Ang kwentong ito ay hango sa isang tunay na #SPConfessions na ipinadala sa amin sa Smart Parenting Village. Ang ilang mga detalye ay bahagya naming binago upang bigyang proteksyon ang nagpadala nito.
Sa dami at iba-ibang mga problemang kinakaharap ng mga magulang, minsan, magkaroon lamang ng pagkakataong maihinga ito sa iba ay malaking bagay na. May mga problemang hindi naman kailangan ng agarang kasagutan, pero nakatutulong na alam mong may handang makinig at magbigay ng advice ukol dito.
Kagaya na lamang ng isang anonymous mom na naglabas ng kanyang hinaing sa Smart Parenting Village Facebook group kamakailan. Nais at handa na raw sila ng kanyang mister sundan ang kanilang nag-iisang anak, ngunit kung kailan naman daw nila inaabangan na makabuo, eh saktong dumadating ang kanyang dalaw.
'Gusto na namin sundan si panganay, kaso hindi kami makabuo ni Mister'
"Nakaka-frustrate pala po. Kapag gusto niyo nang sundan 'yung only child niyong 6 years old na. Pero, lagi naman dumadating 'yung dalaw ko, sakto pa talaga sa date.
"Tapos yung panganay kong anak, ang dami nang sina-suggest na pangalan para sa magiging kapatid niya. Hay.
Samantalang 'yung ibang tao, ang dami-daming anak na kung minsan, napapabayaan lang. Meron ding iba na binigyan nga ng anak, kaso inaabandona naman. Kaya lalo akong na-fu-frustrate. Pa-rant lang po."
Advice ng ibang magulang kay anonymous trying-to-conceive mom
Gumamit ng period tracker apps
Payo ni Mommy Alou mula sa South Cotabato, gumamit ng mobile application o apps na kung saan mata-track ni anonymous mom ang kanyang ovulation period. Pahayag naman ni anonymous mom, nasubukan na niya ito ngunit hindi pa rin sila makabuo kahit na sila ay nagtalik sa araw ng ovulation niya.
Nirekomenda naman ng mom of two na si Shannalene ang Flo app. Very accurate daw ito sa pag-track ng fertile period, ayon sa kanya.
Abutin ang tamang timbang
Payo naman ng mom of three na si Mommy Lady, baka kailangang mag-bawas ng timbang ni anonymous mom. Kuwento niya, nasa "No offense mommy, pero are you on the bigger side? Kasi po ako chubby din ako pero laging nabubuo ang anak pag pumapayat ako." Aniya, matapos niyang mag-diet at magpapayat kaya sila nakabuo ng ikalawa at ikatlong anak.
Ayon kay Dr. Priyanka Kalra, isang obstetrician-gynecologist (OB-GYN), malaking factor ang pagkakaroon ng tamang timbang sa pagbubuntis. Base sa research, halos 25 percent ng infertility cases na related sa ovulation ay obesity ang dahilan. "Women who are obese or overweight are likely to suffer hormonal imbalances, which can lead to irregular menstrual cycles and hamper ovulation," paliwanag niya sa article ng parenting website na First Cry. Dapat daw matukoy ng babae ang body mass index (BMI) para maabot nito ang ideal weight bago sumubok mabuntis.
Ani naman ni anonymous mom, overweight nga daw siya para sa kanyang height. Nagbabalak daw siyang mag-Zumba para ma-achieve ang tamang bigat.
Patingnan din si mister
Naka-relate naman si Mommy Dindin, na dalawang taon daw sumubok bago nasundan ang panganay na anak nila ngunit nabigo pa rin. "Then we decided na parehas kami ni hubby magpatingin, not just me. Now I am 12 weeks [pregnant]. Marami na po kasing changes sa body natin as we age. Usually kasi puro mother lang yung tinitignan na cause ng secondary infertility pero pwede rin na nasa husband meron din need i-diagnose," payo niya.
Magdasal at umiwas sa stress
Marami naman ang nagpayo kay anonymous mom na huwag masyadong magpaka-stress at idaan sa pagdarasal ang pagkakaroon ng isa pang anak. "Wag ka magpaka-stress sa fact na gustong-gusto niyo nang sundan. Basta patuloy mo lang din alagaan ang sarili mo. Eat healthy, sleep well, [uminom] ng water ng tama," payo naman ni Mommy Libra.
Nakatulong naman kay Mommy Conci ang pagkakaroon ng Just Us No Kids trip kasama ang kanyang mister. "Kung kaya po, kahit three days lang, para focus sa inyong dalawa lang," sabi niya.
'Wag ikumpara ang sarili sa iba
Ayon naman kay Mommy Donay, mas mainam na magpatingin sa doktor kaysa ikumpara ang sarili sa iba. "Approach it not by comparing, but by doing what you can actually control. Seek OB-GYN and/or endocrinologist, baka need niyo ng help or work up."
Payo ng isa pang mommy, maaaring magpaalaga si anonymous mom sa OB-GYN at baka may kailangang gawing intervention para mas tumaas ang tiyansa na makabuo sila.
Mga paraang pwedeng makatulong kung gustong mabuntis
Ayon sa 2024 article ng Parents, payo ng mga eksperto na bukod sa pagtaon ng pagtatalik sa fertile window, importanteng itigil ang mga habits na maaaring nagpapababa sa tsansa na makabuo. Ito ay ang mga sumusunod:
- Paninigarilyo
- Pag-inom ng alak
- Pag-inom o pagkain na mayroong caffeine
- Hindi malusog na pagkain
- Paggamit ng lubricant sa sex
- Vaginal douching
- Hindi malusog na environment para sa sperm, gaya ng hot tubs at paglalagay ng laptop sa may kandungan
Tandaan na kahit sundin ang mga payong ito, walang tiyak na paraan para mabilis na makabuo ang mag-asawa. Ito ay depende sa maraming factors, gaya ng edad, medical history, at pamumuhay. Kung nakakaramdam na ng frustration dahil hindi agad mabuntis, pinaka-mainam na kumonsulta sa healthcare professional upang mabigyan ng tamang advice at karampatang treatment.
Higit sa lahat, hindi kayo nag-iisa. Narito lamang ang Smart Parenting at ang Smart Parenting Village para sumuporta sa mga sumusubok na magkaanak.
Mayroon ka bang sarili mong #SPConfessions na nais ibahagi sa amin? Ipadala lang kay Sara Palma sa Smart Parenting Village o hindi kaya ay i-email sa amin sa smartparentingsubmissions@gmail.com.