Bukod sa pagiging artista, na ginagawa niya mula pagkabata, si John Prats ay isa ring direktor. Ilan sa mga dinirek niya ang mga concert nina Moira, K Brosas, Erik Santos, Jaya, Angeline Quinto, at Zephanie.
"Laging tanong ng anak ko na si @featherprats kung ano ang work ko," sabi ni John sa kanyang Instagram post. Si Feather, 6, ang panganay sa tatlong anak nila ng asawang si Isabel Oli. Sumunod sina Freedom, 4, at Forest, 2.
Kuwento pa ni John sa usapan nila ni Feather, "Sabi ko sa kanya director, pero hirap ako i-explain kung paano ko ginagawa ang trabaho ko."
Ang solusyon: isinama ni John si Feather sa bagong concert ni Moira nitong February 3, 2023 sa Smart Araneta Coliseum sa Quezon City. Ito ang pambungad sa world tour ng singer na kilala sa mga madamdaming kanta tulad ng Tagpuan at Paubaya.
Sabi pa niya John tungkol kay Feather, "Finally! Nakanood na sya ng concert, at nakita nya kung paano ang work. Sabi nya sa sa 'kin, 'Ang COOL mo, Papa, I want to be a director too.'"
Hindi naitago ni John ang saya sa sinabi ng anak. "Nakakakilig lang at ang sarap sa pakiramdam!" Kaya para kay Feather, aniya, "I love you po!!!"
Kung balak mo ring dalhin ang iyong anak sa inyong trabaho, narito ang ilang tips:
1. Ilibot ang anak sa loob ng opisina o kung saan ka nagtatrabaho. Ituro sa kanya ang iyong work area, at kung anong ginagawa mo dito. Ituro mo rin kung saan ang pantry, washroom, at iba pang bahagi ng lugar.
2. Ipakilala ang anak sa iyong mga katrabaho at kanilang mga gawain sa opisina.
3. Siguraduhin na busog ang anak bago magpunta sa opisina nang hindi siya magutom at mainip. Mainam din na magbaon ng kanyang pagkain.
4. Magdala ng ilang laruan nang hindi mainip at magyayang umuwi ang anak.
Kung kinakailangan mong dalhin ang anak habang nagtatrabaho, at puwede ito sa inyong opisina, may ilan pang tips na mababasa dito.