-
Anu-Ano Ang Mga Sanhi Ng Bingot At Paano Ito Maiiwasan?
Ano nga bang pinagkaiba nito sa cleft lip?by Ana Gonzales .
- Shares
- Comments

Sa sandaling malaman mong buntis ka, siguradong isa sa mga una mong ginawa, bukod sa ibahagi ito sa iyong mga mahal sa buhay, ay siguraduhing bawat galaw mo ay may ibayong pag-iingat.
Walang magulang na gustong may mangyaring masama sa anak niya sa simula pa lang. Gayunpaman, mayroon pa ring mga bagay na wala sa ating kontrol—kabilang na riyan ang mga birth defects tulad ng cleft lip at cleft palate.
Ano ang cleft palate?
Ito ay isang birth defect na kilala rin bilang 'orofacial cleft'. Dapat ay nabubuo ang palate ng anak mo sa ika-anim hanggang ika-siyam na linggo ng iyong pagbubuntis. Sa mga batang may cleft palate, hindi ito nabubuo ng maayos.
Nangyayari ito kapag ang tissue sa ngala-ngala ng anak mo ay hindi nagdudugtong o nagdidikit habang ipinagbubuntis mo siya.
Para sa ilang sanggol, parehong ang harap at likod ng palate o 'roof of the mouth' ang nakabuka, samantalang sa ilan ay may bahagyang bahagi lang na hindi na-develop.
ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOWAnong pinagkaiba ng cleft palate sa cleft lip?
Nabubuo ang labi ng anak mo sa unang apat hanggang pitong linggo ng iyong pagbubuntis. Kung sa cleft palate ang ngala-ngala ang hindi nabubuo, sa cleft lip naman, ang mga labi ang hindi nagdudugtong.
Sa ilang mga bata, maliit lang ang opening o nakabukang bahagi, habang sa ilan ay malaki at umaabot pa hanggang sa ilong. Maaaring mangyari ang cleft lip sa kaliwang bahagi ng labi, sa kanan, o 'di naman kaya ay pareho. Maari rin itong mangyari sa gitna.
Anong epekto ng pagkakaroon ng cleft palate at cleft lip?
Ayon sa Centers for Disease Control and Prevention, maaaring magdulot ng problema sa pagkain at pagsasalita ang orofacial clefts. Maaari ring makaranas ang anak mo ng ear infections. Pwede rin silang magkaroon ng mga hearing at dental problems.
Bakit nagkakaroon ng cleft lip o cleft palate ang mga bata?
Isa sa bawat 1,600 na bata sa U.S. ang ipinapanganak na may cleft lip, habang isa sa bawat 1,700 naman ang ipinapanganak na may cleft palate.
CONTINUE READING BELOWwatch nowHindi pa rin tukoy kung anong sanhi nito, ngunit ayon sa ilang mga pag-aaral, nagkakaroon ng cleft lip o cleft palate ang mga bata dahil sa mga pagbabago sa kanilang genes.
Tinitignan ding dahilan ang environment na ginagalawan ng ina habang siya'y nagbubuntis, maging ang kanyang kinakain at iniinom. Pinag-aaralan din kung may mga gamot na maaaring magdulot ng cleft lip o cleft palate.
Hindi pa man lubos na sigurado ang dahilan sa likod ng birth defects na ito, alam ng mga eksperto kung anu-ano ang mga nagpapataas ng iyong risk na magsilang ng mga batang may ganitong kondisyon. Kabilang riyan ang mga sumusunod:
- Paninigarilyo
- Diabetes
- Pag-inom ng mga gamot na para sa epilepsy sa unang tatlong buwan ng pagbubuntis
Paano maiiwasan ang pagiging bingot?
Ugaliing kumonsulta sa iyong doktor bago ka uminom ng kahit anong gamot. Maaari kasing hindi lang pagkabingot ang maging epekto ng mga gamot sa batang nasa sinapupunan mo.
ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOWPiliin mo rin ang mga lugar kung saan ka maglalagi. Iwasan ang kahit saang mae-expose ka sa usok ng sigarilyo o ano mang mag kemikal.
Anong gagawin ko kung ipanganak ko ang anak ko na bingot o may cleft lip?
Ang ano mang treatments o operasyon na gagawin sa anak mo ay depende sa kung gaano kalala ang bingot o cleft lip niya.
Kalimitan, nirerekomenda ng mga eksperto na operahan ang batang may cleft lip sa unang labindalawang buwan ng buhay niya. Samantala, sa unang labing-walong buwan naman ginagawa ang operasyon kung ang bata'y may cleft palate.
Mangangailangan din ng iba pang dental o orthodontic care ang mga batang may bingot. May ilan ding dumaraan o nangangailangan ng speech therapy.
Hindi mo kailangang mag-alala kung magkaroon man ng ganito ang anak mo. Maraming mga bata ang naooperahan at nagkakaroon ng maayos at malusog na buhay sa kabila ng cleft lip o cleft palate.
ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOWMahalagang ipakita mo sa anak mo ang suporta at pagtanggap. Maaari rin kasi silang magkaroon ng mababang tiwala sa sarili dahil na rin sa kanilang itsura.
Kung mapansin mo ito sa iyong anak, kailangan mong mag-doble effort para iparamdam sa kaniya na hindi lang nakasalalay sa panlabas na anyo ng isang tao ang kanyang tagumpay.
Mayroon bang bingot ang anak mo? Paano mo pinalakas ang kanyang tiwala sa sarili? I-share mo iyan sa comments section.
What other parents are reading

- Shares
- Comments