health conditions,Medical Health,Diseases and Conditions,Neurological Conditions,conlch-00391,sc25,ano ang dyslexia,Mga Paraan para Maturuan ang Batang may Dyslexia,Alamin kung ano ang dyslexia at kung paanong matuturuan at susuportahan ang batang may ganitong kondisyon.
ParentingKids with Special Needs

Ano ang Dyslexia at Paano Turuan ang Batang Mayroon Nito

Ang kondisyong ito ay panghambuhay na suliranin na maaaring maging hamon para sa pang-araw-araw na pamumuhay ng isang indibidwal.
PHOTO BYcanva

Tunay na mahalaga ang pagkakaroon ng kasanayan sa pagbabasa at pagsusulat dahil mga pundamental na pangangailangan ito sa pang-araw-araw na pamumuhay. Sa mga batang nagsisimulang magbasa, karaniwan sa kanila na pinagmamali-mali ang pagbabasa kapag ayaw nila itong gawin at mas nais ang maglaro. Ngunit paano kung talagang hindi nakakabasa ang isang bata dahil sa isang kondisyon gaya ng dyslexia?

Ayon sa isang 2023 article ng Philippine News Agency, tinatayang may 15 hanggang 20 porsiyento ng populasyon sa buong mundo o isa sa bawat pitong indibidwal ang nakararanas ng ilang anyo ng neurodivergence. Pinakakaraniwan dito ang dyslexia na may 10 porsiyento ang sakop ng kaso sa mga matatanda.

Ano ang dyslexia?

Ang dyslexia, ayon sa National Health Service (NHS), ay isang karaniwang problema sa pagkatuto ng bata na nakaapekto sa kaniyang pagbabasa, pagsusulat, at pagbabaybay ng mga salita. Ang kondisyong ito ay panghambuhay na suliranin na maaaring maging hamon para sa pang-araw-araw na pamumuhay ng isang indibidwal. Gayunman, may mga ibinibigay na suporta at tulong sa mga may kondisyon nito para mapagbuti ang kanilang kakayahan sa pagbabasa at pagsusulat upang maging matagumpay rin sila sa buhay.

Paliwanag ni Dr. Luis Gatmaitan, isa ring kilalang manunulat ng kuwentong pambata, na ang batang may dyslexia ay may kahinaan sa word-learning skills, kung saan nahihirapan siyang ihiwalay ang isang salita o letra sa pangkat ng mga salita, maging ang pag-alala sa mga numbero at letra, at paglalapat ng tamang tunog ng letra sa mga salita. Mas madalas din daw ang kaso nito sa mga batang lalaki kaysa sa mga babae.

May iba’t ibang antas din ng kaso ng dyslexia:

- Banayad (mild) - nahihirapan mang magbasa pero nakakayanan kapag may tamang suporta

- Katamtaman (moderate) - kinakailangan ng espeyal na paggabay at tulong, o may mga tiyak na interbensyon

- Malala (severe) - nahihirapan pa rin kahit may espesyal na interbensyon, akomodasyon, at iba pang paggamot

Ano ang mga sanhi ng dyslexia?

Nangyayari ito dahil nahihirapan ang utak na iproseso ang mga impormasyon. Hindi ito sakit, kundi isang kondisyon na nasa tao simula sa kaniyang pagsilang. Nakukuha rin ito sa lahi o nasa genes ng pamilya. Hindi mahina o mababa ang talino ng mga may dyslexia sa katunayan nasa average o above average ang kanilang talino. Sa katunayan, kadalasan na mahusay sila sa malikhaing pag-iisip at pagbibigay ng solusyon.

watch now

Ayon sa Kids Health, ipinapakita ng larawan ng utak ng taong may dyslexia na kapag nagbabasa ito, gumagamit sila ng iba’t ibang bahagi ng utak. Gayundin, hindi sila epektibong gumagana habang nagbabasa kaya nga hirap at mabagal silang magbasa.

Ano ang nangyayari kapag may dyslexia?

Ang dyslexia ay isang language processing disorder, ayon sa Kids Health, kaya talagang nakaaapekto ito sa lahat ng anyo ng wika–pasalita man o pasulat.

Ayon kay Dr. Gatmaitan, napagbabaligtad ng batang may dyslexia ang mga titik at salita na magkakamukha. Ibinigay niyang halimbawa ang “was” na nababasa ng may dyslexia na “saw,” ang “no” na nagiging “on.” Minsan din daw nalilito ang mga bata sa magkakahawig na letra gaya ng ”b” at ”d” at ang ”m” at “w” at ang “n” at “h”. Napagbabaligtad nila ang pagbabasa o pagsulat ng mga letrang ito.

Nahihirapan din silang makilala ang maiikli at pamilya na salita at basahin nang tama ang mas mahahabang salita. Mas matagal at nangangailangan ng maraming oras para mabigkas nila ang isang salita kaya madalas na nawawala na ang kahulugan ng kanilang binabasa dahil mas nagtutuon na lamang sa pagbabasa ng salita.

Ano ang mga senyales ng batang may dyslexia?

Ang mga senyales na may dyslexia ang isang bata ay mas nakikita kapag nagsimula na siyang mag-aaral at nabibigyan ng tuon na ang kaniyang pagbabasa at pagsusulat. Ilan sa mga mapapansin sa kanila ay:

  • Mabagal magbasa at magsulat
  • Nahihirapan makilala at bigkasin ang mga letra nang tama
  • Nahihirapan pagsamahin o pag-ugnayin ang mga tunog ng letra
  • Kawalan ng kakayahan na makilala ang mga tunog ng mga salitang may tugmaan
  • Nahihirapang matukoy ang tunog ng mga letra sa isang salita
  • Nalilito sa pagkakasunod-sunod ng mga letra sa mga salita
  • Nahihirapan sa pagbabaybay o ispeling ng mga salita
  • Kawalan ng kakayahang maalala o matandaan ang tamang pangalan ng mga bagay
  • May kahirapan sa pagpapaplano at organisasyon gayundin ang pagsunod sa mga magkakasunod na panuto/tagubilin
  • Nauunawaan ang impormasyon na naririnig pero nahihirapan kapag pasulat

Paano turuan ang batang may dyslexia?

