Ang pambu-bully ay isang intensyonal na agresibong pag-uugali na madalas na paulit-ulit na ginagawa sa isang tao. Ang kadalasan na nabu-bully ay iyong nasa mahinang posisyon na nahihirapang ipagtanggol ang kaniyang sarili. Dahil dito, nagkakaroon ng takot ang taong nakararanas ng pambu-bully na nagbubunga ng pagliban sa paaralan, malungkutin, kawalan ng gana sa pag-aaral, at pagkawala ng tiwala sa sarili, at may malaking banta rin sa kalusugang mental gaya ng pagkabalisa at depresyon. Kung kakikitaan ng ganito o kakaibang pag-uugali o ikinikilos ng inyong anak, posibleng senyales na ito ng pambu-bully.
Samantala, sa taong nambu-bully, mayroon ding pangmatagalang epekto ang kaniyang ginagawa gaya ng kawalan ng kaibigan o pag-iwas ng mga tao sa kaniya at pagiging agresibo ng pag-uugali. Maaaring makapagdulot din naman ng takot at pagkabalisa ang mga taong nakakikita ng pambu-bully.
Maging ang buong ng paaralan ay hindi rin naging ligtas para sa mga mag-aaral. Nakakaramdam sila ng takot at kawalan ng kapanatagan sa kanilang paligid. Nagdudulot nang hindi maayos na sistema sa komunidad ng paaralan kung may nagaganap na pambu-bully kaya ang lahat ng kasangkot sa bullying ay nangangailangan ng tulong hindi lamang ang biktima kundi maging ang gumagawa nito, ang saksi, at ang mismong paaralan.
Maraming anyo ang pambu-bully
Maaaring pisikal na pananakit (halimbwa: pagtulak, paghila sa buhok), pasalita (paggamit ng masasama o masasakit na salita, pang-iinsulto o panunuya), relasyonal (pagsasabi ng kasinungalingan), paninira ng gamit, pananakot o pagkuha ng gamit, at pagpapaskil sa social media ng mga pang-iinsulto o paninira.
Sistematikong problema ang pambu-bully
May iba’t ibang salik na nakaapekto sa isang bata kaya niya ginagawa ang pambu-bully. Kabilang na rito ang impluwensiya ng pamilya, pressure mula sa kaibigan o kakilala, paaralan, at mga salik na sosyokultural. Ibig sabihin, hindi lamang ito nakaugat sa bata dahil ang utak niya at pagkatao ay patuloy pa ring umuunlad at naiimpluwensiyahan ang kaniyang relasyon sa kapuwa sa kaniyang paglaki.
“Astig” ang pambu-bully
Madalas na tingin ng mga bata kaya sila gumagawa ng pambu-bully ay dahil sa pagnanais nila mabansagan na astig o “cool” sa gayon magkakaroon sila ng pagkilala o magiging popular sa paaralan.
Ngunit, may ibang bata rin na ginagawa ito dahil ito ang paraan nila para ilabas ang kanilang galit, hindi natugunang alitan o problemang pansarili, paggaya sa ginagawa ng ibang tao (kasing edad niya o nakatatanda) na iniisip niyang tama ito, o sa pagnanais na maalis ang pagkabagot o gumawa ng mga katuwaan lamang na hindi niya alam na nakapapanakit na siya ng kapuwa.
RELATED: Your Child Can Fall Victim To Bullying That Is Not Loud Or Physical
Pamilya at kaibigan ang pangunahing salik ng pambu-bully
Sinasabing nahihirapan ang mga batang nambu-bully na makibagay sa ibang tao o bumuo ng magandang relasyon sa iba at maaaring mayroon ding history ng magulong relasyon sa pamilya.
Ayon sa KidsHealth, batay rin sa mga pag-aaral na karamihan sa mga nambu-bully ay naging biktima o nakaranas din ng pambu-bully mula sa kanilang pamilya at mga kaibigan o kalaro. Kung ang bata ay nakararanas ng pananakit sa magulang, nagiging modelo niya ito at nakahihikayat sa bata na maging agresibo rin ang kaniyang pag-uugali.
Paano ko tuturuan ang anak ko na makaiwas sa pambu-bully?
Masakit sa isang magulang kapag nakararanas ng pambu-bully ang iyong anak. Kaya bago pa man niya ito maranasan lalo na sa paaralan, mahalagang turuan sila kung paano haharapin ang maaaring mambully sa kanila. Narito ang ilang mungkahi ng Unicef:
1. Turuan ang iyong anak tungkol sa usapin ng pambu-bully. Mahalagang maunawaan niya kung ano-anong sitwasyon na posibleng maranasan niya ito.
2. Kausapin ang iyong anak palagi lalo na pagdating niya sa paaralan. Tanungin siya kung kumusta ang kaniyang karanasan sa araw-araw. Kung nagiging bahagi ito ng inyong “routine” mas madali sa bata ang magsabi ng kaniyang saloobin kung sakaling makaranas din siya ng pambu-bully.
3. Maging modelo sa iyong anak sa pagtuturo ng mabuting asal. Turuan din siyang maging mabuting halimbawa sa kaniyang kapuwa. Kahit hindi sila nakaranas ng pambu-bully, mas maiiwasan ito sa pamamagitan ng pagiging ingklusibo, magalang, at mabait sa kaniyang kapuwa. Pero kung nakakasaksi siya ng ganito, maaari niyang gayahin ito lalo na kung hindi naipaliliwanag na mali ito.
