embed embed2
Ilang Araw Dinudugo Ang Bagong Panganak, At Iba Pang Dapat Malaman Sa Postpartum Bleeding
PHOTO BY Freepik/rawpixel.com
  • Editor's Note: Ang sumusunod ay for educational at informational purposes lamang. Huwag pong gamitin ito na kapalit ng doktor. Mahalaga na kumunsulta sa doktor para sa medical advice na bagay sa pangangailangan mo.

    Sa panahon ng iyong pagbubuntis, hindi mo dapat maranasan ang pagkakaroon ng vaginal bleeding dahil mapanganib o nakaalarma ito, lalo na kapag hindi mo pa kabuwanan. Ngunit pagkapanganak tiyak na muli kang makararanas ng pagdurugo, at mapapatanong kung ilang araw dinudugo ang bagong panganak.

    Sa simula, bahagya itong malakas kaysa sa pangkaraniwang regla kaya ibang klase ng sanitary napkin ang ginagamit. Ito iyong tinatawag na maternity pad na mas mahaba at mas makapal.

    Kailangang mailabas ang dugo na ito pagkapanganak dahil sinasabi nilang marumi ito. Tinatawag na lochia ang dugo na lumalabas sa isang bagong panganak, ayon sa Cleveland Clinic. Kahit na vaginal o di kaya Cesarean section delivery, makararanas ng ganitong pagdurugo. Tinatawag din itong postpartum bleeding o period.

    Nagtataglay ang pagdudugong ito  ng mucus at tissue galing sa uterus habang nanunumbalik naman ito sa dati nitong laki bago ang pagbubuntis. Ang dugo na ito ay galing sa pagkatanggal ng placenta sa uterus.

    Dahilan ng pagdurugo ng bagong panganak

    Kapag buntis ka, may blood vessel na nag-uugnay sa iyong placenta at uterus. Kapag nanganak ka at naalis ang placenta sa wall ng uterus, magbubukas ang blood vessel na magdudulot ng pagdurugo.

    Magkakaroon naman ng contraction ang iyong uterus para mapahinto ang pagdurugo na ito. Sa loob ng 7 hanggang 10 araw magpapatuloy ang pag-contract ng uterus hanggang makabalik ito sa dati. Magsisimula itong maghilom at mababawasan din ang pagdurugo.

    Dapat malaman sa pagdurugo pagkapanganak

    Bawat bagong panganak ay dinudugo pagkapanganak.

    Gaya ng nabanggit sa itaas, mararanasan ang vaginal bleeding pagkapanganak. Ang lochia ay kombinasyon ng mucus, tissue, at dugo mula sa sinapupunan habang naghihilom ito at nagbabalik sa dati.

    Ang pagdurugo pagkapanganak ay panandalian lamang.

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

    Tumatagal lamang ito ng apat hanggang anim na linggo pagkapanganak at maaaring umabot lamang hanggang 12 linggo. Magsisimula ito malakas at matingkad na kulay hanggang maging papahina at mapusyaw ang kulay. Sa mga unang linggo, kailangang magpalit ng maternity pad kada oras. Pero sa mga susunod, kakailanganin na lamang ang pagpapalit sa bawat tatlong oras.

    Narito ang ilan sa mga inaasahang pagbabago sa pagdurugo:

    Unang (1st) araw:

    Mapula ito at malakas ang mararanasang pagdurugo. Mapapansin din na may kasamang ilang maliliit na buo-buong dugo. Mararamdaman mo  rin ang biglaang pagdaloy ng dugo lalo na kapag ikaw ay tumatayo.

    Ikalawa (2nd) hanggang ikaanim (6th) na araw:

    Matingkad na kulay brown o kaya naman mapusyaw na kulay pula. Medyo mahina na rin ang paglabas ng dugo nito pero makikita pa rin na may kasamang maliliit na buong dugo.

    Ikapito (7th)  hanggang ikasampung (10th) araw:

    Matingkad na kulay brown o kaya naman mapusyaw na pula pero mas malabnaw. Mas mahina na rin ang paglabas ng dugo.

