“Hi, Ate Mara! Mahal na mahal kita. Always remember that. You make Mommy so proud. No matter where you are, a part of me will always be with you forever. I love you to infinity and beyond.”
Iyan ang nilalaman ng voice-recorded message kalakip sa nawalang teddy bear ngunit naibalik din sa may-ari nitong si Mara Soriano, isang Filipino-Canadian, sa tulong ng ilang tao, kabilang na ang Hollywood star na si Ryan Reynolds.
Noong July 26, 2020, nag-tweet si Ryan, na tubong Canada at may 16.2 million Twitter followers, para manawagan sa kanyang mga kababayan sa siyudad ng Vancouver, kung saan nakatira si Mara.
Pahayag ng bida ng superhero film franchise na Deadpool, magbibigay siya ng pabuya na US$5,000 sa sino mang magsasauli ng teddy bear kay Mara. Wala raw tanong-tanong. Nais lang ng lahat na makauwi ang teddy bear sa may-ari nito.
Ni-retweet din ni Ryan ang mensahe sa Twitter ni Deborah Goble, isang TV reporter sa Canadian Broadcasting Corporation (CBC) News, tungkol sa nawawalang teddy bear. Isa ang CBC News sa mga unang nagbalita ng kuwento ng teddy bear at sa masugid na paghahanap ng may-ari nitong si Mara, 28 years old.
Nag-migrate si Mara at kanyang pamilya sa Canada noong 9 years old siya, una muna sa Toronto at pagkatapos sa Vancouver, kung saan siya ngayon nagtatrabaho bilang storyboard artist.
Ayon sa mga ulat, nawala ang teddy bear noong July 25 habang abala si Mara at kanyang fiancé sa paglilipat-bahay. Nakasilid ito sa bitbit niyang backpack kasama ng iba pa niyang valuables (citizenship card, passport) at gadgets (iPad, Nintendo).
Inilapag niya ang backpack nang sagutin ang tawag sa kanyang telepono at kinailangang puntahan ang kausap niya. Nang maalala niya ang backpack at balikan sa pinaglapagan niya, wala na ito.
Agad hinanap ni Mara ang backpack sa paligid-ligid ng kanilang bagong tirahan. Gumawa siya ng flyers para ipaalam ang nawawala niya gamit at makatulong sa paghahanap nito. Naka-print sa flyers ang larawan ng teddy bear dahil iyon ang pinakamahalagang laman ng kanyang backpack.
Hiningi niya rin ang security footage sa kanilang building. Doon nakita na may isang lalaki ang dumampot ng backpack at itinakbo na ito.
Sinamahan ni Deborah at isang cameraman mula sa CBC News si Mara sa paglilibot noong July 28. Tulad sa mga naunang media interview ni Mara, ikinuwento niya sa CBC News feature ni Deborah ang kahalagahan ng teddy bear sa kanya. Iyon daw ang huling materyal na alaala ng kanyang ina na si Marilyn Soriano, na pumanaw noong June 2019 dahil sa cancer.
Bago pa tuluyang manghina si Marilyn dahil sa sakit, nakapag-record siya ng mensahe para kay Mara at inilagay iyon ng anak sa custom-made Build-a-Bear teddy bear.
“When you miss someone that much, sometimes you need to hear that,” sabi ni Mara tungkol sa mensahe ng pagmamahal na iniwan ng kanyang yumaong ina, habang hindi niya napigilang maluha.
“My mom is the best person I ever knew. She's so unbelievably kind and so unbelievably generous. She probably wouldn’t even be mad at the guy who took the bag.”
Gabi ng July 28 — o halos apat na araw makaraang mawala ang teddy bear — nagkaroon ng happy ending ang kuwento ng paghahanap ni Mara. Ibinalita niya kinabukasan sa Twitter na dalawang “kind samaritans” ang nagsauli ng kanyang pinakamamahal na teddy bear. Nasa maayos daw itong kalagayan, lalo na ang voice recording dito, pero hindi na nito suot ang salamin sa mata na replica ng eyeglasses ng kanyang yumaong ina.
Nag-tweet din si Mara kay Ryan para sabihin na ihanda na ang Aviation Gin (part-owner ng craft gin company ang aktor) dahil nakauwi na ang teddy bear na tinatawag niyang "Mamabear."
Ibinahagi naman ni Ryan ang masayang balita sa Twitter din. Pinasalamatan niya ang lahat na tumulong sa paghahanap at pati na rin na taong kumuha nito dahil sa pag-iingat sa teddy bear.
Samantala, bumisita si Mara sa CBC News studios na masayang yakap-yakap ang teddy bear. Ipinarinig niya ang voice recording dito at pagkatapos, maluha-luha niyang sinabi, “We did it! Mamabear is home!”