embed embed2
  • Bilangin Ang Maruming Diaper! 4 Na Senyales Na Sapat Ang Gatas Na Nakukuha Ni Baby

    Huwag munang mag-alala na hindi marami ang gatas mo.
    by Grace Bautista .
Bilangin Ang Maruming Diaper! 4 Na Senyales Na Sapat Ang Gatas Na Nakukuha Ni Baby
PHOTO BY Shutterstock/MIA Studio
  • Karaniwang inaalala ng mga bagong nanay kung sapat ba ang nakukuhang gatas ni baby tuwing nagbe-breastfeed. Hindi kasi lahat ay pinalad na magkaroon ng nag-uumapaw na gatas. Ang iba ay katiting lang ang nakukuha kahit mag-pump o hand express ng gatas.

    Senyales na sapat ang gatas na nakukuha ni baby

    Nakakabahala rin ang mga kwentong mababasa natin sa internet kung saan ang mga sanggol ay nakaranas ng pagkagutom, pagbaba ng timbang, dehydration, at iba pang sakit dahil sa hindi alam ng mga nanay nila na hindi pala nakakakuha ang mga sanggol ng tamang nutrisyon mula sa pagsuso.

    Kaya naman inilista namin ang mga palatandaan na maaari mong obserbahan sa iyong baby para malaman kung nabubusog ba siya sa iyong gatas. 

    Obserbahan ang kanyang pagdede

    Kung bagong silang pa ang iyong baby, ang feeding time niya ay tuwing dalawa hanggang tatlong oras o hanggang 12 beses kada araw. Makikita mong maayos ang pagkaka-latch niya sa iyong dibdib, at maririnig mo ang kanyang paglunok ganun din ang pagbabago sa patterns ng kanyang pagpapahinga, pagsipsip at paglunok ng gatas. 

    Karaniwang nagtatagal ang breastfeeding ng 10 hanggang 20 minuto at malamang ay makikita mo rin na may gatas sa bibig o labi ni baby pagkatapos niyang dumede.

    Bilangin ang mga basa at maruruming diapers ni baby

    Kapag well-fed ang iyong newborn, dudumi siya ng isa o dalawang beses kada araw sa unang dalawang araw pagkapanganak. Dadalas ito sa mga susunod na araw.

    May mga sanggol na dumudumi pagkatapos ng bawat feeding at may mga sanggol din na nagagamit lahat halos ng kanilang gatas na dinedede at halos walang natatapon kaya kaunti lang o hindi araw araw ang pagdumi. Normal ang mga ito sa mga breastfed na sanggol.

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

    Sabi sa isang article sa WebMD.com, ang isang sanggol ay maaaring umihi ng anim hanggang walong beses sa isang araw, at dumumi ng dalawa hanggang limang beses kada araw. Ang ihi ni baby ay dapat malinaw o medyo madilaw lang at hindi kulay orange.

    Kung dark orange o maamoy ang ihi ni baby, padedehin siya nang mas matagal o madalas at obserbahan ang mga susunod niyang ihi. Ikonsulta sa inyong doktor ang anumang bagay na nakakapag-alala sa iyo.

    Subaybayan ang pagbigat si baby

    Ito  ang pinakamatibay na indikasyon na kumakain nang tama si baby. Sa unang linggo maaaring mabawasan ng bahagya ng timbang ni baby dahil sa fluid loss o breakdown ng tissues ayon sa American Academy of Pediatrics (AAP). Pero pagkatapos nito, dapat maging tuloy tuloy na ang pagbigat ni baby mula 140 hanggang 200 grams kada linggo ayon sa MayoClinic.

    Titimbangin ng kanyang doktor tuwing checkup si baby at ilalagay sa chart na dinisenyo ng World Health Organization ang kanyang paglaki (bigat, haba at laki ng ulo). Masasabi sa iyo ng doktor kung sakaling mayroong nakababahalang pattern sa kanyang growth chart.  

    Obserbahan ang kilos at disposisyon ni baby

    Ang sanggol na busog ay payapa, masigla at masaya lalo na pagkatapos dumede. Karaniwan ay kusa na lang siyang bibitiw sa pagdede o makakatulog kapag busog na.

    Kapag gising naman si baby, siya ay masigla, mapagmasid sa kanyang kapaligiran, at tumutugon sa mga tao, lalo na sa kanyang nanay, sa paraang tama sa kanyang edad. Kung laging umiiyak si baby lalo na sa oras ng pagdede o pagkatapos nito, kumunsulta sa inyong doktor para matulungan kang alamin ang dahilan nito.

    CONTINUE READING BELOW
    Recommended Videos

    Paano magparami ng gatas?

    Kung nag-aalala kang kulang ang gatas na naibibigay mo kay baby, subukan ang mga sumusunod:

    1. Dalasan ang pagpapasuso kay baby. Hangga’t maaari, huwag munang mag bigay ng formula dahil kapag nabusog na dito si baby, hindi na siya masyadong dedede sa iyo at makakaapekto ito sa dami ng iyong milk supply.

    2. Kung mahirap naman para sa iyo ang madalas na pagpapasuso, mag-pump ng gatas kada 2 hanggang 3 oras at tapusin ang pumping schedule kahit kakaunti ang nakukuha. Ito ang senyales para sa iyong katawan na gumawa ng mas maraming gatas.

    3. Kumain at uminom nang marami. Importante ang pagkain at tubig para sa mga nanay na nagpapasuso. Ipinapayong magdagdag ng hanggang 500 calories sa iyong pagkain kada araw para masuportahan ang paggawa ng gatas ng iyong katawan. Uminom rin ng 8 hanggang 10 baso ng tubig at iwasan ang maraming kape. 

    4. Kumain o uminom ng milk boosters. Mula sa karaniwang ulam o sabaw na may malunggay, malunggay capsules at tea, mayroon ding mga kape, chocolate at tea drinks na sadyang ginawa para sa mga breastfeeding moms. Ang mga ito ay may mga herbal extracts na subok na ng mga nanay na nagpaparami ng gatas.

    Desidido ka bang mag-breastfeed? Mag-click dito para magka-idea kung ano ang breastfeeding schedule mo sa unang taon ni baby.

    What other parents are reading

View More Stories About
Trending in Summit Network
View more articles