-
Ang Mararamdaman Mong Sintomas Kung 2 Buwan Ka Na Buntis
by Jocelyn Valle .
- Shares
- Comments

Pagtungtong mo sa 8 weeks na pagbubuntis, halos dalawang buwan na ang iyong dinadala sa sinapupunan na mula sa embryo ay nagiging fetus na. Ngunit wala ka pang mapapansin na umbok sa tiyan at hindi pa masyadong pansin ang pagbubuntis, lalo na kung una mo ito at kinakailangan pang magpatingin para makasigurado.
Samantala, ang iyong matris ay kasing laki na ng lemon o tennis ball. Patuloy itong lumalaki para mapangalagaan ang lumalaki na ring fetus. Lampas half inch na ang fetus at lumalaki ito ng 1 millimeter bawat araw.
Paliwanag ng UK National Health Service (NHS), nasa loob ang fetus ng amniotic sac habang patuloy na nabubuo ang placenta kasabay ng pagtubo ng structures na tutulong sa pagdikit nito sa haligi ng matris.
Sintomas ng pagbubuntis at 2 months
Makakaramdam ka ng mga sintomas ng pagbubuntis at two months, pero tandaan na hindi pare-pareho ang kaso ng mga kababaihang dumadaan dito.
Sa 8 weeks pregnancy, maaaring sumisikip ang kadalasang sinusuot mong bra dahil lumalaki na ang lobules sa suso na siyang responsable sa paggawa ng breast milk. Marahil mayroon ding kaunting pamamaga at pananakit sa suso.
Mapapansin mong bumibigat ang iyong puson at dumadalas ang pagpunta mo sa banyo. Nagdudulot na kasi ng pressure sa pantog ang lumalaki mong matris kaya madali kang maihi.
Matalas na pang-amoy
Dahil tumataas ang agos ng dugo (blood flow) sa iyong katawan nang hanggang 50 percent kapag buntis, ayon sa Mother & Baby, mas bumibilis ang pagdala ng impormasyon sa iyong utak. Kaya nagiging sensitibo ang pang-amoy at iba pang senses.
ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOWKadalasan tuloy, ang lakas ng dating sa iyo ng amoy, halimbawa, ng sigarilyo o kaya e-cigarette. Ganito ang kaso ni Coleen Garcia noong buntis pa siya kay Baby Amari, ang panganay nila ng mister na si Billy Crawford. (Basahin dito ang kuwento.)
Pagkahilo at pagduduwal
Karugtong ng matalas na pang-amoy ang pagkakaroon ng nausea o ang pakiramdam ng sinisikmura at nahihilo hanggang dumuwal. Kahit na kilala din ito sa tawag na morning sickness, puwedeng mangyari ito sa iyo maski sa hapon, gabi, o ano mang oras.
Sa puntong ito ng pagbubuntis ang kasagsagan ng nausea, pero may mga buntis na nakararanas nito ng ilang buwan at ang iba pa nga ay kung kailan malapit na silang manganak. Mainam na dalasan ang pag-inom ng tubig para maiwasan ang dehydration. Paunti-unti na lang muna ang pagkain at huwag magpakabusog kung madalas at malala ang atake ng nausea.
Hirap sa pagdumi
Isang dahilan kaya hindi makadumi o constipated ang buntis, sabi ng Baby Center, ay tumataas ang progesterone sa katawan. Napakakalma kasi ng hormone na ito ang lahat ng muscles, kabilang na iyong nasa digestive tract na siyang nagpapabagal ng pagdaloy ng pagkain sa bituka.
Para maiwasan o maibsan ang constipation, uminom ng maraming tubig, kumain ng mga pagkain na mayaman sa fiber, at mag-exercise.
Madaling mapagod
Kumikilos ang sistema ng buntis hindi na lang para sa isang tao bagkus sa isa pang nabubuo sa sinapupunan, kaya doble ang pagtrabaho nito, gaya ng paggawa ng dugo. Ang nangyayari tuloy ay bumababa ang blood pressure at blood sugar kumpara sa dati, kaya ramdam kaagad ang pagod at antok.
CONTINUE READING BELOWwatch nowKakaibang panaginip
Kung hindi ka naman karaniwang nananaginip ng kakaiba, nakakatakot, o weird bago ka nabuntis at bigla itong nangyayari sa iyo sa panahong ito, maaaring nakararanas ka ng tinatawag na pregnancy dreams. May paniniwala kasi na tumatawid sa panaginip ang pag-aalala at pangamba ng buntis.
Sa kabilang banda, mabilis na ang development ni baby bilang fetus. Nagsisimula nang mabuo ang kanyang taste buds at makumpleto ang kanyang eyelids. Nagkakaporma at humahaba na rin ang kanyang mga biyas, pati na mga darili sa kamay at paa.
Huwag kang magtaka kung lumabas sa ultrasound scan na parang kumakaway si baby. Pero hindi pa tiyak ang gender niya.
Payo ng Raising Children na kumuha ng ultrasound scan lalo na kung may nararamdaman ka ng sintomas ng pagbubuntis at hindi ka sigurado kung kailan ka nabuntis. Makakatulong ang ultrasound scan sa pagtukoy ng edad ni baby at due date mo, at mababantayan ang heartbeat niya.

- Shares
- Comments