Kapag sinabing maternity shoot, kadalasan ang maiisip natin ay mga litrato ng mga buntis na mala-diyosa ang posing at napapaligiran ng mga bulaklak. Tulad ng mga celebrity moms na sina Jessy Mendiola, at soon-to-be mom na si Iza Calzado na nag-ala Reyna Amihan sa kanyang maternity shoot.
Kaya naman nag-trending ang mga litratong kuha ni Robert Flores, 23, mula sa Imus, Cavite na nagpapakita ng kakaibang take niya sa maternity shoot. Nasa mga litrato ang kanyang ate na si Ryzah Flores noong buntis ito.
"Kinausap ako ng ate ko 2 months ago na kuhaan ko raw siya ng Maternity Shoot niya (nag send pa nga sample pics hehe). Pero sabi ko hindi ako magaling sa mga ganon. Hindi ko naman siya tinanggihan kasi sabi ko kukuhaan kita ng Maternity Shoot pero sa paraan kung saan ako komportable," saad ni Bert sa kanyang Facebook post na ngayon ay mayroon nang 38k reactions at 10k shares.
"Pero malaking bagay sa akin na maraming naabot ang litrato ng ate ko dahil isa yon sa mga hindi nakikita ng maraming tao. Ang mga pinagdadaanan na hirap ng mga buntis."
Paliwanag niya, "At kung mapapansin ninyo, kadalasan ay mag-isa lang palagi ate ko sa mga kuha ko dito. Kumakayod at nagtatrabaho kasi sa barko si Marlon (kanyang fiance), pero siguradong hindi naman nag kulang sa pag bigay ng suporta at pagmamahal sa ate ko."
Bukod sa mga litrato na black and white, ang huling linya ni Bert ang umantig sa puso ng marami, "Ate, dito ako pinakamagaling, ang mag-kwento gamit litrato. Sana magustuhan mo. Mahal kita habang-buhay."
Raw maternity shoot photos
Ikinuwento ni Bert sa Smart Parenting kung ano ang naging reaksyon ng kanyang ate nang makita ang mga litratong kuha niya sa loob ng siyam na buwan nitong pagbubuntis.
"Natuwa rin naman siya sobra dahil sa mga litrato na yon, hinding hindi niya na malilimutan ang mga pinagdaanan niya."
"Unang reaksyon niya ay ang reaksyon ng karamihan na nag share at comment. Hindi ko kasi pinapakita sakanya yung mga pictures na nakuha ko kasi gusto ko surprise. Nakita niya lang ang mga yon noong pinost ko sa Facebook Page ko yung pictures lagpas isang buwan matapos siya manganak. Nanganak siya noong January 24, 2023."
"Lumapit siya sakin habang nangingilid ang luha dahil naalala niya raw agad ang mga pinagdaanan niya noong siya’y nagbubuntis. Natuwa rin naman siya sobra dahil sa mga litrato na yon, hinding hindi niya na malilimutan ang mga pinagdaanan niya," aniya.
Sabi ni Bert, mula taong 2020, hilig na daw niyang kuhaan ang pamilya niya ng mga documentary shots, "Mga pagkakataon na gusto ko i-hinto, mga bagay na ayaw kong malimutan. Kaya noong nabuntis ang ate ko bandang April, may mga kaunting picture na rin ako tungkol sakanya. Kaya buong 9 months yung sukat ng pagpicture ko sa kanya."
Hindi daw niya akalain na magtetrending ang kanyang mga litrato, dahil sa halos anim na taon niya bilang photographer, ngayon lang daw maraming nakapansin sa mga kuha niya. "Pero malaking bagay sa akin na maraming naabot ang litrato ng ate ko dahil isa yon sa mga hindi nakikita ng maraming tao. Ang mga pinagdadaanan na hirap ng mga buntis," paliwanag niya.
Hiningi naman namin kay Bert ang mensahe niya sa kanyang pamangkin. "Bilang isang tito, gusto ko lang sabihin sa pamangkin ko na hangga’t may kakayahan ako na itigil ang mga pagkakataon at gawing litrato ang mga ito, gagawin ko ito. Dahil alam kong darating ang pagkakataon na makikita niya ito paglaki niya at magagalak ang kanyang damdamin."
READ ALSO: Heto Na Naman Siya! The 'Ulirang Tita' Attends Her Nephew's Graduation In Style
Para naman sa mga magulang na nag-iisip na ang mga maternity photos ay mahal at magastos, nais ipaabot ni Bert na hindi dapat maging hadlang ang pera para i-document ang importanteng pangyayaring ito sa buhay nila.
"Isa siguro sa dahilan kung bakit hindi ako magaling o hindi ako nasanay mag picture ng Maternity Shoots na may mga background na malinis at kagamitan na maganda dahil wala naman kaming ganon. Ayaw na rin naman namin gumastos ng ate ko patungkol sa mga ganon. Ang mensahe ko lang sa mga magulang o photographer na nais mag maternity shoot ay napakaraming paraan para makapagkwento gamit ang mga litrato."
READ ALSO: Rita Daniela Did Her Own Makeup, Solenn Didn't Have Pegs: Best Celebrity Maternity Shoots In 2022
"Kahit anong litrato naman ay makabuluhan, depende sa nilalaman nitong kwento. Naghuhugas ng pinggan, nanonood ng TV, o kahit nakahiga lang ay kuhaan niyo pa rin. Bawat pagkakataon ay isang ala-ala na tatanawin natin sa mga susunod na taon," sabi niya.
Para makita ang iba pang mga kuha ni Bert, tingnan ito sa kanyang Facebook page dito.
May mga litrato din ba kayo na nagpapakita ng hirap at saya ng pagiging magulang? Ipadala ito sa smartparentingsubmissions@gmail.com para ma-feature sa aming website.