;
embed embed2
Hyperthyroidism - Sanhi at Sintomas
ILLUSTRATOR Stephanie Ocampo
  • Editor's Note: Ang sumusunod ay for educational at informational purposes lamang. Huwag pong gamitin ito na kapalit ng doktor. Mahalaga na kumunsulta sa doktor para sa medical advice na bagay sa pangangailangan mo.

    Ang thyroid ay isang organ sa katawan na hugis butterfly o paruparo na matatagpuan sa harap na bahagi ng leeg. Nagpo-produce ang thyroid ng thyroid hormones, na siya namang nagko-control sa metabolism o kung paano ginagamit ng katawan ang energy nito. Ibig sabihin, kapag nagkaroon ng problema sa thyroid at thyroid hormones, pwedeng maapektuhan ang halos lahat ng bahagi ng katawan.

    Maraming uri ng thyroid hormones. Kapag sumobra ang pino-produce na thyroxine o T4 na pino-produce ng thyroid, tinatawag itong hyperthyroidism o overactive thyroid.

    Pwedeng magdulot ang kondisyong ito ng mabilis na metabolism, na posibleng mauwi sa sobrang weight loss. Isa pang hindi magandang epekto ng hyperthyroidism ang mabilis o kaya ay irregular na pagtibok ng puso. Minsan ay nauuwi din ito sa anxiety at increased appetite.

    Kung hindi maagapan, pwedeng magdulot ang hyperthyroidism ng iba pang sakit, lalo na ang mga may kinalaman sa puso , buto, at mga muscle. Pwede ring makaapekto sa fertility at menstrual cycle ng mga kababaihan ang hyperthyrodism. Sa mga babaeng buntis, pwedeng maapektuhan ng hyperthyroidism pati ang kalusugan ng baby.

    Ang magandang balita naman ay isang manageable na sakit ang hyperthyroidism. Maraming approach para rito, mula sa mga gamot at hormone therapy, hanggang sa partial o complete removal ng thyroid gland. Pwede ring makatulong ang low iodine diet. Dapat lang ay ma-diagnose agad ang sakit para mabigyan kaagad ng nababagay na treatment.

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

    Iba't-ibang characteristics at sintomas ng hyperthyroidism

    Medyo mahirap ma-diagnose ang hyperthyrodism dahil marami itong sintomas na katulad ng sa ibang sakit. May mga pagkakataon din na inaakala ng pasyente na dulot lang ng pagod at stress ang mga sintomas ng hyperthyroidism. Dahil dito, hindi na siya nagpapakonsulta at hindi na rin nada-diagnose nang maayos ang sakit. 

    Ganun din, madalas na matagal bago lumabas ang mga sintomas ng hyperthyroidism (pero meron din namang mga kaso na biglaan at sabay-sabay ang pagma-manifest ng mga sintomas). Kasama sa mga sintomas na ito ang mga sumusunod:

    1. irregular heartbeat o arrhythmia
    2. mabilis pagtibok ng puso o tachycardia (100 beats per minute o higit pa)
    3. sobrang lakas na pagtibok ng puso o palpitations
    4. increased appetite
    5. weight loss, kahit hindi nagbabago ang dami at uri ng pagkain na kinakain
    6. pagbabago ng menstrual cycle
    7. pagbabago ng bowel patterns
    8. mas madalas na pagdumi
    9. pagpapawis at sensitivity sa init
    10. pagnipis ng hibla ng buhok
    11. pagnipis ng balat
    12. panginginig ng mga kamay at daliri
    13. panghihina ng mga muscle
    14. hirap sa pagtulog o insomnia
    15. pagiging iritable o nerbyoso
    16. pagkakaroon ng rashes katulad ng urticaria
    17. pamumula at panunuyo ng mata

    Isa ring common symptom ng hyperthyroidism ang goiter, o iyong enlargement ng thyroid gland. Minsan ay wala itong physical manifestation, pero sa ibang tao ay pwedeng makita ang pamamaga ng ibabang bahagi ng leeg.

    Meron ding tinatawag na Grave’s disease o Basedow’s disease, na isang klase ng sakit sa immune system. Madalas itong mauwi sa hyperthyroidism at nagdudulot din ng mga vision problems. Maraming may Graves’ disease ang nakakaranas din ng pagluwa (bulging) ng mga mata.