Bukod sa mga magulang, malaki rin ang papel ng mga guro para matukoy kung may dyslexia ang isang bata. Kapag napansin na may mga ”warning signs” para sa kaso ng dyslexia ang isang bata, mahalagang maipaalam agad ito sa magulang. Mahalaga rin sa mga magulang na maging bukas sa pagtanggap at pag-unawa nang matulungan ang inyong anak. Kung kakikitaan man ng anumang senyales ang bata, agad na kumonsulta sa mga espesyalita para sa tamang interbensyon.

Kung may tamang paggabay at suporta, walang posible na makapag-aral ang iyong anak sa normal na paaralan at makipagsabayan sa ibang mga batang nasa edad niya. Narito ang ilan sa mga teknik na maaaaring gawin:

1. Basahan ang iyong anak.

Maglaan ng oras sa pagbabasa sa iyong anak. Makabubuti ang one-on-one session sa pagbabasa. Napalalawak nito ang kaniyang bokabularyo at ang kasanayan sa pakikinig. Nahihikayat din siyang magbasa ng mga libro.

2. Pag-uusap sa inyong binasa o nabasang libro.

Bukod sa pagbabasa, mahalagang pag-usapan din ang inyong nabasa kung naunawaan niya ang nilalaman nito. Maaaring habang nagbabasa rin ay napag-uusapan na ninyo ang nangyayari sa kuwento.

3. Paulit-ulit na pagbabasa.

Kung para sa iyo ay nakakapagod o nakababagot na ang pauulit-ulit na pagbabasa ng paboritong libro o kuwento ng iyong anak, malaki ang naitutulong sa kaniya nang pag-uulit-ulit dahil mas naitataguyod nito ang pag-unawa at daan para maging pamilyar siya sa mga letra at salita.

4. Tahimik na pagbabasa.

Bigyan din ng pagkakataon ang iyong anak na magbasa nang mag-isa at tahimik para mahikayat siyang maging indepent at magkaroon sila ng tiwala sa sarili.

5. Gawing masaya ang pagbabasa.

Iparanas at ipaunawa sa mga bata na ang pagbabasa ay isang libangan at hindi isang tungkulin o responsibilidad. Gumamit ng ibang libro bukod sa kanilang aklat sa paaralan. Gawing nakarerelaks din ang kanilang lugar ng pagbabasa at maging komportable sila.

6. Paggamit ng teknolohiya sa pagbabasa.

Maraming bata ang mas nagaganyak o nagaganahan ding magbasa gamit ang computer o tablet kaysa sa mga pisikal na libro. May mga application na angkop para sa kanilang pagbabasa. Makatutulong ang mga speech-recognition software o mga text-to-text speech function sa pakikinig ng mga binabasa nila. Mayroon ding mga available na libro na may audio book na habang nagbabasa sila sa kanilang pisikal na libro ay napakikinggan din nila ito.

7. Pagbibigay ng tamang interbensyon sa pag-aaral.

Mahalaga na mabigyan na sila ng angkop na interbensyon sa simula pa lamang. Maraming mga programa ang available para sa mga batang may dyslexia. Maaari silang makapag-aral na may maliit na bilang at may espesyal na suporta ng guro. Kung posible rin ang pagtuturo nang isahan ay makakatulong. Sa kondisyon nila, nagtutuon din ang paglinang ng kanilang kasanayang ponolohikal o ang kakayahang matukoy at mabigkas ang mga tunog na bumubuo sa salita. Magkakaiba ang ibinibigay na interbensyon depende sa gaano kabigat ang kondisyon ng dyslexia ng isang bata. Inirerekomenda rin na maturuan ang bata gamit ang pamamaraang multisensory kung saan sabay-sabay nilang ginagamit ang kanilang iba’t ibang pandama.

8. Pagbibigay ng emosyonal na suporta.

Ito ang pinakamahalagang suporta na maibibigay sa batang may dyslexia dahil kadalasan na nakararamdam sila ng pagkabigo o frustration kapag hindi nila nagagawa ang isang bagay kahit gaano karami ang ibigay nilang pagsusumikap o effort. Maaaring mawala na ang kanilang pagpapahalaga sa pag-aaral at ayawan na nila ito. Mahalagang maunawaan natin ang pinagdadaanan nila at mapahalagahan ang pagkakaiba-iba ng kakayahan ng bawat bata. Bigyan din sila ng suporta sa mga bagay na gusto nilang ginagawa.

Basahin ang iba pang learning disability gaya ng hyperlexia dito.

Trending in Summit Network

lorem ipsum

Lorem ipsum dolor sit amet, consectetur adipisicing elit, sed do eiusmod

Lorem ipsum dolor sit amet, consectetur adipisicing elit, sed do eiusmod
Read more
lorem ipsum

Lorem ipsum dolor sit amet, consectetur adipisicing elit, sed do eiusmod

Lorem ipsum dolor sit amet, consectetur adipisicing elit, sed do eiusmod
Read more
lorem ipsum

Lorem ipsum dolor sit amet, consectetur adipisicing elit, sed do eiusmod

Lorem ipsum dolor sit amet, consectetur adipisicing elit, sed do eiusmod
Read more
Close