    CONTINUE READING BELOW
    watch now

    Ikalabing-isa (11th) hanggang ikalabing-apat (14th) na araw:

    Matingkad na kulay brown o kaya naman mapusyaw na pula pero mas malabnaw. Mahinang-mahina na ang paglabas ng dugo o papatak-patak na lamang.

    Samantala, sa mga susunod na linggo gaya ng ikatlo at ikaapat na linggo hanggang umabot ng ikalima o ikaanim na linggo, mas malabnaw na ito o nagiging dilaw at mala-gatas ang kulay. 

    Bantayang mabuti ang mararanasang pagdurugo pagkapanganak.

    Maaaring makaranasan ng postpasrtum hemorrhage sa loob ng 24 oras na pagkapanganak hanggang ika-12 linggo. Hindi normal ang ganitong pagdurugo dahil sa mas malakas ito at hindi humihina. Maaaring may kaugnayan ito sa impekesyon o kaya minsan may maiiwan na bahagi ng placenta na nakakabit pa sa blood vessel na nasa uterus.

    Ilan sa mga sintomas nito ang:

    • Pakiramdam na giniginaw
    • Pagkakaroon ng lagnat
    • Pagkakaroon ng vaginal discharge na may hindi kanais-nais na amoy
    • Matinding pagdurugo o marami ang lumalabas na dugo
    • Humihinto na pero biglang nagsisimula na namang lumakas
    • Nakararanas ng pagkahilo at pagduduwal
    • Malalaki ang buo-buong dugo na lumalabas
    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

    Kung mararanasan mo ang alinman sa nabanggit na sintomas, agad na ipaalam sa iyong doktor para malapatan ng agarang lunas ang anumang kaakibat na kondisyon nito.

    Magpahinga sa unang 6 na linggo pagkatapos manganak.

    Hinay-hinay sa pagkilos. Karaniwang ipinapaalala ng mga doktor na ang baby mo lamang muna ang dapat mong buhatin. Maaaring magdulot kasi ng malakas na pagdurugo ang labis na pagkilos-kilos pagkapanganak.

    Kapag gumagawa ka rin ng mga nakapapagod na bagay, napapalakas nito ang pagdurugo. Hindi rin ito makabubuti dahil maaaring bumukas ang iyong tahi o may iba pang malubhang kondisyon. Mahalagang ang pahinga habang ang loob ng iyong katawan din ay nagpapagaling at naghihilom ang sugat.

    Mababawasan ang pagdurugo kung eksklusibong nagpapasuso.

    Nagdudulot ang pagpapasuso ng intrauterine contraction na nakatutulong na maibalik ang uterus sa normal nitong sukat bago ang pagbubuntis. Mabuti ito dahil habang nagko-contract ang uterus, nagagawa nitong isara ang pinagmumulan ng dugo sa lugar na pinag-alisan ng inunan o placenta.

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

    Ang pagdurugong nararanasan pagkapanganak o ang lochia ay normal na bahagi ng pagpapagaling mula sa panganganak. Kadalasan itong humihinto pagkaaran ng ilang linggo na walang ibang naidudulot na problemang pangkalusugan. Tiyakin lamang na magkaroon ng sapat na pahinga pagkapanganak para sa mabilis ding paghilom ng sugat.

    Bigyan ng panahon ang katawan na mapanumbalik ang lakas nito para matiyak ang matagumpay na paggaling at walang maging anumang komplikasyon pagkapanganak.

    ---

    Mga pinagkunan ng impormasyon:

    Is It Normal to Bleed for More Than a Month After Giving Birth

    https://www.smartparenting.com.ph/pregnancy/labor-and-childbirth/lochia-postpartum-bleeding-a00041-20181126

    Lochia

    https://my.clevelandclinic.org/health/symptoms/22485-lochia

    ---

    What other parents are reading

View More Stories About
Trending in Summit Network
View more articles
Close