Fact-Checked by Ronna Capili Bonifacio
Ang article na ito ay unang naipublish noong Hunyo 10, 2021. Nadagdagan ito ng updates noong Nobyembre 28, 2024.
Editor's Note: Ang sumusunod ay for educational at informational purposes lamang. Huwag pong gamitin ito na kapalit ng doktor. Mahalaga na kumunsulta sa doktor para sa medical advice na bagay sa pangangailangan mo.
Kung first-time mom ka, siguro nagtataka ka kung bakit naninilaw ang mata at balat ng newborn mo. Malamang din na sabihan ka ng nanay o di kaya biyenan mo na normal lang ang itsura ng bata. Pero mainam pa rin na malaman mo ang kanyang kondisyon.
Paninilaw dahil sa jaundice
Tinatawag sa medical term na jaundice ang pagiging dilaw ng mata at balat. Bagamat puwedeng mangyari ito sa lahat, kids man o adults, mas apektado ang mga newborn sa mga una nilang araw o linggo.
Pero, ayon sa mga eksperto sa Nationwide Children's Hospital, ang jaundice sa newborn ay hindi dulot ng sakit o ano mang problema sa kalusugan. Kadalasan daw kasing kusa na lang nawawala ang paninilaw sa mga sanggol.
Paliwanag pa nila na ang jaundice ay sanhi ng yellow substance o pigment na kilala bilang bilirubin. Pinagtutulungan itong gawin ng liver, spleen, at bone marrow mula sa pira-pirasong red blood cells. Ang nagawa nilang bilirubin ay pinapadaan ng liver palabas ng katawan sa pamamagitan ng bile, na siya namang sumasama sa pagdumi o stool.
Kapag daw hindi kaagad nakalabas ang bilirubin sa katawan at tumaas naman ang blood levels, doon nagkakaroon ng jaundice. Ang nabuong bilirubin ang dahilan kung bakit naninilaw ang mata at balat. Tinatawag itong physiologic jaundice.
Dahilan ng jaundice sa mga sanggol
Sabi naman ng mga eksperto sa Nemours KidsHealth, tataas ang tyansa ng iyong baby na magkaroon ng jaundice kung siya ay:
- Premature nang ipanganak
- Dumedede sa ina
- Hindi sapat ang nakukuhang breast milk
- Magkaiba ang blood type sa nanay
- May genetic problem na nagpapahina ng red blood cells
Bukod kasi sa physiologic jaundice, meron ding pathologic jaundice. Sanhi naman ito ng iba-ibang disorders. Kabilang diyan ang infectious; endocrine o hormonal; at genetic o inherited diseases. Sa ganyang kaso, dapat nang ipatingin at ipagamot sa doktor.
Ano ang pagkakaiba ng physiologic at pathologic jaundice?
Ang pangunahing pagkakaiba ng physiologic at pathologic jaundice ay kung kailan ito makikita sa sanggol at ano ang ipinapahiwatig nito sa kalusugan ni baby.
Physiologic Jaundice
Ito ay karaniwan at pansamantalang kondisyon na kalimitang nakikita kay baby sa ikalawa hanggang ikalimang araw pagkapanganak. Nawawala ito nang kusa pagkatapos ng isa hanggang lawang linggo at ang kadalasang sanhi ay "normal red blood cell breakdown," immature na function ng atay, o pagpapadede ng ina. Makakatulong ang madalas at epektibong pagpapadede ng ina upang mawala ito.
Pathologic Jaundice
Ito ay mas siryosong uri ng jaundice na nakikita matapos ang 24 oras pagkapanganak at hindi mawawala matapos ang dalawang linggo. Ito ay maaaring dulot ng sakit pangkalusugan na pumipigil sa katawan i-filter ang bilirubin. Delikado ang pathologic jaundice at maaari itong indikasyon ng coma o convulsion.
Paano malalaman kung normal ang paninilaw ni baby?
Mga senyales ng physiologic jaundice
Ang ilang mga senyales ng physiologic jaundice o normal neonatal jaundice ay ang mga sumusunod:
- Ang paninilaw ay nagsisimula sa mukha at anit, at ito ay kakalat sa dibdib, tiyan, at mga binti.
- Ang mga palad at talampakan ay maaari ding manilaw sa mga malubhang kaso.
- Maaaring makitaan si baby ng pagkatamlay o kahirapan sa pagpapadede.
- Ang ihi ni baby ay kulay madilim na dilaw, at ang kanyang tae ay kulay maputla o clay.
- Maaaring maging fussy o nanglalambot si baby.
- Maaaring makaranas ng pangangati si baby.
Diagnostic tests na ginagawa ng mga doktor
Ang bilirubin test ay ang pinaka-karaniwang test na ginagamit upang ma-diagnose ang jaundice. Sinusukat nito ang lebel ng bilirubin na nasa dugo na maaaring maging indikasyon ng kalusugan ng atay at makatulong ma-diagnose ang jaundice. Ang ilan pang diagnostic test na maaaring irekemenda ng doktor ay:
Complete blood count (CBC)
Ito ay diagnostic test na maaaring masukat ang overall health ni baby at maaaring makatulong makita ang sanhi ng jaundice.
ALT test
Sinusukat nito ang enzymes na nasa dugo upang masuri ang kalusugan ng atay ni baby at makatulong makita ang sanhi ng jaundice.
