Join the next Smart Parenting Giveaway and get a chance to win exciting prizes!

Join Now
  • 6 Pinoy Movies Tungkol Sa Struggles Ng Mga Nanay: Walang Day Off, Walang Leave

    Masarap panoorin ang mga ito kung nawawalan ka na ng motivation.
    by Jhem Bon .
6 Pinoy Movies Tungkol Sa Struggles Ng Mga Nanay: Walang Day Off, Walang Leave
PHOTO BY Original movie posters
  • Bawat nanay ay may kanya-kanyang istorya. Lahat ay may kanya-kanyang kwento ng paghihirap at tagumpay para sa pamilya. May mga pagkakataong nais na nilang sumuko pero hindi maari dahil ang iniisip pa rin nila ay ang kanilang pamilya. May mga oras na pagod na sila pero hindi maaring magpahinga. Dahil sa totoo, ang pagiging ina ay walang pahinga: walang day off, walang leave.

    Kung isasa-pelikula ang mga paghihirap ng isang ina, marami tayong maililista. Dahil hindi kayang isalaysay sa iisang pelikula lamang ang mga pinagdaraanan nito. Narito ang ilang Pinoy movies na siguradong makaka-relate ang bawat ilaw ng tahanan. (Warning: May spoilers na mababasa.)

    More from Smart Parenting

    Ang Tanging Ina

    Gagawin ang lahat ng isang ina para sa kaniyang pamilya, gaya na lamang ni Ina Montecillo na ginampanan ni Ai-ai delas Alas. Matapos na tatlong beses mamatayan ng asawa, pinasok niya lahat ng trabaho para lamang maitaguyod ang 12 niyang anak. Sa kabila nito, dumating pa rin sa punto kung saan nagalit ang kanyang mga anak sa hindi niya pagsabi ng totoo na nauubos na ang savings nila kaya ganon na lang ang pagpursigi niyang magkaroon ng permanenteng trabaho. Sa huli naman, isang aksidente ang naging dahilan para magkaayos sila ng kanyang mga anak.

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

    Minsan, nakakapagod maging nanay lalo na kung hindi man lang naapreciate ng mga anak ang ginagawa mo para sa kanila. Pero sa huli, sabi nga, ang pamilya ay pamilya at walang ibang magtutulungan kung hindi kayo din.

    Inang Yaya

    Mahirap isiping kailangan mong mamili sa pagitan ng sarili mong anak at ng batang matagal mo nang inaalagaan. Ito ang naging pagsubok ni Norma (Maricel Soriano) nang dalhin niya ang anak na si Ruby sa Maynila kung saan siya nagtatrabaho bilang yaya ni Louise. Dahil napamahal na ang bata sa kanya, tila ay naging kakumpitensya ito ni Ruby sa pagmahahal at kalinga ng ina. Isa lamang ito sa mga kailangan isakripisyo ni Norma para mabigyan ng maayos na buhay ang anak na mag-isa niyang binubuhay.

    Masakit para sa isang ina ang isipin na nabibigyan mo ng oras ang batang hindi mo kadugo habang ang iyong anak ay naghihintay sa’yo. Pero pinatunayan ni Norma na hindi yun dahilan para hindi maiparamdam sa kanyang anak ang pagmamahal niya bilang isang ina.

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW
    More from Smart Parenting

    In My Life

    Minsan talaga mahirap para sa magulang ang tanggapin na may ibang tao nang nag-aalala at nagbibigay ng pagmamahal sa kanilang mga anak. Yung kinukunsulta nila sa bawat desisyong kanilang gagawin at karamay sa mga pinagdadaanan sa buhay. Ito ang naging pagsubok ni Shirley na ginampanan ni Vilma Santos nang paglihiman ng anak na si Mark at karelasyon nitong si Noel tungkol sa pagkakasakit ni Mark. Pakiramdan niya ay wala na siyang puwang sa buhay ng anak dahil si Noel na ang mas nakakakilala dito.

    Ngunit walang puwang ang hindi pagpapatawad sa puso ng isang ina. Nang mamatay si Mark, natuto siyang tanggapin ng buo ang desisyon ni Mark na ibahagi ang buhay niya kay Noel. Nagkaisa silang sundin ang gustuhin ni Mark at tinurin niya ring parang tunay na anak si Noel. Darating talaga ang panahon na may ibang makikilala ang ating mga anak. Ang mahalaga ay matutunan din natin silang mahalin gaya ng pagmamahal ng ating mga anak sa kanila.

