
Naging mitsa ng malawakang pagkalat ng COVID-19 ang kasalang naganap sa U.S. state na Maine noong August 7, 2020. Naging sanhi pa ng pagkamatay ng pitong katao na hindi naman dumalo sa pagtitipon pero nahawaan sila.
Ipinaliwanag ng kinatawan ng Maine Center for Disease Control and Prevention (CDC) sa ulat ng Washington Post nitong September 15 na nagkaroon ng coronavirus outbreak sa kasalan na halos 65 sa mga malalapit na kamag-anak at kaibigan ng bride at groom ang dumalo.
Lampas ang bilang ng mga bisita sa 50-person cap na itinakda ng state government ng Maine para sa indoor events ngayong panahon ng COVID-19 pandemic. Naganap kasi ang wedding reception sa isang restaurant ng lakefront venue na Big Moose Inn, na matatagpuan sa bayan ng Millinocket.
Hindi rin nasunod ng mga bisita ang social distancing at pagsusuot ng face mask, ayon sa ibang tao sa venue na walang partisipasyon sa kasalan.
Kinabukasan matapos ang kasalan, isa sa mga bisita ang nagsabing nakaramdam ng sintomas ng COVID-19, at sinundan siya ng ilan pa. Sa mga panahong iyon, marami nang nakasalamuha ang mga bisita nang hindi nalalaman na dala-dala na pala nila ang virus. Kaya naikalat nila ito sa iba-ibang lugar, tulad ng isang nursing home at county jail.
Umabot na sa 175 ang nagpositibo sa COVID-19 na naitala sa pamamagitan ng contact tracing. Pito sa kanila ang pumanaw na. Isa sa mga nasawi ang 88-year-old na si Theresa Dentremont.
Hindi dumalo si Theresa sa kasalan pero pinaniniwalang nahawa sa isa sa mga bisita, ayon sa Millinocket Regional Hospital, kung saan siya dinala para magamot sana. Naiwan niya ang asawang si Frank Dentremont, 97 years old, na nagkasakit din at nagpapagamot pa nang bawian siya ng buhay noong August 21.
Hindi makapaniwala ang stepson ni Theresa at anak ni Frank na si Frank Dentremont Jr. sa sinapit ng kanyang mga magulang. Kuwento niya sa news report na hindi lumalabas ng bahay ang mga matatanda at sigurado siyang hindi dumalo ang mga iyon sa kasalan.
Samantala, nagbigay na ng “imminent health hazard” ang mga opisyales ng Maine sa mga nagpapatakbo ng wedding venue. Naglabas naman ang inn operators ng official statement, kung saan inamin nila na nagkaroon sila ng pagkakamali sa pag-intindi at pagtupad ng mga patakaran. Pero giniit nila na nagsusuot ng face mask ang kanilang mga empleyado at dinalasan ang paglilinis sa kanilang establisyamento.
Patuloy ang Maine health officials sa pag-iimbestiga kung ang iba pang nagsusulputang mga kaso ay may kaugnayan sa wedding coronavirus outbreak, na tinatawag na ngayong “superspreader.”
Lahad ni Maine CDC director Nirav Shah sa news report na pinapaboran ng virus ang mga pagtitipon, maging masaya man ito (gaya ng kasalan) o di kaya malungkot (gaya ng libing). Sadyang laganap daw ang virus. Patunay ang kasalan na nauwi sa coronavirus outbreak kung gaano kalawak ang maaaring marating at mapinsala ng nakamamatay na sakit.
Ayon sa datos ng Johns Hopkins Coronavirus Resource Center, nakapagtala ang Maine ng 4,941 confirmed cases at 138 deaths. Ang United States naman ay may kabuuang 6,630,051 confirmed cases at 196,763 deaths mula noong sinulat ito.