Mga Pagkaing Pampakapit Para sa Buntis
Pagkaing pampakapit? Yes, please! Alamin kung ano ang mga pagkain para sa strong na baby at healthy na mommy. 🤰🥛
Published on Jan 6, 2026
Sa pagbubuntis, bukod sa mga pisikal na pagbabago sa katawan, malaki rin ang pangangailangan para sa sapat na nutrisyon. Mahalaga ito upang mapanatiling malusog ang pagbubuntis at makaiwas sa komplikasyon, lalo na sa unang bahagi kung kailan mas sensitibo ang kalagayan. Isa sa mga karaniwang usapin ay kung ano ang mga pagkaing pampakapit para buntis.
Bagama’t may mga gamot na maaaring ibigay ng doktor bilang pampakapit, dapat itong sabayan ng tamang nutrisyon, lalo na sa pagkain. Wala mang tiyak na pagkaing makapipigil sa miscarriage, may mga pagkain namang nakatutulong sa pagpapalakas ng katawan ng ina at sa pag-unlad ng sanggol. Ito ay mga pagkaing mayaman sa bitamina, mineral, at protina na sumusuporta sa pag-develop ng fetus at nagpapalakas sa kalusugan ng buntis.
Ayon sa Johns Hopkins Medicine, mahalaga ang tamang nutrisyon para maiwasan ang mga komplikasyong gaya ng anemia o preeclampsia. Tinitiyak din nito ang maayos na pagbuo ng utak, buto, at mga internal organs ng sanggol. Kaya’t hindi lang basta pagkain o dami nito ang mahalaga, kundi ang kalidad at nutrisyong taglay nito.
Ano ang Gampanin ng Pagkain sa Pagbubuntis?
Ang tamang pagkain ng buntis ay nakatutulong para maiwasan ang kakulangan sa nutrisyon, lalo na sa folate at iron. Palaging ipinapayo sa mga buntis ang balanseng pagkain ng gulay at prutas. Inirerekomenda ng WHO ang regular na pagkain ng gulay, gatas, manok, baboy, isda, mani, prutas, at iba pang pagkaing may sustansiyang kailangan ng katawan. Dapat ding uminom ng mga supplements tulad ng folic acid at iron. Mahalaga ring tiyakin na malinis at ligtas ang mga pagkaing kinakain.
Ano-ano ang Nutrisyong Kailangan ng Buntis at Saan Ito Makukuha?
Ayon sa WHO, may limang pangunahing nutrisyon na dapat pagtuunan ng pansin upang matiyak ang malusog na pagbubuntis. Sa pamamagitan ng pagkain ng mga pampakapit na pagkain, makakamit ng ina at sanggol ang mga sustansiyang ito.
Folic Acid o Folate. Mahalagang bitamina lalo na sa unang buwan ng pagbubuntis. Nakatutulong ito sa pagbuo ng neural tube ng sanggol at nakaiiwas sa birth defects gaya ng spina bifida.
Pagkain: Makukuha ito sa madahon at luntiang gulay gaya ng spinach o kangkong, citrus fruits, beans, at mga fortified cereals at tinapay.
Iron. Kailangan para sa paggawa ng mas maraming dugo na susuporta sa ina at sa sanggol. Ayon sa Cleveland Clinic, ang kakulangan sa iron ay maaaring magdulot ng panghihina, pagkapagod, at mas mataas na panganib ng preterm delivery o panganganak na wala sa oras.
Pagkain: Makukuha ito sa karne (lean meat), manok, isda, lentils, tofu, at cereals.
Calcium at Vitamin D. Mahalaga sa pagbuo ng malalakas na buto at ngipin ng sanggol. Kapag kulang ang calcium sa pagkain, kinukuha ito ng katawan mula sa buto ng ina, na maaaring magpahina sa kanya. Ayon sa WHO, ang kakulangan ng vitamin D ay isa ring alalahanin, lalo na kung kulang sa exposure sa araw.
Pagkain: Makukuha ito sa gatas, yogurt, keso, calcium-fortified juice, tofu, broccoli, fatty fish gaya ng salmon at mackerel, at fish liver oils.
Protina. Building block ng katawan at kailangan ito para mapabilis ang paglaki ng sanggol. Tinitiyak nito na may suplay para sa pagbuo ng organs, kalamnan, at dugo ng fetus.
Pagkain: Makukuha ito sa karneng walang taba, manok, isda, itlog, mga beans, at mani.
Choline at Vitamin B Complex. Tumutulong sa brain development ng sanggol. Ayon sa ACOG, ang mga bitaminang B1, B2, B6, B9, at B12 ay nakapagbibigay ng enerhiya, tumutulong sa malinaw na paningin, at nakatutulong sa pagbuo ng placenta.
Pagkain: Makukuha ito sa atay, baboy, manok, saging, beans, at whole-grain cereals, at tinapay.
Ano ang mga Pagkaing Dapat Iwasan ng Buntis?
Kung mayroong pampakapit na pagkain, may mga pagkaing kailangang iwasan upang maprotektahan ang ina at sanggol mula sa anumang bakteriya at toxins. Ayon sa Medical News Today, ang mga sumusunod ay maaaring magdulot ng food poisoning, impeksiyon, at komplikasyon tulad ng salmonella, listeria, toxoplasma o gestational diabetes.
Mga hilaw o hindi masyadong lutong karne, shellfish, at hilaw na itlog
Isda na mataas sa mercury tulad ng pating at tuna
Unpasteurized milk, keso, at cold-smoked o ready-to-eat na produkto
Labis na matatamis na pagkain
Mga Praktikal na Tips sa Pang-araw-araw na Pagkain
Bagaman walang tiyak na pagkaing pampakapit, ang pagkain ng masusustansiyang pagkain araw-araw ay malaki ang maitutulong para sa ligtas at malusog na pagbubuntis. Ayon sa National Health Service (NHS), hindi kailangang sundin na espesyal na diet kasi ang mahalaga ay kumain ng iba’t ibang uri ng pagkain para makuha ang tamang balanse ng sustansiyang kailangan ng ina at ng sanggol.
Narito ang ilang tips:
Magpokus sa makulay na plato. Ibig sabihin, dapat may gulay, prutas, beans, at protina na dapat bahagi ng pang-araw-araw na pagkain.
Hatiin ang pagkain sa malilit na bahagi at kumain kada 2 oras upang maiwasan ang biglaang pagkagutom o sobrang kabusugan.
Hugasang mabuti ang mga prutas at gulay; tiyaking lutong mabuti ang karne.
Huwag kalimutan ang prenatal vitamins para tiyak na makukuha ng sanggol ang mga nutrisyong kailangan nito.
Manatiling hydrated sa pamamagitan ng pag-inom ng maraming tubig nang makaiwas sa constipation at dehydration.
Sa kabuuan, ang pagkaing pampakapit sa buntis ay hindi isang partikular na pagkain kundi isang pangkalahatang uri ng pagkain na nagpapalakas ng katawan at nagbibigay ng tamang pundasyon ng nutrisyon para sa ina at sanggol. Mula sa unang buwan ng pagbubuntis hanggang sa panganganak, piliin ang masustansiyang pagkain na susuporta sa isang ligtas at malusog na pagdadalang-tao.
Here's how breastfeeding might train the body to fight off breast cancer.

Ligtas Ba ang Suob sa Buntis? Mga Dapat Malaman
Read hereRead more stories about