Nagdiwang ng unang kaarawan niya si baby Ethan Lawrence, bunsong anak ni Bianca Lapus at asawang si Jimmy Velasquez, noong January 19, 2020. Kasabay din nito ang binyag ni Ethan sa Santuario de San Antonio Parish sa Makati.
Sa panayam ng Pep.ph kay Bianca, madadama ang kasiyahan ng dating aktres dahil nalagpasan nila ni baby Ethan ang maraming pagsubok, mula pa lang noong ipinagbubuntis nya ito hanggang sa maipanganak niya na.
Na-diagnose si Bianca ng preeclampsia habang ipinagbubuntis ang kanyang ikaapat na anak noong 2018. Ang preeclampsia ay isang kalagayan kung saan biglaang tumataas ang blood pressure ng isang buntis, kasabay ng pamamaga ng mga kamay, binti, at paa.
Dahil hindi kontrolado ang blood pressure, kadalasan ay nagkakaroon ng iba’t-ibang mga kumplikasyon sa kalusugan ng ina at ng ipinagbubuntis nito, kabilang na ang problema sa bato at atay, paglabo ng mata ng ina, pagsakit ng ulo, at premature birth. Kwento ni Bianca, ganoon na nga ang nangyari sa kanya.
ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW
“Hindi bumababa ang BP ko,” aniya, at paglaon daw, habang papalapit ang kanyang panganganak, nagka-problema siya sa paningin. “I was kind of blind for [a] few days.”
Kinailangan din niyang mag-doble ingat noon. “Bed rest lang talaga ako nung pinagbubuntis ko siya,” dagdag pa niya. Gayunpaman, napaaga pa din ang panganganak ni Bianca sa kanyang bunso.
“...saktong eight months nung pinanganak ko siya so nag-incubator siya. Nag-stay muna siya sa nursery. ‘Tapos ang liit-liit niya!
“Makikita mo yung baby mo na ang liit. Yung hirap siyang huminga. May tube sa bibig, sa lalamunan.”
Dahil sa premature si baby Ethan, kinailangan nitong maiwan pa sa ospital noong ma-discharge si Bianca para lumakas muna ang kanyang katawan.
“We had to rent a condo near the hospital so everyday, I can visit him, breastfeed him,” dagdag ng dating aktres.
Gaano ka-delikado ang preeclampsia? Ani Bianca, “Sinabi talaga sa akin na, ‘You can have cardiac arrest. Puwede kang ma-comatose.’
“So doon na ako sa point na susulat na ako ng mga habilin ko sa mga anak ko, sa lahat. Nagre-record ako.”
Na-emergency Cesarean section si Bianca kahit hindi pa niya kabuwanan dahil ang blood pressure niya ay “umabot na sa 200, 500.”
Dahil sa lahat ng kanilang pinagdaanan, napakalaki ng pasasalamat ni Bianca na nalagpasan nila ang mga ito, at lumalaking malusog at masaya si baby Ethan.
Napagtanto din ni Bianca na pagdating sa panganganak, “Maraming puwedeng mangayari na talagang, talagang literal na ang kalahati ng paa mo, nasa hukay na talaga.”
ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW