Fact-Checked by Ronna Capili Bonifacio
Ang article na ito ay unang naipublish noong June 7, 2021. Nadagdagan ito ng updates noong May 31, 2024.
Isa na siguro sa mga ikinakatakot ng mga magulang ay ang may pumasok na insekto o ano mang maliit na bagay sa bibig, ilong, at tenga ng mga anak nila.
Kamakailan nga ay may mga kaso ng mga batang pinasok ng insekto ang tenga. Noong bata ako, naaalala kong nang mangyari ang ganito, ang sabi ng mga matatanda ay dapat bugahan ng usok ng sigarilyo ang tenga ng bata para kusang lumabas ang insekto.
Pero ngayong nagbago na ang teknolohiya at mga gamit medikal at mabilis na rin ang access sa impormasyon, marami nang mas ligtas at epektibong paraan para alisin ang kung ano mang nakapasok sa tenga ng mga bata.
Tinanong namin ang mga nanay sa aming Facebook group na Smart Parenting Village kung ano nga bang ginagawa nila kapag nangyayari ito.
May ilang nagsabing nilalagyan nila ng pamatak sa tenga ang anak nila. Malimit, pagkatapos ng ilang minuto, lumalabas na rin kasama ng pamatak ang nakapasok na insekto.
May mga nanay ding nag-invest sa ear pick na may ilaw para makita nila nang mabuti kung may nakapasok nga ba sa tenga at pwede nila itong tanggaling nang walang maaapektuhang bahagi ng tenga ng bata.
Baby oil naman ang sikreto ng ibang nanay sa Village. Malimit daw ay isa hanggang dalawang patak lang ay sapat na. Kapag pinatulo ang baby oil palabas ng tenga, sumasama na rin ang ano mang insektong nakapasok sa loob.
Sa mga pagkakataong hindi maalis ng mga nanay ang nakapasok sa tenga, agad nilang dinadala sa emergency room ang mga anak nila para medical professionals ang maingat na makapag-alis ng ano mang nakapasok.
Paano ko malalamang may nakapasok o nakabara sa tenga ng anak ko
Kwento ng mga nanay sa Village, mayroon sa mga anak nila ang nagreklamo na masyadong makati ang tenga nila o 'di naman kaya ay hirap silang makarinig.
Sa mga nanay sa Village na sanggol pa ang anak, idinetalye nila na bigla na lang daw umiiyak ang anak nila.
Sabi ng mga eksperto, kung hindi mo makita ang insekto o bagay na nakabara sa tenga ng anak mo, tignan mo ang labas at daanan. Mapapansin mo ang mga sumusunod:
- Pamumula
- Pamamaga
- Pagkakaroon ng discharge na maaaring may kasamang nana (pus) o dugo
Mapapansin mo ring kamot nang kamot ang anak mo sa tenga niya. Maaaring tanda na ito na mayroong insekto o ano mang bagay sa loob.
Paano alisin ang insektong nakapasok sa loob ng tenga ng anak ko?
Huwag mag-panic
Nakakatakot mang isiping may nakapasok na insekto sa tenga ng anak mo, kailangan mo pa ring maging kalmado. Kapag kasi nag-panic ka, maaaring matakot at mag-panic din ang anak mo.
Huwag gumamit ng mga cotton swabs
Maaari kasi nitong mas maitulak papasok ang ano mang nakabara sa tenga ng anak. Payo ng mga eksperto, marahang hilahin ang tenga ng anak mo palikod. Sa ganitong paraan, didiretso ang ear canal.
Saka mo marahang iyugyog ang ulo ng anak mo para maalis ang nakabara. Huwag na huwag pukpukin o tuktukin ang ulo ng bata.
Gumamit ng baby oil o vegetable oil
Kung nakikita mong buhay at gumagalaw ang insekto sa loob, malaki ang maitutulong ng baby oil o vegetable oil—ano man ang mayroon sa bahay ninyo. Papatayin ng oil ang insekto at aagos ito palabas ng tenga.
Gumamit ng maligamgam na tubig sa syringe
Kung tingin mo naman ay patay na ang insektong nakabara sa tenga ng anak mo, pwede kang gumamit ng syringe na may maligamgam na tubig. Mabisa ito para ma-iflush ang insekto palabas.
Kung hindi mo mapalabas ang insekto sa pamamagitan ng mga payong ito, mainam na dalhin agad ang anak mo sa doktor.
Ingatang huwag niyang maipit o madaganan ang tenga niya para hindi lalong pumasok sa loob ang nakabara.
Paano maiiwasang pasukin ng insekto ang tenga ng anak ko?