Albumin at total protein tests
Tinitingnan nito ang abilidad ng atay gumawa ng protein at ma-diagnose mga posibleng isyu sa atay.
Urinalysis
Sinusukat nito ang mga substance na nasa ihi na maaaring may kaugnayan sa kalusugan ng atay.
Imaging tests
Ang mga imaging tests gaya ng MRI at ultrasound ay maaaring makatulong makita ang mga posibleng pinsala sa atay o cancerous cells.
Endoscopy
Ginagawa ito sa pamamagitan ng pagpasok ng may ilaw na tubo sa atay para humanap ng posibleng problema o kumuha ng sample ng tissue kung kinakailangan.
*Para sa mga bagong silang na sanggol, kadalasang nakikita ang jaudice sa pamamagitan ng "heel stick," o sample ng dugo na kinukuha sa pag-prick sa talampakan ni baby.
Iba pang mga sintomas ng jaundice sa baby
Bukod sa paninilaw na kadalasang nagsisimula sa mukha, pagkatapos sa dibdib, sumunod sa tiyan at mga binti, hanggang makarating sa mga puti ng mata, may iba pang sintomas na dapat bantayan. Sabi pa ng mga eskperto, ang mga sanggol na mataas ang bilirubin levels ay maaaring maging antukin, hindi mapakali, at hirap padedehin.
Para makasiguro na may paninilaw lalo na kung may kaitiman ang balat ng sanggol, payo ng mga eksperto sa magulang sa banayad na pisilin ang balat sa may ilong o di kaya noo ni baby ng ilang sandali. Kapag tumigil ka sa pagpisil ng kanyang balat at nanilaw ito, may jaundice nga siya.
Bilin pa ng mga eksperto sa magulang na tumawag ng doktor kung ang anak ay:
- Itsurang may sakit o kumikilos na may sakit
- Masama ang pakiramdam
- Sobrang antukin
- Gumagrabe ang paninilaw
- Dehydrated
- Nanghihina
- Pumapayat
- Nagiging iritable
Mainam na masuri kaagad at malaman kung bakit naninilaw ang mata at balat ng iyong sanggol. Dapat daw kasi binibigyan na ng jaundice test ang mga kapapanganak pa lamang bago pa sila umalis ng ospital o birthing center. Inuulit ang test pagkaraan ng ilang araw para sa mga sanggol na at risk sa jaundice o di kaya hindi nawawala ang kanilang paninilaw.
Paano nagagamot ang jaundice?
Kapag nasuri ng doktor ang iyong newborn, maaaring kunan ang bata ng blood test at skin test. Sa blood test masusukat ang bilirubin sa dugo ng sanggol at gagamit naman ng special light sa skin test upang masukat ang bilirubin sa kanyang balat.
Ang mild jaundice raw sa sanggol ay kusang gumagaling pagkaraan ng isa o dalawang linggo hanggang mawala ang sobrang bilirubin sa kanyang katawan. Basta raw sapat ang dinedede nitong breast milk. Kung kulangin man, maaaring magreseta ang doktor ng karagdagang formula.
Para sa mas seryosong kaso ng jaundice, paalala ng mga eksperto na dapat masimulan kaagad ang gamutan. Kabilang diyan ang pagbibigay sa sanggol ng fluids, phototherapy, exchange blood transfusion, at intravenous immunoglobulin (IVIg). Habang gumagaling ang iyong sanggol, mawawala na rin ang iyong kaba kung bakit naninilaw ang mata at balat.
Frequently Asked Questions (FAQs) Tungkol Sa Jaundice
Normal ba ang paninilaw ni baby kung wala siyang ibang sintomas?
Normal ang paninilaw ng balat o mata ng mga bagong panganak na sanggol. Ito ay maaaring physiological jaundice kung saan ang atay ni baby ay hindi pa fully developed para ma-process ang bilirubin. Ang paninilaw ay kadalasang lumalabas sa ikalawa o ika-apat na araw ni baby at nawawala matapos ang dalawang linggo.
Maaari din itong breast milk jaudice, na nangyayari sa unang linggo ng buhay ng sanggol. Kadalasan itong nakikita sa mga sanggol na nahihirapan dumede sa ina o mahina pa ang breastmilk ng ina.
Gaano katagal bago mawala ang physiologic jaundice?
Kadalasang nawawala ang physiologic jaundice matapos ang dalawang linggo.
Nakakaapekto ba ang diet ng nanay sa jaundice ng sanggol?
Ayon sa mga eksperto, hindi naaapektuhan o sanhi ng jaundice ang diet o kinakain ng nagpapadedeng ina.
Dapat bang ipakonsulta agad sa pediatrician ang kahit mild na jaundice?
Nararapat na ipa-check up sa pediatrician ang kahit na mild na jaundice ni baby, lalo na kung makitaan siya ng mga sumusunod na sintomas:
- Mas malalang paninilaw lalo na sa mga kamay, paa, siko, o binti.
- Mas matingkad ang paninilaw ni baby, na parang orange-yellow o yellow-brown.
- Ang mga puti o talukap ng mga mata ni baby ay naninilaw.
- May lagnat si baby.
- Nahihirapan si baby dumede, o lumunok.
- Matamlay o palaging tulog si baby. Kasama na ang hirap sa paggising nito o nakakatulog kahit habang dumedede.