Malawak at diverse ang mga katagang “children with special needs.” Ang mga batang may special needs ay nangangailangan ng karagdagang suporta sa iba't ibang aspekto ng kanilang buhay, lalo na sa pag-aaral.
Ang mga batang may special needs ay karaniwang may pisikal, intelektwal, sensory, o emosyonal na katangiang naiiba sa kanilang mga kaedad. Narito ang ilan sa sumusunod na kilalang medical conditions:
- Autism
- Down Syndrome
- ADHD
- Pisikal na kapansanan
- Learning disability
Sa datos ng The United Nations Children’s Fund (UNICEF), nasa 90 porsyento ng mga batang may disabilities sa low-income countries ay hindi nakatatanggap ng edukasyon kahit kailan. Kapag enrolled, hindi rin sila tumatagal at nagda-drop out na lamang kumpara sa mga kaklaseng walang special needs.
Ang pagbibigay ng wastong suporta at inclusion ay mahalaga upang matulungan ang mga batang maabot ang kanilang potensyal. Mahalaga ang papel dito ng mainstreaming.
Paliwanag ng UNESCO, mainstream in special education ang tawag sa pagsama sa mga batang may special needs sa regular na mga klase o paaralan. Mahalagang bahagi ng special needs education ang pantay na oportunidad upang malaya ring makilahok ang mga batang may medical conditions.
Ayon sa BrightHubEd, imbes na ilagay sila sa hiwalay na klasrum at bigyan ng ibang mga gawain, mas mahalagang siguruhing mayroong guro o teacher aide na mayroong training sa pagtuturo sa batang may special needs.
Pangunahing layunin ng mainstreaming ang mapabilang ang mga batang may special needs sa kanilang mga kaklaseng tipikal ang cognitive development upang magkaroon din sila ng sumusunod na mga oportunidad:
- akses sa instruksyon
- karagdagang kaalaman
- umunlad bilang indibidwal
- makilahok sa pang-akademiko at sosyal na kapaligirang mayroon ang paaralan
Imbes na dalhin ang bata sa espesyal ding mga klase, ilalagay siya sa regular na mga klase upang masanay siya sa pakikihalubilo sa iba. Narito ang mga halimbawa ng assistance o tulong na maaari ding ihanda para sa kanila:
- Ang batang may visual impairment ay maaaring bigyan ng large-print textbooks at audiobook
- Ang batang may pisikal na impairment ay maaaring bigyan ng espesyal na mesa at upuan
- Ang batang may sensory impairments ay hindi dapat ilagay sa klasrum na mayroong malakas na fluorescent lighting o malalaki at makukulay na stimuli
RELATED: Mga Dapat Mong Malaman Sa Special Education Curriculum sa Pilipinas
Benepisyo ng mainstreaming sa special education
Kilala rin ang mainstreaming bilang inclusive education. Nakilala na rin ito sa larang ng edukasyon dahil ayon sa mga eksperto, mayroong mga benepisyo ang mainstreaming kasama na rito ang sumusunod:
- improved academic performance
- enhanced social and communication skills
- increased self-esteem and self-regulation
1. Social at emotional development
Dahil mayroong mga oportunidad na makihalubilo sa mga kaklase, isang positibong epekto ng mainstreaming ang pagkatuto ng social skills at pagbuo ng pagkakaibigan kasama ang typically developing peers.
Sa ganitong paraan, natututo rin ang mga batang typical ang development tungkol sa diversity, empathy, at inclusion, na makatutulong sa kanila sa kanilang paglaki at pagtrato sa kapwang naiiba sa kanila.
2. Academic achievement
Ayon sa mga pag-aaral, nagiging mas mabuti rin ang performance ng mga batang may wastong suporta at gabay. Nagiging mas matagumpay sila sa academics at nagiging higit na malikhain at open-minded. Nahahasa rin ang kanilang problem-solving skills at learning strategies.
3. Improved behavior
Dahil mayroong peer role models, nagdudulot din ng mas maayos na pag-uugali sa mga batang may espesyal na pangangailangan ang mainstreaming. Kasama rito ang improved self-regulation skills at nababawasan din ang kanilang challenging behavior katulad ng tantrums at iba pa. Malaking tulong dito ang structured at supportive nilang classroom environment.
Paano magbibigay ng angkop na suporta?
Mabusising pagpaplano ang kinakailangan upang matagumpay na makapagpatakbo ng paaralang may sistema ng mainstreaming. Kailangang well-trained ang administrasyon, staff, at mga guro nito.
Narito ang ilang strategies para makasigurong handa ang paaralan sa ganitong mga sitwasyon:
- Alamin kung mayroong Individualized Education Plan (IEP) ang paaralan.
Bawat mag-aaral na may special needs ay dapat na may Individualized Education Plan (IEP) kung saan nakasaad ang kanilang unique learning goals, needs, at services na kailangan nila. Nagsisilbi itong roadmap para sa mga guro at staff ng paaralan.
- Mahalagang nakatanggap ng proper training ang educators para handa sila sa kanilang mga estudyanteng may special needs. Kasama sa training na ito ang curriculum, pagbuo ng accessible materials, at pagbibigay ng emosyonal at behavioral support.
- Classroom accommodations: Maaaring kasama rito ang mga pagbabago sa pisikal na environment, halimbawa wheelchair ramps o accessible seating, at mga adaptations sa teaching materials, katulad ng paggamit ng large-print textbooks, Braille materials, o assistive technology.
- Peer Support at Role Models: Nakatutulong din ang buddy system ayon sa mga pag-aaral. Ang pagpapares sa mga estudyanteng may special needs sa kanilang peer support buddies ay nakatutulong sa kanilang social at academic challenges sa loob at labas ng silid-aralan.
- Regular na komunikasyon: Mahalagang mayroong bukas at regular na komunikasyon sa pagitan ng paaralan at ng pamilya ng mga batang may special needs. Kasama rito ang kanilang pag-unlad o progress, concerns, at strategies na higit na makatutulong sa pagkatuto at development ng mga bata.
Payo para sa magulang ng anak na may special needs
Narito ang ilang payo para sa mga magulang ng mga batang may special needs:
1. Makipag-ugnayan sa mga guro ng iyong anak.
Ang epektibong komunikasyon ay mahalaga kaya't malaking tulong ang regular at bukas na komunikasyon sa iyong anak at sa kanyang mga guro.
Mahalagang alam ng mga guro ang progress, challenges, at mga pagbabago sa kanyang anak. Aktibo ka rin dapat ang partisipasyon sa parent-teacher meetings, Individualized Education Plan (IEP) discussions at school events.
Ang Individual Education Plan (IEP) ay customized plans na binubuo ng interdisciplinary team na nakakikilala sa estudyante.
2. Alamin ang inyong mga karapatan.
Sa maraming bansa, may mga batas at regulasyon na rin na nagpoprotekta sa mga batang may special needs.
3. Bumuo ng support network.
Maging advocate ng iyong anak. Sumali sa support groups sa inyong komunidad. Mahalagang patuloy na magsaliksik tungkol sa mainstreaming at siguruhing may individualized na plano para sa iyong anak.
Tandaang ang layunin ay ang paglinang sa potensyal ng anak sa isang diverse at welcoming environment. Naniniwala ang mga advocate ng mainstream in special education na bawat bata ay mayroong karapatan sa de-kalidad na edukasyon at mas mahalaga ang pagkakaroon ng diverse at inclusive learning environment kung saan lahat ng mga bata ay uunlad sa kaalaman at kakayahan.