Isa sa pinaghahandaan ng mga magulang at siyempre excited din tayo sa ganitong bagay ay ang pagpasok sa paaralan ng ating mga anak. Bukod sa pagpili ng magandang paaralan, iniisip din natin ang kahandaan nila sa pagpasok.
Higit lalo sa elementary na mas mahaba na ang kanilang oras sa paaralan kumpara noong preschool sila. Mas maraming panahon din na halos naglalaro lamang sila sa pre-school, pero ngayong nasa elementary na sila mas tutok na ang pag-aaral ng iba’t ibang aralin at nadagdagan din ang subjects nila.
Ano ang elementary school?
Kailangang ang pagpasok at makatapos sa elementary para makatuntong sa high school. Ito rin ang pangunahing komponent ng Batayang Kurikulum sa Edukasyon. Ang elementary ang mas pormal na antas ng pag-aaral na gugugulin ng mga mag-aaral sa loob nang 7 taon.
Nilalayon ng edukasyon sa elementary na paunlarin ang espiritwal, moral, mental at pisikal na kakayahan ng mag-aaral. Gayundin, magbigay ng mga karanasan sa demokratikong paraan ng pamumuhay at magturo ng mga pagpapahalaga at kaugalian na kailangan sa paghubog ng matalino, makabayan, matuwid, at kapaki-pakinabang na mamamayan.
Ano ang sistema ng elementary school sa Pilipinas?
Sa ilalim ng programa na K to 12 sa Batayang Edukasyon ng Kagawan ng Edukasyon o DepEd, may 13 taon ang mag-aaral na gugugulin sa pag-aaral. Para sa elementarya, nahahati ito sa primary level mula Kinder hanggang 3 at 3 taon na intermediate o middle level mula Grade 4 hanggang 6.
Ang edad na tinatanggap para sa Kinder ay limang taon pagsapit ng June 1 o maglilimang taon hanggang katapusan ng Agosto at anim na taon naman para sa Grade 1.
Ilan sa pangunahing asignatura sa antas na ito ay Mathematics, Science, English, Filipino at Araling Panlipunan. Ang iba pang asignatura na sumusuporta sa holistikong paghubog sa mga mag-aaral ay Values o GMRC, Technology and Livelihood Education o EPP, Computer, Music, Arts, Physical Education, at Health.
Samantala, sa mga pribadong paaralan may ilan na dagdag sa kanilang kurikulum lalo na iyong mga sectarian school gaya ng religion subject o Christian Living Education na batay sa kanilang dogma. Gayundin, batay sa K to 12 program ng DepEd, may asignatura na Mother Tongue-Based Multilingual Education o MTB-MLE sa mga unang baitang.
Itinuturo sa mga mag-aaral ang mga aralin at konsepto sa kanilang Unang Wika o Mother Tongue. Nakasandig ang kurikulum sa pilosopiya ng paglinang ng Unang Wika sa pagiging mahusay ng mag-aaral sa iba pang aspekto at aralin.
Ang kurikulum naman ay nakasandig sa pagdulog na spiral progression na tinitiyak ang pagiging bihasa sa kaalaman at kakayahan ng mga mag-aaral pagkatapos nila ng isang baitang. Ang katangiang pedagohikal na ito ay nakasalig sa prinsipyo na ang mga konseptong ipinapakilala sa unang baitang ay higit na pinapalalim sa mga susunod na baitang.
Paano ang pagpili ng elementary school para sa iyong anak?
Bagaman sumusunod ang mga paaralan sa mandato ng DepEd, may kalayan din naman ang mga paaralan na magbukas ng mga pansarili nilang programa na sa tingin nila higit pang makatutulong sa kanilang mag-aaral. Nakabatay naman ito sa kakayahan ng bawat paaralan.
Kahit na sa pampubliko at pampribadong paaralan mo ipapasok ang iyong anak, walang problema rito dahil pareho naman ang kanilang sinusunod na kurikulum batay sa itinakda ng DepEd. Gayunman, nagkakaiba-iba lamang sila dahil sa sistema, dagdag na programang ipinapatupad, at serbisyo na ibinibigay, Kaya nga maaaring isaalang-alang sa pagpili ng paaralan sa iyong anak ang mga sumusunod:
1. Budget
Kung mayroong sapat na budget para sa pag-aaral ng anak, walang problema kung ipapasok sa pribadong paaralan ang iyong anak. Kundi naman, nariyan ang mga pampublikong paaralan na nagbibigay ng libreng pag-aaral sa iyong anak.
Kung sa pampublikong paaralan ipapasok ang anak, may sobra din sa budget, maaaring gamitin ito para sa pagpapalawak ng kaalaman at kakayahan ng iyong anak. Gaya ng pagpasok sa kaniya sa mga tutorial classes, dance, art o culinary classes o iba pang extra-curricular activities na mae-enjoy o nasa interes niya.
2. Lokasyon
Mahalagang isaalang-alang ang lokasyon ng paaralang papasukan ng iyong anak. Mas mainam kung malapit lamang ito sa inyong bahay para hindi rin mahirapan ang iyong anak lalo na kung bata pa ay malayong pagbibiyahe na. Kakailangan din ang maagang paggising kung malayo pa ang papasukan. Gayundin sa pag-uwi, kung malayo, makadaragdag din sa kaniyang pagod ito. Maaaring makadagdag din sa budget kung kukuha ng service para sa anak.
