Imposibleng wala ka pang nakikitang nag-viral na TikTok video kung aktibo ka sa social media. Kilala ang TikTok bilang platform na naglalaman ng short-form content o videos. Marami ang natutuwa sa mga nakakatawang video, tutorials, at challenges na maaaring gawin ng kahit sino. Hindi rin naiwasang mahumaling ang mga kabataan sa app dahil sa musika at mga sayaw na nagiging uso dito. Sisikapin natin sa artikulong ito na maunawaan ang mga epekto ng TikTok sa kabataan.
Bakit sumikat ang TikTok?
Bukod sa mga kilalang social media platforms tulad ng Twitter (ngayon ay X) at Facebook, dumami ang gumagamit ng TikTok dahil sa kakayahang mag-create at mag-share ng maiikling videos. Madalas, may popular na mga kantang background music sa videos. Dating kilala bilang musical.ly, nag-merge ang dalawang app noong 2018 at nagpatuloy sa mga lip-synching videos, dance challenges, memes, food recipes, at iba’t iba pang content na gawa ng creators at users nito. Ang isa pang katangian ng TikTok ay ang paggamit ng hashtags upang mas madaling mahanap ang mga videos.
Taong 2023 nang maitalang may isang bilyon (1B) active users na sa TikTok sa buong mundo. Sa ilang estadistika, umabot na rin sa apat na bilyon (4B) ang mobile downloads ng app. Malaking porsyento ng users ay teenagers. Sa United Kingdom, tinataya ring nasa isang milyon ang users na edad 12 pababa.
Ano-ano ang magagawa ng kabataan gamit ang app?
Ipakilala at ibahagi ang sariling galing at talento.
Maraming kabataan, tulad nina Niana Guerrero at mga kapatid niya, ang sumikat dahil sa husay sa pagsasayaw. Marami rin ang nadidiskubre ang kanilang talento sa pagkanta at pag-arte.
Makipagkaibigan o mag-follow sa ibang users ng app.
Nagkakaroon din ng oportunidad ang mga bata para magkaroon ng bagong mga kakilala. Pwede ka rin kasing mag-follow sa iba pang content creators at padalhan sila ng mensahe.
Makadiskubre ng ibang taong hinahangaan sa kanilang lugar man o sa buong mundo.
Pwede rin nilang makita at mas makilala ang mga taong hinahangaan nila, mapa-lokal man o mula sa ibang bansa.
Nagiging updated sa anomang popular o trending.
Nakakatulong din ang app para malaman ang mga pinakabagong uso at trending na mga balita.
Ano-ano ang mga panganib na dulot ng Tiktok?
Sa kabilang banda, kailangang maging mapanuri din ang kabataan sa content na nakokonsumo nila online. Mahalagang papel ang gagampanan dito ng kanilang mga magulang.
Tulad ng ibang social media platforms, may risks din na kasama ang exposure sa TikTok, gaya ng:
Exposure sa hindi kaaya-ayang content.
Ang mga bata ay maaaring malantad sa pagmumura, sekswal na mga usapin, malaswang kilos, marahas na content, at iba pang paksa na maaaring hindi pa lubos na maunawaan.
Privacy issues.
Pangalawa ang isyu sa privacy. Noong Marso 2023, ipinatupad ang time limit na 60 minuto kada araw sa paggamit ng TikTok ang mga batang may edad 17 pababa. Kailangan din ng password upang maipagpatuloy ang paggamit sa app kapag lumampas na sa time limit. Ngunit, hindi kayang kontrolin ng app ang pagsisinungaling ng users tungkol sa edad nila.
Naging kaduda-duda rin ang data collection practices ng TikTok kung kaya ay may mga naglahad ng kanilang concerns tungkol sa kanilang privacy at security bilang users nito.
Epekto sa mental health.
Maaaring magdulot ng pressure, anxiety, depression, at iba pang mental health issues ang paggamit ng app, lalo na sa kabataan na nagnanais makakuha ng maraming likes at followers.
Cyberbullying at maling values.
May mga pagkakataong nasasangkot ang mga bata sa cyberbullying at posible din silang matuto ng maling values o mga paniniwalang taliwas sa mga paniniwala ng kanyang magulang. Maaari din silang gumaya lamang sa mga nakikita nilang gawi o behavior sa TikTok na maaari ding makasama sa kanila at sa kanilang pakikisama sa iba.
Pagka-adik sa TikTok.
Ang “infinite scrolling” o pagka-adik sa TikTok ay maaari ding makasama sa kanilang pag-aaral at pang-araw-araw na gawain.
