Dahil may isang client na nag-cancel ng kanyang photo coverage sa freelance photographer na si Alexander Amora Juni, napaunlakan ang Smart Parenting ng isang online interview sa amang nag-viral kamakailan sa social networking site na Facebook.
Dalawang araw bago mag-Father's Day, nagkuwento si Alexander, 49, na kasalukuyang nakatira sa Sucat, Paranaque kasama ang kanyang pamilya, kung paano nagbago ang buhay nila nang mag-viral ang kanyang post kung saan inaalok niya ang kanyang photography services nang walang fixed price. Basta't sagutin ang kanyang pamasahe mula sa Sucat hanggang sa venue, ang customer na ang bahala kung magkano ang ibabayad niya kay Alexander.
"Right after ng mag-viral ako, lots of interviews, lots of messages I received. To be honest, super dami po, thousands. Imagine, umabot ng 194k shares," aniya.
Sa viral post ni Alexander, kinailangan niyang magsikap sa trabaho at makakuha ng maraming clients dahil kailangan niyang tustusan ang paggagamot ng kanyang 11 taong gulang anak na si Angel Anthony Rose Juni. Si Angel ay ang kanyang bunsong anak na nakikipaglaban sa sakit sa kalamnan na Duchenne muscular dystrophy. Ito ay isang genetic na karamdaman na kumakapit sa mga batang lalaki, mula pa noong siyam na taong gulang ito.
Dagdag pa riyan, nasunugan rin daw ang kanyang ina na nasa Bicol.
Humingi siya ng dispensa sa mga taong hindi na niya magawang masagot dahil nga sa dami ng messages at sa punong-puno na ang kanyang schedule. "Yung iba mga customers and clients, sayang. Maybe some other time nalang kung meron silang upcoming event," pahayag niya.
"Marami din pong nagrerecruit. They want to give me a magandang trabaho, kaso mahihirapan po ako kasi meron na akong prior commitment sa mga client. Every morning, binubuhat ko si Angel, I'm sorry po sa mga tinatanggihan ko na job offers."
Buhay Tatay
Kuwento ni Alexander, laging puno ang kanyang schedule at nagpupuyat siya para matapos ang kanyang trabaho. Sa umaga, siya ang nagmemessage sa mga customers tungkol sa kanilang mga events. Sa gabi naman ay nag-e-enhance siya ng mga kuha niyang litrato.
"Pwede magpahinga, pero walang salitang pagod para sa pamilya." --Alexander Amora Juni
Kaya naman, masaya siya na nakapagpahinga noong araw ng interview. Nakadalaw rin daw sila sa sementeryo, sa puntod ng panganay na anak niyang si Axl Jan Rose Juni. Nagkaroon din ito ng kaparehong sakit sa bunsong anak niya. Namatay si Axl noong 2019 sa edad na 16.
Natutuwa naman siya na todo suporta ang kanyang pamilya sa kanya. Ang kanyang anak na babae ang kanyang naging sekretarya at nag-aayos ng schedule niya.
"Dami na pong sulat ng kalendaryo. Every date po, may nakasulat na pangalan."
Dagdag niya, "Eto yung hinahanap ko eh. I keep on praying for this one eh, "Lord, bigyan mo naman ako ng customer. I keep on praying for my late son. Before siya namatay, he promised me, "I will be your angel." Tinutupad niya po ngayon."
"Yung mga isinusukli sa akin ng asawa ko at anak ko, nakikita ko yun. Tahimik lang kasi kaming mga tatay eh. Nakakataba ng puso," pahayag niya.
Mensahe para sa mga tatay
Marami ang na-inspire sa pagsisikat ni Alexander para sa pamilya. Kaya naman, hiningan namin siya ng mensahe para sa mga tatay na tulad niya. "Yung katawan natin meron tayong mga weaknesses, pwede magpahinga, pero walang salitang pagod para sa pamilya. Mahalin natin ang mga krus natin," sabi niya.
"Dito na po yung passion ko, yung puso ko. Mas malapit kasi ako sa pamilya ko, kasama ko sila araw-araw." --Alexander Juni
"Sa mga tatay, gampanan natin ang tungkulin natin bilang father. Although tayo yung pinaka-emotionally weak sa pamilya, huhugot tayo ng lakas sa ating partner sa buhay, at tayo naman ang kikilos para sa future ng ating mga pamilya," dagdag pa niya.
Binahagi niya kung saan siya kumukuha ng lakas para harapin ang mga pagsubok sa buhay, "Wag ka mapagod. Kasi ang pagod na yan, yan yung makakasira sa'yo. Susuko ka. Ang sikreto diyan, panalangin po. Kung anuman yung belief natin, kung marunong tayo magdasal, doon mo masasabi na walang salitang pagod para sa pamilya."
Bagong buhay
Kahit na maraming nag-aalok sa kanya ng regular na trabaho, ipagpapatuloy pa rin daw ni Alexander ang kanyang pagiging freelance photographer niya. "Eto na po yung career ko. Dalawang courses yung napagtapos ko eh. Dito na po yung passion ko, yung puso ko. Mas malapit kasi ako sa pamilya ko, kasama ko sila araw-araw. Kung mawawala man ako ng isang linggo, at least nagkikita kami sa videocall."
Sa huli, nagpasalamat si Alexander sa lahat ng tumulong sa kanya at sa kanilang pamilya. "Nagpapasalamat ako sa Lord sa biyayang binigay niya. Sa inyong lahat po. Kung wala rin po kayo, di ako aabot sa ganitong buhay. I'm not asking for financial help, I'm asking for clients who need my photography services. I'm very thankful sa support sa family ko. Yung mga negative po, babait din po sila. More blessing to come not only to us, sa inyo rin po."
To avail Alexander Juni's photography services, send him a message on Facebook here.