
Sa pagpanaw ng GMA-7 news reporter at producer na si Cesar Apolinario nitong December 13, 2019 sanhi ng sakit na lymphoma, may naulila siyang tatlong anak na lahat ay nag-aaral pa.
Ang panganay, si Remuscesar, ay senior high school student sa darating na school year sa STI Marikina. Sumunod si Athena Joyce na Grade 9 sa Eastern Star Academy at ang bunsong si Sophia ay magtatapos na ng Grade 6.
Sa kabutihang-palad, maipagpapatuloy ng mga magkakapatid ang kanilang pag-aaral bilang scholars ng Project Malasakit, isang foundation na pinamumunuan ng isa pang kawani sa GMA-7 News and Public Affairs na si Kara David.
Ang balitang ito ay inanunsiyo ni Kara sa kanyang Facebook account dalawang araw makalipas ang pagpanaw ni Cesar sa edad na 46. Ipinagmalaki pa niya na honor students ang mga anak ng kanyang yumaong katrabaho, kaibigan, at kumpare.
“Si Cesar Apolinario Jr. ang isa sa pinakamapagbigay na taong kilala ko,” lahad ni Kara sa kanyang Facebook post. “Hindi sya mayaman sa pera, pero mayaman sya sa malasakit. Marami siyang natulungang mga tao at komunidad.”
Dagdag niya, “Si Cesar ang breadwinner ng kanyang pamilya. Lumaki sya sa hirap, naging OFW, nagsikap hanggang maging reporter. Inilaan nya ang kanyang buong buhay sa pagtataguyod sa kanyang mga anak at pagtulong sa kanyang kapwa. At dahil dito hindi sya mamamatay sa ating puso.
“Ngayong wala na siya...tayo naman ang magmalasakit kay Cesar. Ipagpatuloy natin ang pangarap ni Cesar sa kanyang mga anak.”
Ipinaalam din ni Kara kung paano makipag-ugnayan ang mga taong nais makiambag sa scholarship fund.
Paalala pa ng award-winning i-Witness documentarist, “Kung gusto mong humaba ang buhay ng isang bagay... ibigay mo ito sa iba. Ang taong marunong magbigay ay hindi namamatay. Patuloy syang nabubuhay sa mga taong kanyang tinulungan.”
Bukod sa pagiging news reporter at producer ay naging host din si Cesar ng news and public affairs program na I Juander, katuwang ang isa pang batikan na broadcast journalist na si Susan Enriquez. Nakatawid din si Cesar sa mundo ng pelikula bilang direktor ng Banal (2008), Puntod (2009), at Dance of the Steel Bars (2013).