Nitong Linggo, May 14, ipinagdiwang ng buong mundo ang araw ng mga ina, at karamihan sa social media ay ifinlex ang kani-kanilang mga natanggap sa araw na ito.
Nariyan ang mga bulaklak at regalo galing sa kanilang mga asawa't anak. Meron rin namang sumama ang loob dahil wala silang natanggap at tila hindi man lang nabati sa espesyal na araw ito.
Kaya naman, naantig ang puso ng mga Smart Parenting Village members nang mag-post si Mommy John Marie Villanueva ng kanyang natanggap na regalo mula sa kanyang 6 na taong gulang na panganay na anak na si Marc Jilhan Caraga.
Ito ang kanyang "Kwentong Mother's Day" na ibinahagi ni Mommy John Marie sa grupo. Binigyan niya ng permiso ang Smart Parenting para i-publish ito.
Kuwentong Mother's Day
Memorable day (05/14/2023)
Nagulat ako may inabot na plastic ang anak kong panganay ngayon lang hapon.
Siya: Mama, ngayon na pala Mother's Day, narinig ko kila Banny.
Ako: Oo nak, bakit?
Siya: Mama oh, kunin mo po ito, regalo ko sa'yo. Happy Mother's Day, ibili mo po ng bigas natin.
Ako: Salamat nak! Sabay (kinuha ko inabot nya at binuksan). Ohh, Anak, saan mo naman kinuha itong pera?
Siya: Inipon ko po yan Ma sa baon ko kapag may pasok.
Ako: Ha? Paano nangyari yun anak? Eh diba Php 10 lng minsan baon mo, at diba lagi kita tinatanong kung ano binili mo at sumasagot ka binili mo pagkain.
Siya: Sorry, Ma. Joke ko lang po yun. Kumakain naman ako dito sa bahay, kaya hindi ako gutom sa school kaya naka-ipon ako.
Ako: Naiintindihan kita, Anak, na gusto mo ako regaluhan. Pero ito, di ko ibibili ng bigas. Sa'yo ito. Hayaan mo na kami ni Papa mag-isip ng mga kailangan natin. I love you anak."
Sa panayam sa Smart Parenting, kinuwento ni Mommy John Marie na siya ay isang stay-at-home mom na mayroong apat na anak na edad 6, 4, 3, at one month. Ang kanyang asawa ay isang construction worker, habang siya naman ay kumikita mula sa pag-o-online selling.
Paliwanag niya, ang panganay palang niya ang nag-aaral at Grade 1 pa lang ito. "Minsan wala po ko nabebentahan sa online kaya madalas 10 pesos at tubig Ang baon niya."
"Kaya sobra po ako na-amaze nung Mother's Day nang may inabot po siyang plastic na may pera. Inipon niya daw po sa baon niya. Kumakain naman daw po siya dito sa bahay kaya di po siya gutom sa school kaya nakaipon po ng pera para daw po may mairegalo siya sa akin."
Natuwa naman ang mga members ng Smart Parenting Village na kapwa magulang rin.
"Nakakatuwa naman. Malayo ang mararating mo, Kuya," sabi ng isang nanay.
Ang iba naman ay talagang bumilib at nais magpaabot ng tulong sa bata, ngunit sabi ni Mommy John Marie, "Nako ma'am okay lang po, ibinalik ko po sa kanya yung inipon niyang baon at ipinaliwanag ko po kung bakit."
Kaya ibinili niya po ng meryenda at binigyan ang mga kapatid niya."
Anong kuwentong Mother's Day mo? Sali na sa Smart Parenting Village at i-share ito para sa chance na ma-feature sa Smart Parenting.