Kung nagpapasuso ka, gumagamit ng cups o tasa, nagpapa-dede sa bote o nagsisimula nang magpakain ng solids sa tipikal na paraan o sa pamamagitan ng baby-led weaning, mayroon ka lamang iniisip na isang bagay, na makuha ng iyong anak ang wasto at kinakailangang pangaraw-araw na nutrisyon.
Tiyakin ding maiwasan ang overfeeding. Magsimula sa pag-alam ng mga palatandaan na ang iyong sanggol ay gutom na at ang hindi pagbibigay ng sobra-sobra sa kanya. Kapag ang iyong anak ay nagsisimula nang iikot ang kanyang ulo na tila naghahanap ng dibdib, ibuka ang kanyang bibig, isubo ang kanyang hinlalaki, o patunugin ang kanyang mga labi, ang iyong sanggol ay maaaring gutom na. Kung kailan dapat huminto sa pagpapakain ay ibang usapan din.
Lumapit ang Smartparenting.com.ph sa pediatrician at International Board Certified Lactation Consultant (IBCLC) na si Dr. Jamie Isip-Cumpas para sa mga sagot.
Paano malalaman kung ang iyong sanggol ay busog na
Mga sanggol na zero hanggang 6 na buwan
Ang mga nagpapasusong ina ay madalas mas nag-aalala kung ang kanilang sanggol ay nakakakuha ng sapat na gatas kaysa sa kung binibigyan ba nila ng sobra ang kanilang sanggol. Ngunit, tandaan na ang tiyan ng iyong bagong panganak na sanggol ay kasinglaki lamang ng isang calamansi (magbasa pa ng tungkol sa tummy ng iyong sanggol dito).
"Ipinapakita ng sumususong sanggol na siya ay busog na kapag siya ay bumitaw na sa iyong dibdib at mukhang nasisiyahan na, ibig sabihin hindi sila bugnutin o umiiyak,” sabi ni Dr. Isip-Cumpas.
“Importante din na tingnang mabuti kung ang iyong sanggol ay epektibo ang paraan ng pagsuso - maririnig ang paglunok, ang bibig ng sanggol ay bukas na bukas, ang panga at ang sentido ng sanggol ay gumagalaw - upang matiyak na may mabisang paglilipat ng gatas upang siya ay mabusog," pagdaragdag ng doktor. (Ang isa pang paraan upang malaman kung ang iyong sanggol ay nakakakuha ng sapat ay ang pagbilang ng mga diapers niyang may dumi. I-click dito upang mabasa karagdagng impormasyon.)
Ang isang sanggol na umiinom ng gatas ng ina gamit ang bote ay magpapakita ng magkatulad na mga palatandaan na siya ay busog na: tumitigil siya sa paginom, isinasara ang kanyang bibig, at nais na matulog. Ngunit, kung ihahambing sa isang sanggol na diretsong sumususo sa dibdib, ibinahagi ni Dr. Isip-Cumpas na ang sanggol na pinapasuso gamit ang botelya ay maaaring hindi agad mapansin na siya ay busog na. "Ito ay maaaring magdulot sa iyong sanggol ng pagkalito sa pagitan ng natural na suso at sa dami ng gatas na kanyang nakukuha, kung saan ang sanggol ay mas pinipili ang mabilis at walang hirap na pagdede sa bote kaysa sa 'mas mabagal' na pagsuso sa ina,” paliwanag niya.
"Kung ang isang ina ay talagang hindi maaaring magpasuso, ang caregiver o tagapag-alaga ay dapat na maturuan din kung paano i-cup feed ang sanggol o gawin ang dahan-dahang pagpapa-dede gamit ang bote at saka na lang magpapasuso ang ina kapag nasa bahay na siya," payo ni Dr. Isip-Cumpas.
