embed embed2
  • P4,000 Ang Nagastos Ng Toddler Na Ito Nang 'Di Sinasadyang Umorder Siya Ng Mga Laruan Online

    Hindi natinag ng 12.12 ang pamilya nila, pero nayanig silang lahat nang dumating ang mga inorder ng bata.
    by Ana Gonzales .
P4,000 Ang Nagastos Ng Toddler Na Ito Nang 'Di Sinasadyang Umorder Siya Ng Mga Laruan Online
PHOTO BY courtesy of Marloue Mahumot
  • Laking gulat ng pamilya ni Marloue Mahumot nang dumating sa bahay nila ang isang malaking kahon na diumano ay inorder daw nila online.

    Nang i-check nila ang naturang order, tumambad sa kanila ang isang electric toy bike na nagkakahalaga ng Php1,688. Isama pa ang shipping kaya umabot ang halaga sa Php2,276.

    Paano at saan nanggaling ang toy bike? Sino ang umorder nito?

    Walang iba kundi ang tatlong taong gulang na pamangkin ni Marloue.

    "Ginamit niya 'yung phone ng mama ko (lola ng bata)," kwento niya sa amin sa pamamagitan ng isang Facebook Messenger interview.

    "Hinayaan lang namin siya sa gilid habang busy kami sa [paglalagay] ng mga Christmas decors," dagdag pa niya.

    Mayroon daw kasing mga palabas na pambata sa cellphone ni lola. Hindi nila lubos akalaing pupunta sa isang popular na online selling app ang bata at oorder ng mga laruan.

    Naka-default na ring naka-save ang mga impormasyon ni lola sa app para mas mabilis na makabili ng mga kailangan nila.

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

    "Siguro, hindi na rin nahirapan 'yung baby namin at pindot lang siya nang pindot," sabi ni Marloue.

    Pagbabahagi pa niya, likas na mapagmasid o observant din talaga ang kanyang pamangkin. "[Sa halip] na hindi kami nagpatinag sa 12.12 na promo, nauna na pala siyang umorder noong December 8."

    Nalaman na lang daw nila na may order ang bata nang mag-text ang courier na idedeliver na ang mga pinamili nila. Hindi naman daw nila pinansin ang text dahil alam naman nilang lahat na walang umorder ng kahit ano sa kanila.

    Hanggang sa dumating na nga lang ang order. Nang i-check nila ang app, doon nila nalaman na hindi lang isa, kundi dalawang toy cars ang binili ng bata online. Umabot ang total na halaga sa Php4,000 mahigit.

    Tinanong nila kung pwede pa nilang i-cancel ang mga orders pero akmang iiyak naman ang bata kaya binayaran na lang nila ang mga ito.

    Syempre, kaakibat nito ay kinailangan din nilang pagsabihan ang bata para hindi na ito maulit. Ipinaliwanag nila na hindi siya dapat umoorder online dahil limitado lang ang budget ng pamilya nila.

    Si mommy at ang titodaddy niya ay mga guro at ang daddy naman niya ay naghihintay na lang ng tawag para makasampa sa barko bilang isang chef.

    Ipinaliwanag nila sa bata na limitado lamang ang resources ng kanilang pamilya kaya hindi basta-basta dapat umorder online.

    Agad namang inoffer na pambayad ng bata ang perang mayroon ito sa kanyang piggy bank. Gayunpaman, ipinaliwanag pa rin nina mommy, daddy, lola, at titodaddy Marloue na hindi pa rin pwedeng basta-basta na lang bumibili ng laruan online na walang paalam mula sa kanilang matatanda.

    CONTINUE READING BELOW
    Recommended Videos

    Hindi man inakala ng pamilya na makaka-order online ang kanilang toddler, naging aral pa rin ito sa kanila. Sa viral Facebook post ni Marloue na umabot na ngayon sa halos 1K shares at 1.9K reactions, pabiro na lang nitong sinabing, "Lesson learned: Ayaw jud patan awa inyu mga bata kung mag order mo para di magkat on kay kuyaw na sila." ("Huwag ipakita sa mga bata kung paano mag-order online para hindi nila matutunan.")

    Hindi na nga bago ang mga ganitong kwento nang kamakailan ay mag-viral ang isang bata nang umorder ito ng napakaraming pagkain online gamit naman ang cellphone ng kanyang mga magulang.

    Kaya naman mas nagiging maingat na ang mga magulang pagdating sa kanilang mga online shopping accounts.

    Sabi nga nila, ang Pasko ay para sa mga bata. Hindi matatawaran ang kaligayahan ng mga ito kapag nakakatanggap sila ng mga pinapangarap nilang regalo.

    Ngunit alam ng mga magulang at mga tito at tita na tulad ni Marloue ang responsibilidad nila na turuan pa rin ang mga bata na higit sa regalo, ang pagkakaroon ng malusog at ligtas na pamilya pa rin ang mas mahalaga.

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

    May kwentong online shopping ka rin ba na tulad nito? I-share mo lang iyan sa comments section o ipadala sa aming email address na smartparentingsubmissions@gmail.com.

    Pwede ka ring sumali sa aming Facebook group na Smart Parenting Village para sa iba pang mga kwento tungkol sa pagiging magulang at asawa.

    What other parents are reading

View More Stories About
Trending in Summit Network
View more articles