    Dapat ding tandaan na sa mga pasyenteng may edad na, mas madalas na hindi nagma-manifest ang mga sintomas o kaya naman ay ‘yung mga mild na sintomas lang ang lumalabas.

    CONTINUE READING BELOW
    Recommended Videos

    Mga pwedeng gamot sa hyperthyroidism

    Anti-thyroid drugs

    Ang option na ito ang isa sa pinakasimpleng paraan para magamot ang hyperthyroidism. Pinipigilan ng mga gamot na ito ang thyroid sa pagpo-produce ng sobrang thyroid hormone.

    Pwedeng umabot ng isang taon o higit pa ang pag-inom ng anti-thyroid drugs katulad ng methimazole at propylthiouracil, pero makikita naman ang improvement sa mga sintomas pagkalipas lang ng ilang linggo.

    Tandaan lang na may major side-effect ang anti-thyroid drugs, at ito ay ang pagbaba ng production ng white blood cells. Dahil dito, pwedeng tumaas ang risk ng pasyente na magkaroon ng iba-ibang klase ng infection.

    Beta blockers

    Madalas gamitin ang beta blockers para sa hypertension  pero ibinibigay din ang mga ganitong klase ng gamot sa mga merong hyperthyroidism para ma-control ang mga sintomas katulad ng palpitations at tachycardia. 

    Radioactive iodine

    Ibinibigay ang radioactive iodine na nasa capsule o liquid form sa mga pasyenteng may hyperthyroidism. Kapag nalunok na ito, ia-absorb ng mga overactive thyroid cell ang radioactive iodine na magiging dahilan ng pagkamatay ng mga nasabing cell. Kaya lang, sa ganitong klaseng treatment, lumiliit o tuluyang nasisira ang thyroid ng pasyente at kailangan na ng artificial thyroid hormones para masigurado ang tamang levels ng hormones sa katawan.

    Thyroidectomy

    Mataas naman ang effectivity rate ng mga naunang nabanggit na treatment para sa hyperthyroidism, kung kaya hindi gaanong inirerekomenda ang thyroidectomy. Ganun pa man, merong mga sitwasyon na mas nababagay ang operasyong ito, halimbawa na lang kung sobrang laki na ng goiter o kaya naman ay buntis ang pasyente at hindi pwedeng uminom ng anti-thyroid drugs.

    Sa thyroidectomy, tinatanggal ang malaking bahagi ng thyroid gland. Pagkatapos ng operasyon, kailangan na rin uminom ng thyroid hormones para mabalanse ang dami nito sa katawan. Kung nadamay sa operasyon ang parathyroid glands, kailangan rin uminom ng gamot para ma-maintain ang tamang dami ng calcium sa dugo.

    Para naman sa mga may Graves’ disease, pwedeng makatulong ang mga lubricating gel o artificial tears para mabawasan ang panunuyo ng mata. Kung matindi na ang pamamaga sa paligid ng mga mata, magrereseta ang doktor ng gamot katulad ng corticosteroids.

    Sa mga malalang kaso ng Graves’ disease na nakakaapekto sa mata (Graves’ ophthalmopathy), may dalawang klase ng sugery na pwedeng makatulong mapanumbalik: ang orbital decompression surgery at eye muscle surgery.

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

    Mga sanhi at risk factor ng hyperthyroidism

    Maraming sanhi ang hyperthyroidism dahil maraming dahilan kung bakit tumataas ang level ng thyroid hormones sa katawan. Kasama na rito ang mga sumusunod:

    Thyroiditis

    Ang thyroiditis ay isang sakit kung saan namamaga ang thyroid at nagdudulot ng pagtakas o pag-leak ng thyroid hormones mula sa thyroid gland. Pagkatapos ng 2 hanggang 3 buwan, nawawala ang hyperthyroidism at nagiging underactive ang thyroid. Nagdudulot naman ito ng hypothyroidism.

    May tatlong common types ang thyroiditis. Ito ay ang subacute thyroiditis, kung saan namamaga ang thyroid dahil sa infection; postpartum thyroiditis na pwedeng ma-develop sa isang babae pagkatapos niyang manganak; at silent thyroiditis, kung saan nagiging enlarged ang thyroid pero walang nararamdamang pananakit o iba pang sintomas.