Mga sanggol na 6 na buwan hanggang 1 taon
Isang pagaaral ang nagugnay sa overfeeding ng mga sanggol at sa mataas na bilang ng obesity o labis na katabaan sa mga bata. Ang mga pagpapasuso sa iyong sanggol ng mas mahabang panahon at paggamit ng isang baby-led weaning na pamamaraan upang ipakilala ang iyong sanggol sa mga solidong pagkain ay makakatulong upang malaman ang mga palatandaan na siya ay busog na. Ngunit marami pa ring ibang bagay ang pwede makaapekto, tulad ng pagpilit sa pagpapakain at mga ibang bagay na maaaring makaistorbo o makakuha ng atensiyon ng bata habang kumakain, ang ilan sa mga ito.
"Ang isang sanggol na kumakain na ng solids ay busog na kapag hindi niya nais na buksan ang kanyang bibig o nagpapakita na siya ng kawalang-interes sa kanyang pagkain," pagbabahagi ni Dr. Isip-Cumpas. Habaan ang pasensiya sa panahon na ang iyong anak ay nagsisimula pa lamang matuto kumain; kailangan niya pa ng mas mahabang panahon para mas maging interesado siya rito at masanay. "Ang mga sanggol na ito ay dapat magkaroon ng isang aktibong papel sa pagkain tulad ng maaari nilang hawakan ang kanilang pagkain at maging makalat," dagdag ni Dr. Isip-Cumpas.
Paano matiyak na ang iyong sanggol ay nakakakuha ng sapat at umiwas sa overfeeding
Kailangan mong balansehin ang pagpapakain sa iyong sanggol at tiyaking nakakakuha siya ng mga nutrisyon na kailangan niya upang lumaki ng malusog. Narito ang ilang mga tip na maaari mong tandaan:
Alamin ang mga pahiwatig o palatandaan na busog na ang iyong sanggol
Kung ang iyong sanggol na gumagamit ng bote ay nagpapakita na ng mga palatandaan na siya ay busog na, pigilan ang paghikayat sa kanya na uminom pa at ubusin ito dahil mayroon pang gatas na naiwan sa bote. Ang gatas ng ina ay dapat na naka-imbak sa maliit na bag o lalagyan na magkakasama upang maaari mong lusawin ang isa pang bag kung kinakailangan at hindi masayang ang iyong mahalagang gatas.
Tiyakin na ang iyong sanggol ay handa na para sa mga solidong pagkain bago mo ito ipasubok sa kanya
Bago mo simulan ang iyong sanggol sa solids o mga solidong pagkain, alamin ang mga palatandaan na handa na siya para dito. Siguraduhin na ang iyong anak ay mayroon nang mahusay na kontrol sa ulo at marunong nang umupo ng kumportable sa kanyang sarili, at nagpapakita ng interes sa pagkain kaysa sa pag-inom ng gatas. Maaari mong mapansin na pinapanood ka niya habang kumakain at inaabot ang iyong pagkain o mukhang sabik na pakainin. Karaniwan para sa mga sanggol na iluwa ang pagkain mula sa kanilang mga bibig sa mga unang beses ng pagpapakain habang nasasanay pa sila sa bagong texture o pakiramdam sa kanilang mga bibig. Hayaan din ang iyong anak na masanay sa mga bagong lasa, lalu na't maaaring hindi niya magustuhan ang lahat ng ito.
Magsimula ng dahan-dahan at pakonti-konti Unti-unting ipakilala ang mga solidong pagkain sa bata. “Magsimula sa pamamagitan ng pagbibigay sa sanggol ng isa hanggang sa dalawang kutsara ng pagkain isang beses sa isang araw sa loob ng isang linggo o higit pa at unti-unting dagdagan at dalasan na batay sa interes, kagustuhan, at pag-unlad ng bata," payo ni Dr. Isip- Cumpas.
Gayunpaman, binigyang diin niya na ang pagsunod sa tamang oras ng pagkain ay mahalaga. Simulan ang pagpapakain sa iyong sanggol ng solids isang beses sa isang araw o tuwing umaga lang muna. Unti-unting dagdagan ang dalas ng pagkain ng iyong sanggol hanggang sa kumain na siya ng tatlong beses isang araw, kasama ang dalawang meryenda pagdating niya ng isang taon.