May ginawang pag-aaral ang Amnesty International ukol sa mga panganib na ito, at ayon sa kanila:
“The findings expose TikTok’s manipulative and addictive design practices, which are designed to keep users engaged for as long as possible. They also show that the platform’s algorithmic content recommender system, credited with enabling the rapid global rise of the platform, exposes children and young adults with pre-existing mental health challenges to serious risks of harm.”-Lisa Dittmer, Amnesty International Researcher
TikTok safety measures para sa mga kabataan
Kailangang isaisip na hindi lamang mabubuti ang mga epekto ng TikTok sa kabataan. Kinakailangan pa din gabayan ng mga magulang ang kanilang mga anak sa paggamit ng TikTok para maiwasan ang mga ilang epekto na maaaring makasama sa kanila. Para sa kaligtasan ng mga bata, mahalagang gawin ang mga sumusunod:
Paggamit sa Privacy Settings
Siguraduhing naka-private ang setting ng account ng iyong anak. Sa sumusunod na mga hakbang, maaaring mapanatili ang kanyang pagiging pribadong tao at ang kanyang kaligtasan, kumpara kung naka-public ang account:
- Piliin ang three-dot icon sa itaas at kanang bahagi ng profile page.
- I-tap ang "Privacy" at gawing pribado ang account.
- I-check din nang mabuti at ayusin ang settings sa kung sino lamang ang maaaring makapag-send ng mensahe, makapag-iwan ng komento sa posts, at iba pa.
Gamitin ang Family Pairing Mode
Sa pamamagitan ng Family Pairing mode, pwede mong i-connect ang iyong account sa account ng anak mo para ma-set ang daily viewing time limits, i-activate ang Restricted Mode, at i-disable ang direct messaging.
Pag-monitor ng online activity ng mga anak
Malaking tulong kung malinaw sa iyong anak na inirerespeto mo ang kanilang privacy ngunit higit na mahalaga ang kanyang kaligtasan sa paggamit ng social media.
Pagpapaliwanag ng kahalagahan ng online safety
Ipaliwanag sa mga bata ang kahalagahan ng online safety at epekto ng TikTok upang magamit ito sa ligtas at responsableng paraan.
Kahit pa enjoy na enjoy ang iyong anak sa TikTok, huwag mong isiping nagiging KJ o killjoy ka dahil sa time limits na ibibigay mo sa kanya. Mas mainam kung kaya ring ipaliwanag ng bata sa sarili niyang mga paraan ang epekto ng TikTok sa kabataan at kung paano niya ito nais gamitin.
Mga mabuting epekto ng TikTok
Bagaman may mga panganib, tandaan na may mabuing epekto din ang social media gaya ng Tiktok sa kabataan, tulad ng:
Paglinang sa pagkamalikhain.
Natututo silang gumawa ng video, pumili ng tamang musika, magkwento, at ipahiwatig ang kanilang sarili at nais.
Pagbuo ng komunidad.
Nakakabuo rin ang mga kabataan ng komunidad sa TikTok, kahit na ito ay virtual. Marami din ang nagkakaroon ng matibay na samahan sa pamamagitan ng TikTok. Halimbawa, ang pagsali sa mga trend at challenges ay nakakahikayat ng camaraderie sa mga sumasali.
Dagdag kaalaman mula sa mga educational content.
Marami rin ang natututo mula sa educational content na makikita sa TikTok.Maaaring subaybayan ng mga bata ang posts na nagtuturo ng iba’t ibang mga paksang makatutulong at nababagay sa kanilang mga interes.
Mga Paalala sa mga Magulang
Magandang oportunidad ang social media upang ipagdiwang at ibahagi ang milestones at mga talento ng mga anak. Siguraduhin lamang na hindi ito nakakaapekto sa kanilang kaligtasan at privacy sa paggamit ng internet.
May mga benepisyo man ang paggamit ng TikTok, kailangan pa rin ng kabataan ang tamang gabay mula sa kanilang mga guardians at magulang. At responsibilidad din ng magulang na alamin at matuto gamitin ang mga app na ginagamit ng kanilang mga anak, gaya ng TikTok.
Iba na nga raw ang kabataan ngayon dahil mas advanced na ang kanilang pag–iisip ngunit hindi ibig sabihin nito na maaaring magpabaya o makampante na lang ang mga magulang. Makatutulong kung mayroon ding bukas na komunikasyon sa pagitan ng magulang at anak. Mahalagang maunawaan ng iyong anak ang epekto ng TikTok sa kabataan at gamitin ito sa ligtas, responsable, at produktibong mga paraan.
Basahin ito upang malaman kung paano pinapanatiling ng TikTok na ligtas ang mga kabataan.