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

    Tanging Yaman

    Nung nalaman nilang may Alzheimer’s disease si Loleng (Gloria Romero), ninais ng mga anak na sila Danny, Art at Grace na ibenta ang kanilang ari-arian. Ngunit habang nasa proseso sila ng pagbenta ng bahay, nagkaroon sila ng mga pagtatalo na nag-ugat para maungkat ang sama nila ng loob sa isa’t isa dahil sa hindi pantay na pagtingin sa kanila ng ina.
    Sa pelikulang ito makikita na sa kalakasan at kahinaan ng mga anak ay sa iba’t-ibang paraan o lebel din naipapakita ang pagmamahal ng isang ina. Ngunit hindi ito basehan para masabi nating may paborito sila dahil sa puso ng isang ina, pantay-pantay ang mga anak.

    More from Smart Parenting

    Everything About Her

    Minsan sa kagustuhan nating magkaroon ng magandang buhay ang pamilya natin, natutuon ang ating atensyon sa trabaho. Ito ang na-realize ni Vivian nang sabihin ng doktor na siya ay may stage 3 lung cancer. Agad niyang pinahanap ang anak na matagal ng hindi nakakasama. Sa una ay hindi niya makuha ang loob nito dahil na rin sa pagkakaiba nila sa maraming bagay. Pero sa paglipas ng mga araw at sa tulong narin ng kanyang private nurse na si Jaica, higit pa silang nagkakilala at sa huli ay nagkapalagayan din ng loob.
    Walang perpektong ina. Ang meron, yung naniniwalang hindi pa huli ang lahat para bumawi sa anak.

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

    Miss Granny

    Tampok sa Pinoy movie na ito si Fely (Nova Villa) bilang isang malambing at maalagang ina kay Ramon. Nakatira sa iisang bahay ngunit may problema — hindi niya makasundo ang asawa nito at madalas silang nagtatalo na naging dahilan ng pagkaka-stress at pagka-ospital nito. Bilang sabi ng doktor na mas mabuting umiwas siya sa kahit na ano’ng maaring dahilan ng pagka-stress niya, napag-usapan nilang iwan muna sa tahanan ng mga matatanda si Fely — bagay na hindi niya nagustuhan.

    Samantala, naligaw siya sa isang photo studio kung saan sa kanyang paglabas ay naging dalaga siyang muli. Ginamit niya ang pagkakataong ito upang pansamantalang malayo kay Roman. Ito rin ang naging daan para matulungan niya ang apo sa career nito sa pagkanta.

    Ipinapakita sa Pinoy movie na Miss Granny na ang tanging hangad ng isang ina ay palaging ang makabubuti para sa kanyang anak. Kung minsan ay sumosobra man sila, hindi nila kailanman ninais na maging pabigat sa mga ito. Walang inang gugustuhing masira ang relasyon ng kanyang anak at ng pamilya nito.

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

    More from Smart Parenting

    Ang pagmamahal ng isang ina ay hindi mapapantayan gaya ng hindi rin ito maisasa-pelikula ng isahan lamang. Ang pagsasakripisyo nila ay hindi natatapos, hindi gaya ng anumang palabas sa screen. Ang mga Pinoy movies na ito, bagamat ang iba ay hindi makatotohanan, ay sumasalamin sa iba’t-ibang kwento ng paghihirap ng isang ina para sa pamilya.

    Nakakatawa man o nakakaiyak, isa lang ang nais ipahiwatig ng mga pelikulang ito: Ang bawat pamilya ay may kanya-kanyang kwento. Hindi natin maaring sabihin na may isang solusyon para sa lahat. Hindi rin ang nanay ng isa ay kagaya ng sa lahat. Wag natin kalimutan na habang nag-eedad tayo ay tumatanda rin ang ating mga nanay kaya laging ipadama sa kanila ang pagpapahalaga at pag-appreciate sa mga sakripisyo nila para sa atin.

    More from Smart Parenting

View More Stories About
Recommended Videos
View more articles