Hindi lamang ang C-section delivery ang nakararanas ng hiwa (cut) o sugat sa panganganak. Kahit sa normal delivery ay meron din. Ang normal delivery cut ay tinatawag na episiotomy. Ang hiwa rito ay ginagawa sa perineum. Matatagpuan ang perineum sa pagitan ng bukana ng vagina at anus.
Ayon sa Johns Hopkins Medicine, isinasagawa ang episiotomy procedure para mas lumaki ang magiging labasan ng baby at mas mabilis itong maipanganak. Minsan may pagkakataon din na napupunit nang kusa ang bahagi ng perineum kapag lumabas na ang baby, pero mahirap itong ayusin. Pinaniniwalaan ng mga eksperto na ang sugat ay mas madaling gumaling kaysa sa natural na punit.
Kaya naman ang normal delivery cut o episiotomy ay nakatutulong para maiwasan ang matinding punit at saka mapabilis din ang paglabas ni baby, lalo na kung kinakailangang maipanganak na ito. Gayundin, nagagawa rin nitong mai-preserba ang muscle at tissue na sumusuporta sa pelvic floor.
Dalawang uri ng normal delivery cut
Kadalasang hindi nararamdaman ng nanganagak ang pagsasagawa ng episiotomy hanggang sa pagtatahi ng hiwa. Dahil ito sa anesthesia.
May dalawang uri ng hiwa:
Midline incision
Ginagawa ito nang patayo na mas madali ring tahiin pero mas may tendensiya na umabot sa anal area.
Mediolateral incision
Ginagawa naman ito nang may anggulo o pahilis para mabasawan na umabot sa anal area, kaya lang mas masakit ang ganitong hiwa at mas mahirap tahiin.
Mga sitwasyong kailangang gawin ang episiotomy
Inirerekomenda ang pagsasagawa ng normal delivery cut kapag ang baby ay may fetal distress na nagbabago-bago ang heart rate nito. Ibig sabihin, hindi nagiging sapat ang oxygen ng baby. Makatutulong ito para mailabas agad ang baby at mapigilan ang anumang panganib pa.
1. Masyadong malaki ang baby.
2. Kulang sa buwan ang baby na ipapanganak o preterm baby.
3. Matagal na pag-ire sa panahon ng pagle-labor at nauubusan na rin ng lakas.
4. Komplikadong pagbubuntis dahil sa position ni baby gaya ng pagiging suhi (breech) at shoulder dystocia.
5. Kailangan gumamit ng forceps o ventouse suction para mas lumawak ang vagina.
6. May problema sa kalusugan ang buntis gaya ng sakit sa puso.
Pagpapagaling mula sa episiotomy
Agad namang tinatahi ang hiwa pagkatapos na mailabas ang baby. Maaaring maging madugo ang hiwa, pero titigil din ito sa paglalagay ng pressure at pagtahi nito. Ang mga sinulid na ginagamit naman ngayon ay iyong kusang natutunaw na lamang kaya hindi na inaalis ang tahi. Kailangan lang bumalik sa iyong doktor para matingnan kung maayos ang iyong hiwa at walang impeksyon ang sugat.
Gumagaling naman ang sugat pagkaraan ng isang buwan pagkapanganak. Alalay lamang din sa pagkilos dahil baka bumuka ang iyong tahi. Kausapin ang iyong ob-gyn sa kung anong mga gawain lamang ang iyong dapat gawin. Dahil may sugat ka, normal na makararanas ka ng kirot o pananakit.
Nagrereseta naman ang mga doktor ng gamot para maibsan ang kirot na mararamdaman na safe ring inumin kung ikaw ay magpapasuso ng iyong baby. Mayroon ding ipinapahid na mga cream o spray para sa kirot. Pero mahalagang ikonsulta ang anumang gagawin sa iyong ob-gyn na hindi makapagpapala ng kondisyon ng iyong sugat.
Narito ang ilan pang maaari mong gawin para maibsan ang kirot sa sugat:
1. Makatutulong ang paglalagay ng cold compress para mabawasan ang pamamaga at kirot.
2. Subukin din ang sitz bath dahil nakababawas din ito ng pamamaga at napabibilis ang paggaling.
3. Panatilihing malinis at tuyo ang iyong sugat para maiwasan ang anumang impeksyon.
4. Iwasan ang paggamit ng mga tampons.
5. Iwasan din muna ang pakikipagtalik sa iyong asawa hanggang sa payagan ka na ng iyong doktor.
6. Pagbuhos ng maligamgam na tubig sa iyong vagina sa iyong pag-ihi para mas maibsan ang sakit.
Sakali na maranasan mo naman ang matinding pagdurugo sa bahagi ng may episiotomy, may kakaibang amoy sa iyong vaginal discharge, nagkaroon ka ng lagnat o pakiramdam na giniginaw, at saka matinding sakit, agad na ipaalam ito sa iyong ob-gyn para mabigyan ka ng tamang payo sa dapat mong gawin.
Epekto ng episiotomy
Bukod sa mararanasang kirot at paghihilom ng sugat, tiyak na mahihirapan ka sa pag-ihi lalo na sa pagdumi. Iwasan ang pag-ire dahil baka bumuka ang iyong tahi. Ipinapayo ng mga doktot na makabubuting kumain ng mga pagkaing mayaman sa fiber para mas madali ang pagdumi. Minsan nagrereseta rin silang gamot na makatutulong para mapalambot ang dumi at maiwasan ang constipation.
Dahil sa may sugat ka, hindi maiiwasan na magdulot ito ng peklat. Maaaring umubok din ang peklat o makaranas ng pangangati ng peklat lalo na kapag papagaling ang sugat.
Ilan din sa mga posibleng komplikasyon din ng episiotomy ay:
- Pagdurugo
- Pag-ipon ng dugo sa perineal tissue
- Pamamaga ng sugat
- Pagkakaroon ng impeksyon
- Masakit kapag nakikipagtalik sa asawa
Sa kabilang banda, maaaring hindi kailangang gawin ang normal delivery cut o episiotomy. Kusa naman kasing nai-stretch ang perineum at maaaring hindi ito mapunit. Kailangan lang nabibigyan ang balat at muscle ng dahan-dahan at banayad na pagbatak. Nakatutulong ang pagmamasahe ng perineum kapag malapit nang manganak. Pero sa mga first-time mom, hindi talaga maiiwasan na mapunit ito.
---
Mga pinagkunan ng impormasyon:
Episiotomy
https://www.hopkinsmedicine.org/health/treatment-tests-and-therapies/episiotomy
Episiotomy and perineal tears
https://www.nhs.uk/pregnancy/labour-and-birth/what-happens/episiotomy-and-perineal-tears/
---
Basahin dito ang normal delivery kahit may almoranas.