4. Tulungang mapataas ang tiwala sa sarili ng inyong anak. Hikayatin siya na sumali sa iba’t ibang gawain sa paaralan o sa inyong komunidad para mas makilala niya ang kaniyang sarili. Magagawa rin niyang malinang ang kaniyang interes at ang mabuting pakikisalamuha sa ibang tao.
5. Alamin at maging pamilyar sa mga online platforms na ginagamit ng iyong anak. Mahalagang maipaliwanag sa kanila ang ugnayan at pagkakaiba ng mundo ng online at offline at paalalahanan sila sa posibleng dulot nito sa kanila.
Ano ang dapat kong bantayan kung nabu-bully ang aking anak?
Kung napansin mong may pagbabago sa pag-uugali ng iyong anak, gaya ng pananahimik bigla, ayaw paglapit sa marami o ibang tao, pagnanais na mapag-isa o pag ayaw sa pagpasok sa paaralan, maaaring ang mga ito ay senyales na ng bullying.
Kadalasan sa mga bata na nakararanas ng pambu-bully ay ayaw magsabi sa magulang o sinuman dahil sa takot na hindi siya paniwalaan o kaya lalo siyang saktan ng nambu-bully sa kaniya. Kaya narito ang ilan pang senyales na maaaring nabu-bully ang inyong anak.
- Pagkakaroon ng takot o masyadong kabado
- Hindi pagiging palakaibigan o kaunting kaibigan
- Palaging paghingi ng pera
- Pagkawala o pagkasira ng mga gamit o damit
- Pag-iwas sa mga pagdiriwang, salusalo, o okasyon
- Mababang grado sa paaralan o kawalan ng gana sap ag-aaral
- Pagliban sa klase o pag-uwi nang maaga
- Nahihirapang makatulog o madalas na may masamang panaginip
- Nagiging agresibo o biglang magagalitin
- Biglaang pananahimik o hindi pagsasalita
- Mga hindi maipaliwanag na sugat o pasa
- Pagrereklamo na masakit ang ulo, tiyan at iba pang pisikal na karamdaman
RELATED: 5 Reasons Bullying Victims Suffer in Silence (and Why Parents Are the Last to Know)
Ano ang gagawin ko kung nakararanas ng pambu-bully ang aking anak?
Isa sa pinakaunang hakbang na dapat gawin ay alamin ang mga detalye. Kausapin ang iyong anak at itanong ang kaniyang nararanasan at nararamdaman. Iparamdam din sa iyong anak ang iyong pagsuporta sa nararamdaman niya at titiyakin mong matutulungan siya.
1. Huwag dalhin sa social media ang usapin.
Wala naman din itong mabuting maidudulot sa iyong anak at sa sitwasyon. Laging isaisip na tamang proseso at tanggapan ang dapat pagdalhan ng ganitong bagay at hindi ang anumang social media platform.
2. Kausapin ang guro o mag-set ng appointment sa paaralan.
Huwag dumiretso sa bata na nambu-bully sa iyong anak. Hindi ito makabubuti para sa bata na nambu-bully rin. Hindi rin dapat sa magulang ng bata. Sa halip, kausapin ang guro o ang pinuno ng paaralan tungkol sa ibinahagi ng iyong anak na nararanasan niya. Alamin kung ano ang polisiya ng paaralan at paano agarang matutugunan ang sitwasyon. Laging mabuti ang bukas na pakikipag-ugnayan sa paaralan at pagkakaroon ng tiwala sa mga taong kasangkot ng pagsasaayos nito.
3. Bukas na pakikipag-ugnayan sa iyong anak.
Malaki ang magagawa ng pagpapakita ng suporta sa pagharap ng iyong anak sa epekto ng bullying sa kaniya. Makapagdudulot ito ng kapanatagan sa kaniya at tiwala na malalampasan niya ito.
Paano kung anak ko ang gumagawa ang pambu-bully?
Mahalagang maunawaan kung bakit ito ginagawa ng iyong anak. Maaaring sabihin na hindi naman ninyo ito itinuturo sa bahay o pinalaki siyang ganito pero gaya ng nabanggit sa unahan na maraming salik ang nakapagdudulot ng ganitong pag-uugali sa bata. Kaya mas mainam na kilalaning mabuti ang grupo na sinasamahan ng iyong anak at alamin ang kapaligiran na ginagalawan niya labas sa bahay.
1. Maaaring sumangguni rin sa guidance counselor
Bukod sa pakikipag-usap sa iyong anak, makatutulong din ang pagkonsulta sa guidance counselor kung paano ka matutulungan sa pagwawasto ng ganitong pag-uugali ngiyong anak. Maaaring mailapit mo rin ang iyong anak sa guidance counselor kung ayaw niyang magsabi sa iyo ng kaniyang pinagdadaanan o dahilan ng pambu-bully.
2. Paggawa ng mga bagay na makatutulong sa iyong anak
Maaaring magpakita ng iba’t ibang senaryo sa iyong anak at tanungin siya kung ano ang gagawin niya sa mga ganitong sitwasyon. Maaari mo siyang maturuan sa kung paano ang kaniyang tamang pagkilos at pagtugon sa iba’t ibang pangyayari o mararanasan niya na hindi maganda.
3. Magbigay ng mga oportunidad at kapalit nito
Hindi makatutulong kung nambu-bully ang iyong anak na sasaktan siya. Mas makabubuti ang pagbibigay ng parusa na hindi makapapanakit sa kaniya pisikal man o pasalita. Maaaring magtakda ng mga alituntunin na kapag ginawa niya ito, mababawasan ang kaniyang mga libangan o paboritong ginagawa. Mahalagang mahikayat din ang iyong anak na humingi ng tawad sa iba at kilalanin ang kanilang pagkakamali.