Ang Pilipinas ay madalas makaranas ng mga bagyo. Dahil dito, mahalagang tiyakin na handa ang ating mga tahanan upang mapanatiling ligtas ang pamilya, lalo na ang mga bata.
Sa bawat bagyong dumarating, nagdadala ito ng malalakas na hangin at matitinding ulan na maaaring magdulot ng malaking pinsala at panganib. Upang mabawasan ang epekto ng mga sakuna at mapanatili ang kaligtasan ng bawat isa, narito ang isang masusing checklist ng mga dapat ihanda at suriin sa bahay tuwing may bagyo.
Mga dapat suriin sa bahay upang manatiling ligtas ang pamilya tuwing may bagyo
1. Linisin ang mga alulod
Ang mga alulod na barado ng mga dahon, sanga, at iba pang debris ay maaaring magdulot ng pagbaha sa paligid ng bahay. Kapag hindi naayos ang daloy ng tubig, maaaring tumagas ito sa loob ng bahay, na nagdudulot ng karagdagang pinsala. Linisin ang mga alulod bago pa man dumating ang bagyo upang masigurong maayos ang daloy ng tubig-ulan. Regular na gawin ito, lalo na sa panahon ng tag-ulan.
2. Suriin ang bubong
Ang bubong ay ang unang linya ng depensa laban sa malakas na ulan at hangin. Regular itong inspeksyunin upang makita kung may mga butas, sirang, o anumang bahagi na kailangang ayusin. Ang mga sirang bahagi ng bubong ay maaaring magdulot ng tagas na magpapabaha sa loob ng bahay. Ang pagtukoy at pag-aayos ng mga problema sa bubong bago dumating ang bagyo ay makakatulong upang maiwasan ang mas malaking pinsala.
3. I-check ang mga bintana at pinto
Siguraduhing nasa maayos na kondisyon ang mga pinto at bintana at walang anumang sira. Maaari ring i-consider at paghahanda ng mga storm shutters o pangtapal sa mga bahagi kung nasaan ang mga bintana at pinto para sa dagdag na proteksyon.
4. Mag-trim ng mga Puno at Sanga
Ang mga sanga ng puno na malapit sa bahay ay maaaring magdulot ng pinsala kapag bumagsak dulot ng malakas na hangin. Magpa-inspeksyon sa mga eksperto at magpa-trim ng mga sanga upang maiwasan ang aksidente. Ang mga sanga na masyadong malapit sa bahay ay maaaring bumagsak sa bubong, bintana, o linya ng kuryente, na magdudulot ng mas malaking panganib at pinsala.
5. Suriin ang mga electrical wirings
Suriin ang mga pinagdadaluyan ng kuryente sa loob at labas ng bahay at siguraduhing maayos ang lagay ng mga ito.Ipainspeksyon ang mga electrical wirings sa mga propesyonal upang masigurong ligtas ang mga ito sa anumang banta. Kung magsimulang pumasok ang tubig sa bahay, mas mainam na patayin muna ang pangunahing suplay ng kuryente upang maiwasan ang mga aksidente tulad ng pagkakakuryente o pagkasunog.
6. Maghanda ng emergency kit
Maghanda ng emergency kit na naglalaman ng mga mahahalagang bagay tulad ng flashlight, baterya, gamot, tubig, at pagkain na sapat para sa ilang araw. Mahalaga na may sapat na supply ng pagkain at tubig na hindi madaling masira para sa buong pamilya. Isama rin ang mga mahahalagang dokumento, ilang pamalit na damit, at first aid kit. Siguraduhing madaling maabot ang kit sa oras na kailangang lumikas at magpunta sa evacuation centers.
6. Magkaroon ng home emergency plan
Magplano kung saan pupunta at paano magkakaroon ng komunikasyon ang bawat miyembro ng pamilya sa oras ng emergency. Mahalagang magkaroon ng ganitong pag-uusap sa pamilya at ipaintindi ito sa mga bata upang maging handa ang lahat sa anumang sitwasyon. Magtakda ng mga meeting points at tiyaking alam ng lahat kung paano magkakaroon ng komunikasyon sa isa’t isa. Ang pagkakaroon ng isang malinaw na plano ay makakatulong upang maiwasan ang kalituhan at panic sa oras ng sakuna.
Karagdagang safety tips tuwing may bagyo
- Siguraduhing fully charged ang mga cellphone at may load para magamit sa pagtawag o pag-text sa oras ng emergency. Magkaroon din ng listahan ng mga emergency contact numbers tulad ng inyong lokal na awtoridad, ospital, at mga kamag-anak.
- Palaging makinig sa balita at mga update tungkol sa bagyo mula sa mga opisyal na ahensya tulad ng PAGASA. Maaaring bistahin Facebook page o kanilang website para sa mga updates tungkol sa lokasyon at kung gaano kalakas ang ulan at hangin na dala ng bagyo. Ang tamang impormasyon ay makakatulong sa tamang desisyon at aksyon sa panahon ng sakuna.
- Alamin ang mga malapit na evacuation centers at siguraduhing alam ng lahat ng miyembro ng pamilya kung paano makarating doon. Maging handa sa posibleng paglilikas lalo na kung nakatira sa mga flood-prone areas.
Sa pamamagitan ng pagsunod sa mga hakbang na ito, masisiguro mong handa ang iyong tahanan at pamilya sa pagdating ng bagyo.