3. Haba ng oras ng klase
Sa pampublikong paaalan, may 6 na oras lamang sila sa paaralan. Karaniwang nahahati sa dalawang set ang klase, sa umaga mula 6n.u hanggang 12n.t at sa hapon mula 12n.t hanggang 6n.h. Pero iyong malalaking paaralan, nagagawa nila na gawing isang shift lamang ang mga klase.
Sa pribadong paaralan, may iba na buong araw ang iskdeyul ng klase dahil kasama na ang iba pang exta-curricular activities ng mga mag-aaral gayundin ang mga special classes o dagdag na subject kaya nadagdagan din ang oras nila sa paaralan.
4. Class size
Kadalasan na may kakaunting bilang ng mag-aaral sa isang klase, nasa 25-35, sa mga pribadong paaralan dahil sa maliit din na populasyon. Sa publikong paaralan, sinisikap na mapanatili ang 40 bilang ng mag-aaral sa kada klase. Kung mas malaki rin kasi ang class size, mahihirapan na ang guro na matutukan ang maraming mag-aaral. Gayunman, nakadepende ito sa bilang ng enrolment ng paaralan.
5. Programa
Mahalagang alamin din kung ano-ano ang mga programa na ibinibigay ng paaralan. Tingnan din ang kanilang mga naka-set na standard o pamantayan para sa kani-kanilang programa. Mas mainam ding alamin kung ano ang bisyon at misyon ng paaralan para mas natitiyak kung ano ang inaasahan sa iyong anak o ano ang mahuhubog sa kaniya sa pananatili sa paaralang iyon.
Magandang alamin din kung anong accreditation ang kinabibilangan ng paaralan. Sa mga pribadong paaralan, bukod sa akreditasyon na binibigay ng DepEd, mayroon din iba pa para matiyak na natatamo nila ang mga itinakdang pamantayan at napapanatili ang kahusayan ng kanilang programa. Mayroon din silang membership sa iba’t ibang kinikilalang organisasyon sa edukasyon.
6. Kapaligiran
Mainam na bisitahin o puntahan ang paaralan. Mahalagang makita ang mga establisyimento sa paligid ng paaralan, ang classroom o school facilities. Mas makatitiyak din sa kaligtasan ng iyong anak.
Paano ihanda ang iyong anak pagpasok sa elementary school?
Narito ang ilan sa ibinahagi ng mga mommy na ginawa nila para sa kanilang mga anak na maaaring pagkuhanan ng tips din.
“Tinuruan namin siyang maging independent, gaya ng paghahanada at pag-check ng mga gamit niya sa paaralan sa gabi pa lang para alam niya kung saan makikita ang gamit niya at paano ito i-unpack kapag nasa school siya. Tinitiyak din namin na marunong siyang gumamit ng toilet at nakasusunod siya sa safety and healt protocols. Kinausap din namin siya para sa ano ang inaasahan niya pagpasok at ano ang inaasahan sa kaniya kapag nasa school siya. Higit sa lahat, sinabi namin sa kaniya na mag-enjoy lang siya, makipagkaibigan, at gumawa ng mga memories para lagi siyang excited ding pumasok at mabawasan ang kaniyang alalahanin sa pagpasok sa Grade School." --Mommy Paula, Grade 1 ang anak
“Bago ko siya ipinasok sa elementary, tinuruan ko na siyang magbasa at magsulat. Bago pa lamang siyang mag-kinder ay nakaka-recognize na siya ng mga letters and words pati pagsulat at nai-train ko na rin siya. Lalo na nang pumasok siya sa Grade 1, since online siya nagsimula sa elementary, inihanda ko siya sa paggamit ng mga gadget para sa online class. Itinuro kung paano gagamitin ang mga makabagong aplikasyon at ang paraan ng mga pagsagot ng pagsusulit gamit ang application at iba pang digital materials. Itinuro ko rin ang mga pagkakaiba ng paraan ng mga pag-aaral at mga gawaing inaasahan, na magkaiba noong panahon ng kanyang Kindergarten at ngayon na nasa Elementary level na siya. Gayundin ang kanyang pakikisama sa mga kamag-aral, ang panatilihing responsible, at disiplinado sa kanyang pag-aaral” --Mommy Badet, Grade 3 ang anak
“Ino-orient namin siya sa kung ano ang do’s and don’ts sa school. Tinuturuan namin siya na magsabi kay teacher kung may tanong siya o kailangan. Habang papalapit din ang pasukan, tinatanong-tanong namin siya kung excited na siyang pumasok o ano ang nararamdaman niya na papasok na siya sa elementary school. Nagpa-practice din kami ang pagbabasa at pagsusulat.” --Mommy ChaChie, Grade 4 ang anak
“Hinanda ko ang anak ko sa pagpasok sa elementary, una sa routine ng pagtulog niya para maaga siyang magising. Kinakausap ko rin siya na dapat hindi puwedeng kasama si Mommy sa loob ng school at dapat kayanin niya mag-isa na wala si Mommy sa tabi niya.” --Mommy Celin, Grade 6 ang anak