Nasa New Zealand si Joross Gamboa at kanyang pamilya nang manalasa ang malakas na bagyo. Nag-iwan ang Cyclone Gabrielle ng 11 kataong nasawi at libo pang nawawala simula nang dumating sinasabing "worst typhoon" noong February 12, 2023 sa hilagang parte ng bansang iyon.
Gayonpaman, sinikap ni Joross na maging masaya ang bakasyon kasama ang kanyang asawang si Katz Saga-Gamboa at kanilang mga anak na sina Jace Kyler at John Cody.
Naunang dumating si Joross sa New Zealand dahil meron siyang laro ng basketball kasama ang iba pang kapwa niya artista. Isa iyong exhibition game na ginanap noong February 11 sa siyudad ng Auckland para sa kasiyahan ng mga kababayang Pinoy.
Kinabukasan, dumating ang pamilya ni Joross. Aniya sa isang post, "Kahit na inabutan kami ng bagyo dito sa New Zealand, ang importante sama-sama na kami! Well look at the bright side solo namin mga lugar walang mga tao."
Totoo naman na hindi crowded sa mga tourist spots dahil umiiwas sa bagyo, pero sarado naman ang halos lahat ng mga lugar na iyon. Mabuti na lang, sabi pa ni Joross sa isa pang post, maraming kababayang Pinoy ang nagbigay ng suhestiyon ng mga puwede pang pasyalan.
Bukod sa indoor attractions, tulad ng Sky Tower, nakalabas sina Joross sa Auckland papunta sa bayan ng Russell. Doon nila nasaksihan ang napakagandang tanawin sa Paroa Bay. Napasabi tuloy siya ng "gusto na dito tumira!" (Basahin dito ang kuwento ng isang Pinay sa New Zealand.)
Tumuloy din ang mag-anak ni Joross sa mabundok na parte ng New Zealand. Kuwento niya sa kanyang post kalakip ang ilang litrato ng kanilang pamamasyal: "Eto yung kasagsagan ng bagyo na nilaban namin mag picture taking sa taas ng bundok. Medyo palaban din pamilya namin pero safe pa rin naman lahat ng lakad namin!"
Dugtong niya, "Babalik talaga kami New Zealand para makapasyal naman kami Queenstown, Rotorua at Waiheke island."
Bukod kina Joross, nabighani rin ang pamilya nina Ryan Agoncillo at Judy Ann Santos sa New Zealand. Basahin dito kung bakit.