Ligtas Ba ang Suob sa Buntis? Mga Dapat Malaman
May ubo’t sipon habang buntis? Pwede ba ang suob?
Published on Oct 30, 2025
Sa panahon ngayon na laganap ang iba’t ibang sakit tulad ng trangkaso, ubo, at sipon, hindi tayo mapanatag lalo na sa mga buntis. Mas mahirap sa mga buntis kasi madali silang mahawaan ng sakit dahil sa pagbabago ng kanilang immune system. Bukod pa rito, hindi rin sila basta-basta makainom ng gamot dahil maaaring makaaapekto ito sa kanilang ipinagbubuntis. Ayon sa mga eksperto, kakaunti pa rin ang mga pag-aaral tungkol sa kaligtasan ng mga gamot para sa ubo at sipon sa mga buntis.
Dahil dito, marami ang bumabalik sa mga tradisyonal na paraan ng pagpapagaling gaya ng “suob o tuob,” o steam inhalation. Marami ang naniniwalang nakatutulong ito sa pagpapagaan ng paghinga, pag-ginhawa ng baradong ilong, at pagpapabilis ng paggaling.
Sa kulturang Pilipino, lalo na sa mga probinsya, itinuturing ang suob o tuob na isang natural na lunas, at karaniwang ginagawa kahit sa mga buntis. Ngunit sa kabila ng mga benepisyo nito, may mga panganib ding maaaring idulot ang sobrang init sa pagbubuntis. Kaya ang tanong: ligtas ba talaga ang suob para sa buntis?
Ano ang Suob o Tuob?
Sinasabing malawak ang paggamit ng suob o tuob bilang home remedy sa mga pamayanang Pilipino. Ito ay isang tradisyonal na lunas na gumagamit ng pinakuluang halamang gamot tulad ng tanglad, sambong, lagundi, bayabas, at iba pa. Pagkatapos pakuluan, nilalanghap ang singaw o usok mula sa mainit na tubig upang mapagaan o mapaluwag ang paghinga.
Ginagamit na rin ito noon pa man para magpa-relax, matanggal ang toxins, guminhawa ang pakiramdam lalo na sa mga bagong panganak o may karamdaman, at mapabuti ang sirkulasyon ng dugo. Ayon sa isang pag-aaral, ang steam inhalation ay nakatutulong sa mga pasyenteng may karaniwang sipon, kumpara sa mga hindi ginagamot.
Paano Isinasagawa ang Pagsusuob?
Narito ang mga hakbang sa tamang pagsasagawa ng suob:
Magpakulo ng tubig.
Maglagay ng halamang gamot at asin sa kumukulong tubig. Maaaring maglagay rin ng essential oil gaya ng eucalyptus.
Ilipat ito sa isang palanggana.
Takpan ng kumot ang ulo at katawan upang hindi lumabas ang singaw.
Langhapin ang usok mula sa mainit na tubig.
Gawin ito sa loob ng 10-15 minuto.

Hindi Na Kaya Ng Suob Ang Sipon O Ubo? Mga Senyales Na Kailangan Na Ng Doktor
Read herePaano Nakatutulong ang Suob sa Buntis?
Katulad ng ibang nakararanas ng sipon, baradong ilong, o makating lalamunan, nakatutulong itong mapagaan ang pakiramdam ng buntis at mabawasan ang sintomas.
Ang mga benepisyong maibibigay ng pagsusuob sa buntis ay:
Pagbawas ng nasal congestion
Pagluwang ng mucus o plema
Pagginhawa ng makating lalamunan
Pagpaparelaks ng katawan
Ligtas na alternatibong gamot
Ano ang Posibleng Panganib ng Suob sa Buntis?
Bagama’t may benepisyo, may ilang panganib din na dapat isaalang-alang:
Pagtaas ng core body temperature o hyperthermia. Ayon sa National Library of Medicine, ang labis na init sa katawan ng buntis ay maaaring magdulot ng miscarriage at mapataas ang tsansa ng pagkakaroon ng birth defects sa ipinagbubuntis.
Panganib ng premature birth at komplikasyon. Ayon sa Center for Disease Control and Prevention (CDC), kapag na-expose sa matinding init ang buntis, maaari itong magdulot ng maagang panganganak, mababang timbang ng sanggol, at mga komplikasyon sa ina gaya ng pagtaas ng presyon ng dugo, pagkahilo, at dehydration.
Pagbaba ng presyon at dehydaration o heat stress. Ang matagal o labis na pagsusuob ng buntis ay maaaring magdulot ng dehydration sa labis na pagpapawis, possible rin ang pagkahilo o panlalabo ng panigin, at pagkakaroon ng hypotension.
Suob at Buntis: Ano ang Dapat Gawin Kapag May Ubo at Sipon?
Ayon sa vlog ni Dr. Carol Taruc, isang ob-gyne, ang karaniwang ubo at sipon ay dulot ng isang viral infection na kusang gumagaling sa loob ng isang linggo—kahit hindi uminom ng gamot—basta’t palakasin ang immune system.
Binanggit din niya na pwedeng magsuob o mag-steam inhalation ang mga buntis kung saan naglalagay 3 kutsariyang asin sa isang mainit-init na tubig at i-inhale ang usok nito. Ngunit paalala niya: iwasan ang labis na init at ang direktang init sa mukha upang maiwasa ang pagkasunog o iba pang komplikasyon.
Mga Paalala Kung Magsusuob ang Buntis:
Limitahan ang oras o tagal ng suob sa 10-15 minuto lamang
Tiyaking hindi masyadong mainit ang tubig
Uminom ng sapat na tubig bago at pagkatapos magsuob
I-monitor ang anumang senyales ng panganib (hilo, labis na pag-init, panlalabo ng paningin)
Huwag na itong gawin kung may ibang karamdaman at lalo na kung nasa unang trimester ng pagbubuntis
Iba Pang Paraan Para Labanan ang Sipon at Ubo sa Buntis
Kung nag-aalala sa epekto ng suob, mas makabubuti na palakasin ng buntis ang kanyang immune system sa papamagitan ng:
Pag-inom ng maraming tubig
Pagkain ng masustansiyang pagkain
Pagkakaroon ng sapat na pahinga o tulog
Pag-inom ng vitamin C o Zinc
Payo rin ni Dr. Taruc, kung masakit ang lalamunan, mas mainam na mag-gargle ng maligagam na tubig na may asin ng 2-3 beses sa isang araw. Para sa baradong ilong, maaaring gumamit ng nasal saline spray.
Maaari ding gawin ang mga sumusunod:
Maglagay ng maligamgam na bimpo sa noo
Maligo ng maligamgam na tubig
Gumamit ng humidifier
At higit sa lahat, kumonsulta agad sa doktor kung may lagnat o kung hindi pa rin gimagaling ang ubo at sipon matapos ang isang linggo.
Alamin ang mga pagkain na mayaman sa iron na makakabuti para sa mga buntis.

Flu Vaccine Is Critical for Kids Under Age 5 and Pregnant Women
Read hereRead more stories about