sa pamamagitan ng injection, pero meron rin namang mga tablet o capsule nito. Minsan ay nagrereseta din ang mga doktor ng calcium channel blockers o beta blockers kasabay ng anti-arrhythmic drugs.

    Pacemaker

    Ang pacemaker ay isang klase ng implant na may kakayahang ma-detect ang bilis ng tibok ng puso. Kapag na-sense nito ang abnormal rhythm, nagpapadala ng electrical impulse papunta sa puso para maibalik sa normal ang tibok nito.

    ICD o implantable cardioverter-defibrillator

    Para sa mga high-risk case ng tachycardia, pwedeng gamitin ang tinatawag na ICD. Katulad ng pacemaker, isa itong implant na nilalagay sa dibdib. Mino-monitor ng ICD and tibok ng puso at nagpapadala ng calibrated electrical shocks para maibalik sa dati ang heart rhythm.

    Catheter ablation

    Minsan ay may nakikitang extra electrical pathways sa katawan na siyang dahilan kung bakit bumibilis ang tibok ng puso. Kung ito ang iyong sitwasyon, pwede kang sumailalim sa catheter ablation.

    Sa procedure na ito, may inilulusot ng catheter sa singit, braso, o leeg papunta sa mga ugat ng puso. Dito sa catheter na ito dumadaan ang malamig na liquid o kaya ay radiofrequency para masira (ablate) ang sobrang electrical pathway at hindi na makapagpadala ng electrical signals sa puso.

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

    Surgery

    Kung hindi effective ang mga nabanggit na treatment sa itaas, pwedeng sumailalim ang pasyente sa tinatawag na maze surgery. Sa prosesong ito, hinihiwa ang tissue ng atrium para magkaroon ito ng mga peklat. Hindi kasi dumadaloy ang electrical impulse sa scar tissue, kaya napipigilan ang pagkakaroon ng arrhythmia.

    Mga sanhi at risk factor ng tachycardia

    Maraming sanhi ang tachycardia, kabilang na rito ang mga sumusunod:

    • pag-inom ng mga inuming mataas sa caffeine
    • pag-inom ng sobrang alak
    • paninigarilyo
    • lagnat na dulot ng impeksyon
    • sobrang taas o sobrang babang presyon
    • anemia
    • hyperthyroidism
    • kakulangan sa electrolytes, na nagsisilbing conductor ng electrical impulses

    Pwede ring magdulot ng tachycardia ang labis at intense na pag-eehersisyo, sobrang stress o takot, pagkanerbyos, at anxiety. Meron ding mga gamot na nagpapabilis ng tibok ng puso. Ganundin, maraming illegal drug katulad ng cocaine at methamphetamine ang pwedeng magdulot ng tachycardia.

    Pagdating naman sa mga risk factor, ang mga taong may family history ng mga heart rhythm disorder ay mas mataas ang chance na magkaroon ng tachycardia. Ganun din, tumataas ang risk ng isang tao na makaranas ng ganitong kondisyon habang tumatanda. Kung nagkaroon ka na ng sakit sa puso noon o meron kang sakit sa puso sa kasalukuyan, mataas din ang iyong risk na magkaroon ng tachycardia.

    Kahit anong sakit na may kinalaman sa puso o nakakaapekto sa puso, katulad na lang ng sleep apnea at diabetes, ay nagpapataas din ng risk ng pagkakaroon ng tachycardia. Panghuli, pwede ring maging sanhi ng tachycardia ang psychological o mental disorders dahil sa naidudulot nitong stress sa pasyente.

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

    Paano iwasan ang tachycardia

    Ang pinakamainam na paraan para maiwasan ang tachycardia ay ang pagkakaroon ng heart healthy lifestyle. Kumain ng masustansyang pagkain na mayaman sa fiber at mababa sa cholesterol. Mainam din ang pag-e-exercise para mapalusog ang puso at ma-maintain ang tamang timbang.

    Importante rin ang pagpapahinga at pagre-relax para hindi maipon ang stress. Kung kailangan, mag-aral ng meditation o iba pang positive coping techniques para mapakalma ang sarili. Para sa mga na-diagnose ng anxiety disorders, depression, at iba pang mental illness, pwedeng makatulong ang therapy.

    Kung naninigarilyo, makabubuting huminto na para hindi na rin makadagdag pa sa risk ng pagkakaroon ng tachycardia at iba pang sakit. Para sa mga mahilig magkape, bawasan ang pag-inom nito. Kung pwede ay limitahan lang sa hanggang 2 to 3 cups a day ang iyong coffee consumption. Iwasan din ang labis na pag-inom ng alcoholic drinks.

    Dapat din ay maging maingat sa pag-inom ng mga over-the-counter na gamot, lalo na kung para sa ubo o sipon. Meron kasing mga klase ng cough at cold medicine na pwedeng magdulot ng tachycardia.

    Mga komplikasyon ng tachycardia

    Walang gaanong komplikasyong naidudulot ang sinus tachycardia dahil madalas naman ay bodily response lang ito. Ganunpaman, magpakonsulta pa rin sa doktor kung sa tingin mo ay matagal bago bumalik sa normal ang iyong bpm o kung napapadalas ang pagkakaroon ng mabilis na heartbeat.

    Para naman sa ibang uri ng tachycardia, dapat na ma-manage ang mga ito nang maayos para hindi mauwi sa mga mas malubhang kondisyon katulad ng mga sumusunod:

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW
    • madalas na pagkahilo o pagkawala ng malay
    • heart failure o ang kawalang-kakayahan ng puso na mag-pump ng sapat na dugo
    • blood clots na pwedeng mauwi sa stroke at atake sa puso

    Para sa mga may ventricular tachycardia, dobleng ingat ang kinakailangan dahil mataas ang risk nila ng sudden cardiac death.

    Sources:

    Mayo Clinic, Mayo Clinic (heart arrhythmia), Health Direct, Cleveland Clinic, American Heart Association, Medical News Today

    What other parents are reading

     

  • You're almost there! Check your inbox.

    We sent a verification email. Can't find it? Check your spam, junk, and promotions folder.

Smart Parenting is now on Quento! You will love it because it personalizes news and videos based on your interests. Download the app here!

View More Stories About
Trending in Summit Network
View more articles