Ano ang IUI? Serbisyo at Accessibility sa Pilipinas
Intrauterine insemination: Solusyon ba ito sa infertility? Tuklasin sa aming gabay.
Published on Sep 30, 2025
Isa sa mga pangarap ng mag-asawa ay ang magkaroon ng anak. Para sa marami, ito ay isang masayang karanasan ng pagiging magulang, ngunit para sa iba, lalo na sa mga nahihirapang magkaanak, ito ay isang hamon. Ayon sa WHO, isa sa mga unang medikal na hakbang para tugunan ang problema sa infertility, o ang tinatawag na first-line option para sa ilang kaso ng hindi pagbubuntis, ay ang Intrauterine Insemination o IUI.
Ano ang IUI?
Ayon sa Mayo Clinic, ang intrauterine insemination ay isang uri ng assisted reproduction kung saan ang prinosesong semilya ay direktang inilalagay sa loob ng matris ng babae sa panahon ng ovulation. Layunin nitong mapalapit ang semilya sa obaryo upang mas tumaas ang tsansa ng fertilization. Kadalasan itong isinasagawa kasabay ng natural na menstrual cycle o may tulong ng fertility medication para mapataas ang pag-ovulate ng babae.
Paliwanag ng Cleveland Clinic, naiiba ang IUI sa in vitro fertilization (IVF) dahil sa IUI, nagaganap ang fertilization sa loob ng katawan. Kinukuha ang semen sample at pinipili lamang ang mga may mataas na kalidad na semilya. Ito ang inilalagay sa matris gamit ang catheter sa panahon ng ovulation. Sa kabilang banda, sa IVF, pinagsasama ang semilya at itlog sa labas ng katawan sa isang laboratoryo, at inilalagay lamang sa matris kapag ito ay naging embryo na. Mas mura at hindi gaanong komplikado ang proseso ng IUI, ngunit mas mababa rin ang tsansang magbuntis kumpara sa IVF.
Para Kanino ang IUI?
Karaniwang inirerekomenda ang IUI sa mga sumusunod na sitwasyon:
Kapag may bahagyang problema sa sperm count ng lalaki na maaaring matugunan sa pamamagitan ng sperm preparation.
Sa mga kaso ng problema sa matris, tulad ng abnormal cervical mucus o iba pang pagbabago sa reproductive system.
Para sa single women o same-sex couples na nais magkaanak.

Artificial Insemination At Home: A Woman’s Unique Journey To Getting Pregnant ‘Alone’
Read herePaano Ginagawa ang IUI?
Ayon kay Dr. Vasquez, Clinic Manager ng Delgado Assisted Fertility Center, sa isang artikulo ng Jesus Delgado Memorial Hospital, ang IUI ay isang non-invasive at cost-effective na lunas sa infertility. Ang aktuwal na prosedyur ay tumatagal lamang ng 20–30 minuto, at maaaring ipagpatuloy ng babae ang kanyang pang-araw-araw na gawain pagkatapos ng insemination.
Paghahanda ng semilya: Magbibigay ang lalaki ng semen sample. Isasailalim ito sa sperm washing upang mahiwalay ang pinakamalulusog na semilya mula sa mga mababang kalidad at iba pang elementong maaaring makaapekto sa fertilization.
Paglalagay ng semilya sa matris: Ilalagay ang malusog na semilya sa catheter. Hihiga ang babae sa examination table, gaya ng posisyon sa Pap smear test. Ipapasok ang speculum at catheter sa puwerta at itutulak ang semilya papasok sa uterus.
Pagkatapos ng insemination: Tatanggalin ang catheter at speculum. Hihilingin sa babae na humiga pa ng ilang minuto bago siya payagang makauwi. Bibigyan din siya ng payo kung kailan dapat gawin ang pregnancy test upang malaman ang resulta ng proseso.
Ayon sa website ng Best IUI Clinic Philippines, ang halaga ng IUI ay nasa pagitan ng P15,000 hanggang P50,000 kada cycle, depende sa klinika, karagdagang procedure, o medication.
Ano ang mga Dapat Isaalang-alang Bago Sumailalim sa IUI?
Mahalagang dumaan sa komprehensibong fertility work-up bago sumailalim sa IUI upang matukoy ang sanhi ng infertility—mula sa salik na galing sa babae o sa lalaki. Dapat ding isaalang-alang ang sikolohikal na aspekto ng proseso, kabilang ang posibilidad na hindi agad magtagumpay ang pagbubuntis, pati na ang usaping etikal kung gagamit ng sperm donor.
Hindi lang ang panimulang gastos ang dapat isaalang-alang, kundi pati ang bilang ng cycles na maaaring kailanganin at ang mga follow-up sa klinika. Mahalaga ring suriin ang kalusugan at edad ng babae, dahil ito ay malaking salik sa tagumpay ng pagbubuntis.
Ano ang Tagumpay at Limitasyon ng IUI?
Ang tagumpay ng IUI ay nakadepende sa edad ng babae, sanhi ng infertility, at kung gumagamit ba ng ovarian stimulation. Mas mataas ang tsansa ng tagumpay para sa mga batang babae at sa mga kaso kung saan bahagya lang ang problema sa fertility ng lalaki. Gayunpaman, hindi ito kasing-epektibo ng IVF, lalo na sa mas komplikadong mga kaso.
Bagama’t sinasabi ng maraming organisasyon na mas abot-kaya ang IUI, hindi ito palaging angkop na solusyon para sa lahat ng sitwasyon.
Mayroon bang Serbisyo o Akses sa IUI sa Pilipinas?
Sa Pilipinas, ang paggamit ng assisted reproductive technologies (ART), kabilang ang IUI at IVF, ay naiimpluwensiyahan ng kasanayang medikal, etikal na gabay ng mga propesyonal, at sosyo-kultural na konteksto.
May mga patnubay mula sa mga lokal na organisasyon tulad ng Philippine Society of Reproductive Medicine at Philippine Society of Reproductive Endocrinology and Infertility. Gayunpaman, may kakulangan pa rin sa komprehensibong pambansang batas ukol sa ART, maliban sa mga probisyon sa Family Code of the Philippines.
Sa kasalukuyan, may nakahain nang House Bill No. 1037 o ang Assisted Reproductive Technology and Surrogacy Regulation Act of 2024, na naglalayong magtakda ng alituntunin para sa artificial insemination at iba pang lunas sa infertility.
May mga operational at clinical manual din ang Department of Health (DOH) para sa family planning at reproductive health, na layong gabayan ang mga serbisyong ito. Mayroon ding mga DOH-affiliated hospitals na may fertility at reproductive endocrinology clinics.
Nais mo bang mabuntis? Subukan ang mga libreng app na ito.

Pregnant After 20 Rounds Of IVF: The Reality Of Infertility Struggle
Read here