Tagalog,digital parenting,con-00391,Family & Relationships,People & Society,Family and Relationships,sp guide,smart parenting guide to digital parenting,Pagpapalaki ng Batang Makabayan sa Makabagong Panahon,Narito ang ilan sa mga paraan kung paanong mapapalaki ng mga magulang ang mga anak na makabayan at makabansa.
ParentingBig Kids

Paano Palakihin ang Batang Makabayan sa Panahon ng Digital?

Sa panahon ng social media, paano natin mahuhubog ang mga batang may tunay na pagmamahal sa bayan?
PHOTO BYcanva

Hindi maitatangging malaking hamon sa mga magulang at guro sa panahong ito na mabilis ang pag-unlad ng teknolohiya ang pagpapalaki sa mga bata na may matibay na pagmamahal sa bayan.

Tinagurian ngang “digital natives” ang mga kabataan ngayon. At bukod sa ipinanganak sila sa panahong ito, ay napakalaki rin ng pagkonsumo nila sa teknolohiya sapagkat karamihan sa kanila ang may akses sa internet at gadget. Ayon sa isang pag-aaral ng Datareportal noong 2023, may 73.1% ng mga Pilipino ang aktibong gumagamit ng social media at kabilang dito ang malaking bahagdan ng mga kabataan.

Dahil dito, masasabing ang digital world para sa mga bata ay isa nang pangunahing daluyan ng kaalaman, komunikasyon, at paghubog ng kanilang pananaw kabilang na ang pagbabago ng pagtingin sa bayan at sa konsepto ng nasyonalismo.

Sa kabilang banda, dahil madaling maimpluwensiyahan ang kanilang perspektiba, pagkakataon ito para magabayan sila sa tamang paggamit ng teknolohiya upang higit na maunawaan ang pagiging Pilipino at mapalalim ang kanilang damdaming makabayan.

Mga Tips sa Pagpapalaki ng Isang Batang Makabayan

1. Isabuhay sa tahanan ang damdaming makabayan

Ang pagmamahal sa bayan ay unang naitatanim sa tahanan kaya mahalaga ang tungkulin ng pamilya sa paghubog ng nasyonalismo. Dapat na makita ng bata sa kaniyang magulang ang pagmamahal nito sa Pilipinas kasi hindi rin magiging makabuluhan ang pagpapalaki ng isang batang makabayan kung wala ito sa kaniyang mismong magulang o paimbabaw lamang.

Maaaring isagawa ito sa paggamit ng Filipino o katutubong wika sa pakikipagtalastasan sa loob ng tahanan. Hindi dapat maging dayuhan ang tainga at bibig ng bata sa kaniyang pambansang wika para maging ganap ang kaniyang pagka-Pilipino. Mahalagang ituro din ang pagbibigay-galang sa mga miyembro ng pamilya gaya ng pagsasabi ng “po” at “opo”, ang pagmamano sa mga nakatatanda, at magagalang na pagbati. Mainam din ang pagdiriwang ng mga lokal na pista at tradisyon na maipakikilala sa kanila ang kulturang Pilipino.

watch now

2. Iparanas sa mga bata ang paggawa ng mga makabayang gawain

Malaking bagay ang pagsama sa kanila sa mga gawaing magpapakita ng malasakit sa kanilang kapuwa at lugar, ang pakikiisa sa mga proyekto, at pagkakaroon ng tamang disiplina. Ang pagpaparanas sa kanila ng pagbibigay ng serbisyo o paglilingkod na walang kapalit ay isang malaking bagay para maunawaan nila ang halaga ng pagtulong at kabayanihan. Ilan sa maaaring gawin para dito ay outreach program para sa mga nangangailangan o kahit ang simpleng volunteer work sa simbahan. Mainam din ang paglahok sa mga clean-up drive sa komunidad, sa mga tree planting activities, o ang pagtuturo ng pagtatapon at pagreresiklo ng basura na gawaing nagtataguyod ng integridad ng sangnilikha.

"Ang pagsulong ng isang bansa ay nasa kabataan. Dadaloy ito kung may marubdob na pagmamahal sa bayan."

3. Ituro sa mga bata ang kritikal na pagsusuri ng mga nasa internet

Mahalaga na maturuan sila sa pagiging mapanuri sa mga impormasyon na nakukuha at nababasa nila sa internet. Sa panahong digital, malawak ang usapin ng disimpormasyon kaya kailangang mahasa ang kanilang kakayahan sa pagkilatis at pagtitiyak ng mga datos na pinanggagalingan ng impormasyon. Kailangan ang digital literacy dahil bahagi ng pagkilala sa katotohanan ang pagbuo ng tamang pagpapasya.