- Panatilihing malinis ang mga sofa o kama sa bahay
- Huwag kumain sa kama para hindi mag-imbita ng langgam at iba pang insekto
- Regular na linisin ang tenga ng anak ninyo
Frequently Asked Questions (FAQs) ukol sa insekto sa loob ng tenga ng mga bata
1. Anong uri ng mga insekto ang kadalasang pumapasok sa tenga ng bata?
Ang mga earwigs, langaw, kuliglig, gagamba, at ipis ay kabilang sa mga karaniwang insekto na pumapasok sa tenga ng mga bata at maging ng mga matatanda. Ang mga insektong ito ay naaakit sa maiinit at mahalumigmig na kapaligiran, kaya't ang tenga ay angkop na lugar para sa kanila na magtago.
2. Bakit hindi dapat bugahan ng usok ng sigarilyo ang tenga?
Hindi nirerekomenda ang pagbuga ng usok ng sigarilyo upang mapaalis ang insekto sa tanga dahil lubhang mapanganib ang secondhand at thirdhand smoke sa mga sanggol at mga bata. Ang secondhand smoke o usok mula sa isang taong naninigarilyo ay may mahigit na 4,000 kemikal na mapanganib at maaaring magdulot ng kanser. Nae-expose ang mga bata sa mga kemikal na ito sa tuwing mabubugahan sila ng usok.
Samantalang ang thirdhand smoke naman ay mga toxins na naiiwan sa mga lugar o gamit kung saan may naninigarilyo, tulad sa mga dingding, sofa, at maging sa buhok ng mga tao. Mapanganib din ma-expose dito ang mga bata.
3. Paano kung hindi sigurado kung may insekto sa tenga? Ano ang dapat gawin?
Maaaring makaranas ng mga sumusunod na sintomas agad kung may pumasok na insekto sa tenga:
- Pakiramdam na pangangati o kiliti sa tenga
- May mga tumutunog na pangangamot (scratching) o buzzing
- Hindi malinaw na pangdinig sa tenga
- May pakiramdam na may nakabara sa tenga
- Hindi kumportable o masakit na pakiramdam sa tenga
4. Gaano kadalas dapat linisin ang tenga ng mga bata para maiwasan ang ganitong sitwasyon?
Ang paglilinis ng tenga ng mga bata ay hindi dapat labis sa isa or dalawang beses kada linggo. Walang tiyak na paraan upang maiwasan ang pagpasok ng mga insekto sa tenga maliban sa pagpapanatiling malinis ang bahay at kapaligiran upang maiwasan magkaroon ng maraming insekto dito.
5. Paano kung may dugo na lumalabas sa tenga ng bata pagkatapos alisin ang insekto?
Kung magkaroon ng pagdurugo, labis na sakit, nana o iba pang senyales ng impeksyon pagkatapos alisin ang insekto sa tenga, kumonsulta sa doktor agad.
6. Ano ang mga long-term effects kapag nakapasok ang insekto sa tenga?
Ang mga posibleng epekto kung maiwang ng matagal ang insekto sa loob ng tenga ay ang patuloy nitong pangangagat o pagkalmot, na maaaring magdulot ng pamamaga o pagkabutas ng eardrum. Maaari din itong magdulot ng impeksyon.
7. Ano ang dapat gawin kung walang baby oil o vegetable oil sa bahay?
Kung walang oil sa bahay, maaari ring subukang banlawan ang tenga sa pamamagitan ng maligamgam na tubig gamit ang dropper o syringe upang maalis ang insekto mula sa tenga. Patayuin ng tuwid ang bata, marahang hilahin ang panlabas na bahagi ng tenga upang maituwid ang ear canal, at saka padaluyan ng maligamgam na tubig ang tenga. Pagkatapos nito ay itagilig ang ulo upang lumabas ang tubig mula sa tenga.
8. Pwede bang gumamit ng iba pang uri ng langis sa pag-alis ng insekto sa tenga?
Maliban sa baby oil at vegetable oil, maaari ding gumamit ng kahit anong mineral oil o olive oil. Huwag gumamit ng kahit anong oil if sa iyong palagay ay may sugat sa loob ng tenga o butas sa eardrum.
9. Kailan dapat dalhin agad sa ENT specialist ang bata?
Kung hindi matanggal ang insekto mula sa tenga, dapat dalhin agad ang bata sa doktor upang maiwasan ang mga komplikasyon. Ayon sa Stanford Medicine, nararapat din makipag-ugnayan sa doktor kung pawang mga piraso ng inseko lamang ang natanggal.
Basahin ito para sa tamang pamamaraan ng paglilinis ng tenga ng toddler.
Naranasan niyo na bang may nakapasok na insekto sa tenga ng anak ninyo? Paano ninyo ito natanggal? I-share ang ginamit ninyong technique sa comment section. Pwede rin kayong sumali sa aming Facebook group na Smart Parenting Village.