Siguradong excited ka na ngayong kinder na ang iyong anak, at hindi na talaga siya baby. Marami ka ring gustong malaman tungkol sa kindergarten, tulad ng tinatawag na 7 domains in kindergarten ng Department of Education (DepEd).
Mga dapat malaman
First stage ng compulsory at mandatory formal education ang Kindergarten Education (KE). Kasama rito ang isang (1) taong preparatory education para sa mga batang limang (5) taong gulang. Prerequisite din ito bago siya mag-Grade 1 o unang baitang sa elementarya.
Bago pa maipakilala ang K-12 curriculum sa Pilipinas, nasa ilalim ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang programa ng kindergarten, sa patnubay ng Local Government Units (LGUs). Dahil ginawang mandatory ang kindergarten, isinaayos na rin ang mga polisiya at kurikulum nito tungo sa de-kalidad na edukasyon para sa mga bata, kasama na nga rito ang 7 domains in kindergarten na sinusunod ng DepEd.
Layunin ng Kindergarten Education na matuto ang lahat ng mga limang taong gulang na mga bata ng standards at competencies na inaasahan mula sa kanila (Section 6, IRR of RA 10533). Anoman ang kanilang backgrounds, kaalaman, karanasan, kakayahan, pag-uugali, mga katangian at interes, lahat sila ay daraan sa 7 domains in kindergarten deped para mas maihanda sila sa pormal na set-up ng pag-aaral.
Kasama rin sa layunin ng KE ang mabawasan ang mga batang hindi tumutuloy sa pag-aaral sa susunod na mga baitang. Sinisiguro din nitong magiging mahusay ang mga bata sa eskuwelahan. Ginagamit ng programa ang pangunahing mga prinsipyo ng National Early Learning Framework (NELF).
Ito ang nagbibigay ng pilosopikal at teoretikal na pundasyon para sa pagtuturo ng guro at pagkatuto ng estudyante. Narito ang pangunahin at pangkalahatang mga prinsipyo ng NELF:
1. Bawat bata ay unique at mayroong pagnanais na matuto. Makakamit ito sa tulong ng makabuluhan at totoong mga karanasan.
2. Bawat aspekto ng paglaki at development ng bata ay konektado. Mahalagang lumaki ang bata sa isang mabuti at maalagang environment na tutulong sa kanya na magkaroon ng maayos at maaasahang pakikipag-ugnayan sa mga kaibigan at nakatatanda.
3. Serye ng complex at dynamic na mga proseso ang pag-aaral ng bata.
Dapat na hikayatin siya na magkaroon ng achievements at sanayin ang sarili sa mga kaalaman at kasanayang nakukuha sa paaralan.
4. Ang bawat bata ay nag-iisip, kumikilos, nakararamdam, at interactive na tao na kayang makilahok sa kanyang pagkatuto sa konteksto ng kanyang pamilya at komunidad, kasama na rito ang kultural na aspekto at paniniwala sa relihiyon.
5. Child-centered ang programang ito. Pinalalaganap din nito ang holistic way ng paglaki at paglago ng isip ng isang bata. Dito nagsisimulang maunawaan ng bata ang mahalagang papel ng pamilya at komunidad sa kanyang buhay.
6. Angkop ang program sa pagpapayaman sa kaalaman at kakayahan ng estudyante. Inaasahan ding patuloy na magiging interesado ang bata at maipagpapatuloy nito ang aktibong pag-aaral at pagkatuto.
7. Iba’t iba na rin ang learning activities sa kasalukuyang panahon. Mas pinaiigting pa ang pag-unawa sa mga aralin sa tulong ng multimedia technologies kagaya ng interactive radio, audio at/o video content, at information and communications technology-enhanced activities.
8. Pinahahalagahan din ang paggamit ng lokal na learning materials at iba pang resources. Ang mother tongue din ang ginagamit na wika sa mga klase.
Kailangang engaging, malikhain, child-centered, at sumusunod sa wastong mga gawain na developmentally appropriate sa learners. Pantay-pantay rin dapat ang oportunidad na ibinibigay sa mga mag-aaral upang mapagyaman pa ang kanilang pisikal, social, kultural, emosyonal, at intelektwal na development.
Kabilang rito ang values formation.Importanteng ipaalam at ipaliwanag sa mga magulang at komunidad ang anomang resulta ng assessments sa mga bata. Ayon sa mga eksperto, higit na natututo ang mga bata sa pamamagitan ng laro at aktibong involvement sa kongkreto at meaningful experiences.
Tuloy-tuloy ang development ng isang bata kapag patuloy rin siyang ginagabayan ng pamilya, paaralan, at komunidad. Kapag may pag-unlad sa isang domain, kasunod nito ang pag-unlad din ng iba pang domains.
Ang nilalaman ng mga ito ay batay sa learning expectations. Inaasahang maayos ang transition ng Kindergarten students patungo sa content-based na kurikulum ng Grades 1-12.
Kasama rin sa programa ng KE ang Developmentally Appropriate Practices (DAP) na mas nagpapatibay sa principles ng child growth and development. Mahalaga sa programa ang sumusunod:
- Constructivism
- Integrative
- Thematic
- Collaborative
- Inquiry-based
- Reflective teaching
7 domains in kindergarten ng DepEd
1. Language, Literacy, and Communication (Wika, Karunungan sa Pagbasa at Pagsulat)
2. Socio-Emotional Development (Pagpapaunlad ng Sosyo-Emosyunal at Kakayahang Makipamuhay)
3. Values Development (Kagandahang Asal)
4. Physical Health and Motor Development (Kalusugang Pisikal at Pagpapaunlad sa Kakayahang Motor)
5. Aesthetic/Creative Development (Sining)
6. Mathematics (Matematika)
7. Understanding of the Physical and Natural Environment (Pag-unawa sa Pisikal at Natural na Kapaligiran)
Malinaw sa domains na ito na higit pa sa pisikal na paglaki at development ang dapat na pagtuunan ng pansin. Inaayos din ang mga gawain sa klase o learning activities sa thematic units o teaching themes. Ang mga ito ang nagbubuklod sa mga konsepto at kasanayan mula sa pitong (7) developmental domains.
Kapansin-pansin ding higit na pinagtutuunan ng pansin ang language at literacy sa mga bata. Tandaang mahalagang paalalahanan ang anak na mag-enjoy siya at maging handa sa pagpasok sa paaralan upang lubos siyang matuto.
Basahin dito ang kailangan ng iyong preschooler para paghandaan ang kindergarten.