4. Ituro ang pag-unawa sa mga pangyayari sa kasaysayan sa makabagong paraan

Isang pundasyon ng pagmamahal sa bayan ang pagkakaroon ng malawak na pag-unawa at kaalaman sa kasaysayan ng bansa. Nakalulungkot isipin na maraming bata ang hindi lubos na nakikisangkot sa mga usapin ng kasaysayan. Nakababagot din para sa kanila ang pagbabasa ng mga libro sa kasaysayan. Kaya naman, maaaring gamitin ang mga educational apps na mas makahihikayat sa kanila na pag-aralan ito at sa biswal na paraan. Maaari ding magpanood ng mga pelikula, dokumentaryo, at short video patungkol sa pagiging Pilipino tulad ng The Filipino Story at ng mga reels ng mga content creators na sina Mighty Magulang at Xiao Talks.

5. Ipagamit ang kanilang social media account sa pagpapalaganap ng pagiging makabayan

Dahil may malawak silang koneksyon, turuan at gabayan sila sa paggamit ng social media sa mabuting layunin. Hikayatin sila na bumuo ng mga content o post na nagtatampok ng pagka-Pilipino. Mainam din kung lumahok o gumawa sila ng mga online community kung saan nagkakaroon ng pagbabahaginan o pagpapalitan ng mga ideya hinggil sa nasyonalismo.

6. Ipaalala ang kanilang ipinapahayag na panunumpa sa bayan

Sa pagbibigay-diin sa kanilang pang-araw-araw na panunumpa ng Panatang Makabayan sa paaralan, mas mapahahalagahan nila ang kanilang katapatan sa sariling bansa. Mahalagang maisabuhay nila ang nasa huling pahayag ng panatang kanilang binibigkas, “Iaalay ko ang aking buhay, pangarap, pagsisikap sa bansang Pilipinas.” Ipaalala na anuman ang kaniyang ginagawa ay para sa bayan. Sa ganitong paraan, hindi lamang ito namumutawi sa kanilang mga labi bilang pahayag kundi may pagsasapuso ng kanilang sinusumpaang pangako para sa Pilipinas na kanilang bayang sinilangan.

Totoong hindi na maihihiwalay ang kanilang mundo sa internet, gadget, social media, at mga online platform. Malaking ang impluwensiya nito sa paraan ng kanilang pamumuhay at pagtingin sa mundo. Ang kanilang mabilis na akses sa impormasyon at pagkakaroon ng pagkakataon sa pandaigdigang pakikipag-ugnayan ay posibleng magdulot ng pagkalimot sa kanilang sariling pagkakilanlan.

Bagaman isang hamon ang panahong digital, isa rin itong oportunidad na maikintal sa mga bata ang pagiging makabayan. Hindi man sa paraang nakasanayan kundi sa panibagong anyo, sa pamamagitan ng mapanagutang paggamit ng teknolohiya ng mga bata at masigasig na paggabay ng mga nakatatanda.

Walang perpektong bansa. At gaya ng sinasabi ng iba “mahirap mahalin ang Pilipinas” ngunit walang kabuluhan ang pagmamahal kung hindi mo rin kayang ipagtanggol at ipagmalaki ang iyong bayan. Ang pagsulong ng isang bansa ay nasa kabataan. Dadaloy ito kung may marubdob na pagmamahal sa bayan. Gaya ng mga karatig bansa sa Asya, nakikita natin ang kanilang pag-unlad sapagkat nangingibabaw ang kanilang nasyonalismo—ang diwa ng pagmamahal sa sariling bansa. Kaya mahalagang mapalaki ang mga bata na may tunay na pagmamahal sa bayan—online man o offline.

Basahin kung anu-ano ang dapat ituro ng mga magulang sa kanilang mga anak upang maging isang mabuting digital citizen ang mga ito, dito.

Trending in Summit Network

lorem ipsum

Lorem ipsum dolor sit amet, consectetur adipisicing elit, sed do eiusmod

Lorem ipsum dolor sit amet, consectetur adipisicing elit, sed do eiusmod
Read more
lorem ipsum

Lorem ipsum dolor sit amet, consectetur adipisicing elit, sed do eiusmod

Lorem ipsum dolor sit amet, consectetur adipisicing elit, sed do eiusmod
Read more
lorem ipsum

Lorem ipsum dolor sit amet, consectetur adipisicing elit, sed do eiusmod

Lorem ipsum dolor sit amet, consectetur adipisicing elit, sed do eiusmod
Read more
Close