
May ilang mga babaeng nagbubuntis ang nakaraaranas ng high blood pressure o hypertension. Normal ang pagbilis ng pulso at maging pagtaas ng presyon ng dugo dahil sa pagbabago ng hormone at pagdami ng napoprodyus na dugo ng katawan habang buntis. Ang ganitong kaso ng pagkakaroon ng mataas na presyon ng dugo ay karaniwan sa mga buntis na nasa edad 20 hanggang 44.
Ngunit ang pagkakaroon ng hypertension sa pagbubuntis ay makaapekto sa nanay at sanggol. Maaari itong maging sanhi ng problema sa pangnaganak. Pero ang magandang bagay ay maaari itong maiwasan at magamot kung mababantayan. Kaya nga sa tuwing magpapatingin sa doktor para sa mga prenatal check up, kinukuhaan ng blood pressure ang mga buntis.
Mga sanhi ng pagtaas ng presyon sa pagbubuntis
Ang sumusunod ang mga posibleng dahilan ang pagkakaroon ng mataas na presyon habang buntis ayon sa Healthline:
- Pagiging obese o sobrang bigat ng timbang
- Kawalan ng sapat na pisikal na gawain o ehersisyo
- Paninigarilyo
- Pag-inom ng alak
- Unang pagbubuntis
- May family history ng hypertension
- Pagbubuntis nang higit sa isa
- Pagbubuntis na nasa edad na higit sa 35
- Pagkakaroon ng diabetes o anumang autoimmune disease
- Pagsasailalim sa reproductive technology gaya ng IVF
- Pagtukoy sa pagdebelop ng pagtaas ng presyon
Kailangan bantayan ang iyong blood pressure (BP) kapag ikaw ay buntis. Kapag may naitala na pagtaas ng presyon ng dugo na umaabot sa 140/90 nang dalawa o higit na pangyayari at may apat na oras na pagitan, ito ay maikokonsidera na gestational hypertension.
Ibinigay ng Mayo Clinic ang iba pang kategorya sa patukoy ng presyon ng dugo:
- Pagtaas ng presyon ng dugo – Ang BP ay umaabot sa 120-129/80. May tendensiya ito na lumala sa katagalan maliban kung aagapan agad o makokontrol ang pagtaas nito.
- Stage 1 hypertension – Ang BP ay umaabot sa 130-139/80-89.
- Stage 2 hypertension – Mas malala ang kalagayan na ito na umaabot ang BP sa 140/90.
Mag uri ng mataas na presyon ng dugo sa pagbubuntis
May mga kaso ng pagkakaroon ng mataas na presyon ng dugo bago pa man magbuntis samantalang may ilan naman na nagkakaroon lamang habang buntis. Ang sumusunod ay mga uri ng high blood pressure o hypertension na iniisa-isa ng Mayo Clinic:
Gestational hypertension
Nadedebelop ang pagtaas ng presyon matapos ang pang-20 linggo ng pagbubuntis. Ito ay kakulangan ng protina sa ihi o iba pang senyales ng suliranin sa iba pang organ. Ang mga buntis na may ganitong kaso ay nagkakaroon ng preeclampsia.
Chronic hypertension
Ito ay bago pa man ang pagbubuntis o madebelop bago ang pang-20 linggo ng pagbubuntis. Bagaman kadalasan na walang sintomas ang pagkakaroon ng mataas na presyon kaya mahirap ding matukoy kailan ito nagsimula.
Chronic hypertension na may kasamang superimposed preeclampsia
Ang ganitong kondisyon ay nangyayari sa mga buntis na may chronic hypertension bago ang pagbubuntis at higit na lumalala pa ang pagtaas ng presyon kasama ang iba pang komplikasyon gaya ng protina sa ihi.
Preeclampsia
Nangyayari naman ito kapag nadebelop ang hypertension matapos ang pang-20 linggo ng pagbubuntis at kaalinsabay ng suliranin o komplikasyon sa mga organ sa katawan gaya ng sa atay o kidney. May ilan naman na nararanasan ito ng babae na karaniwan ay sa loob ng 48 oras pagkapanganak.
Mga komplikasyon ng pagkakaroon ng mataas na presyon habang buntis
Isa sa mga komplikasyon ng hypertension kapag buntis ay eclampsia o pagkakaroon ng seizure o coma kasama ang preeclampsia. Pwede ring manyari ang stroke (pagkaparalisa ng bahagi ng katawan). Maaari ring mangailangan ang ganitong kaso ng labor induction at nagkakaroon ng paghiwalay ng placenta sa wall ng matris.
Maaari din na maging sanhi ang mataas na presyon ng suliranin sa utak, puso, baga, kidney, atay at iba pang organ sa katawan. Makapagdudulot din ito ng pagkakaroon ng cardiovascular disease sa hinaharap. Sa mas malala pang sitwasyon, maaaring makapadulot ito ng panganib sa buhay ng isang ina.
Para sa mga baby, magiging sanhi ito ng maagang pagpapaanak (preterm delivery) sa kanila na nangyayari bago sumapit ang pang-37 linggo at mababa ang timbang pagkapanganak. Kapag ang nanay ay may high blood pressure nahihirapan ang baby na makakuha ng sapat na oxygen at nutrisyon para lumaki kaya kakailanganin na ipanganak niya ang baby nang wala sa tamang buwan.
Mga dapat gawin para mabawasan ang komplikasyon dulot ng mataas na presyon
Ang pag-iingat at pag-aalagang mabuti sa iyong sarili ang pinakamagandang paraan na gawin ng isang mommy. Narito ang mungkahi ng Mayo Clinic na dapat gawin:
- Ugaliin ang magpatingin sa doktor. Bisitahin ang iyong ob-gyn nang regular sa iyong pagbubuntis.
- Inumin ang gamot na inireseta ng doktor. Kung may inireseta na gamot ang iyong ob-gyn, inumin ito sa tamang oras at wastong dosage.
- Manatiling aktibo. Sundin ang ipinayo sa iyo ng doktor na mga inirekomenda niyang pisikal na gawain.
- Kumain nang masusutansiya. Kumain ng mga pagkain na makabubuti sa iyong kalusugan. Makabubuti ang komunsulta sa isang nutritionist kung kinakailangan.
- Alamin ang mga bawal. Iwasan ang paninigarilyo, pag-inom ng alak, at ipinagbabawal na gamot. Komunsulta muna sa iyong doktor bago uminom ng mga gamot na nabibili na over-the-counter sa mga drug store.
Ang maaayos na blood pressure ay makabubuti sa baby at sa mommy para manatiling malusog. Ang pinakamahalaga ay kausapin ang iyong doktor tungkol sa iyong suliranin sa blood pressure upang mabigyan ka ng tamang gamot at makontrol ang pagtaas nito. Mahalaga ang pagbibigay-lunas dito kahit bago, habang, at maging pagkatapos mong manganak.