    Pagkakaroon ng overactive thyroid nodules

    Kapag nagkaroon ng mga bukol o nodule ang thyroid, pwede itong mag-trigger ng overproduction ng thyroid hormone. Sa kabutihang palad, madalas namang non-cancerous ang mga nodule na ito. Kapag natanggal na ang mga nodule, pwede na ring humupa ang hyperthyrodism.

    Graves’ Disease

    Ang Graves’ disease ang pinaka-common na sanhi ng hyperthyroidism. Isa itong kondisyon kung saan inaatake ng immune system ang thyroid kaya nagpo-produce ito ng sobrang thyroid hormone.

    Sobrang iodine

    Kailangan ng thyroid ng iodine para makapag-produce ng thyroid hormone. Kapag sumobra ang iodine sa katawan, posibleng sumobra rin ang hormone production ng thyroid.

    Isang dahilan ng pagtaas ng iodine levels ang sobrang pagkain ng iodine-rich foods katulad ng seaweed. Meron ding mga food supplement at gamot na mataas ang iodine content, gaya na lang ng ilang cough syrups, seaweed-based healths supplements, at iba pa. 

    Kung umiinom ka ng thyroid hormone medication, huwag kalimutang magpakonsulta muna sa doktor bago uminom ng ibang gamot. Pwede rin kasing maapektuhan ang hormone levels kapag pinagsabay ang ilang uri ng mga gamot, lalo na ang mga prescription medications.

    Samantala, tumataas naman ang risk ng pagkakaroon ng hyperthyroidism kung ikaw ay babae, may family history ng Graves’ disease, at merong chronic disease katulad ng type 1 diabetes, Addison’s disease, at anemia. Malaking contributor din sa pagkakaroon ng hyperthyroidism ang katandaan (edad 60 pataas) at pagbubuntis.

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

    Paano iwasan ang hyperthyroidism

    Sa maraming kaso, hindi na talaga maiiwasan ang pagkakaroon ng hyperthyroidism. Sa katunayan, pwede pa itong mamana (dahil sa Graves’ disease). Kapag nabuntis naman ang isang babae o katatapos lang niyang manganak, sadyang tumataas ang production ng thyroid hormone dahil sa human chorionic gonadotropin (hCG) at estrogen.

    Ang magandang gawin ay ang mag-schedule ng regular check-up sa doktor para malaman kaagad kung merong mga abnormalities at mabigyan ng corresponding treatment para rito.

    Para sa mga babaeng walang balak magbuntis at sumasailalim sa hyperthyroidism treatments, highly recommended ang contraceptives para hindi mabuntis at maapektuhan ang fetus.

    Mga komplikasyon ng hyperthyroidism

    Dahil naapektuhan ng thyroid hormone ang buong katawan, maraming pwedeng maging komplikasyon ang hyperthyroidism. Nangunguna rito ang paghina at pagrupok ng mga buto o osteoporosis. Ito ay dahil naapektuhan ng sobrang taas na levels ng thyroid hormone ang tamang absorption ng calcium ng mga buto.

    Marami ring heart problems ang pwedeng maidulot ng hyperthyroidism, kasama na ang mga unang nabanggit na arrhythmia at tachycardia. Meron ding kondisyong tinatawag na atrial fibrillation, na isang uri ng heart rhythm disorder. Kapag hindi ito naagapan, tumataas ang risk ng stroke at congestive heart failure.

    Sa mga meron namang Graves’ disease, kung hindi magagamot ang Graves’ ophthalmopathy ay pwedeng mauwi ito sa double vision, panlalabo ng paningin, o tuluyang pagkabulag. Posible ring magkaroon ng Graves’ dermopathy ang pasyente, kung saan namumula at namamaga ang balat.

    Sa mga babaeng buntis naman, tumataas ang risk ng preeclampsia, premature labor, at miscarriage kapag hindi naagapan ang hyperthyroidism. Bukod pa rito, mataas din ang chance na maging kulang o mababa ang birthweight ng baby.

    Panghuli, ang pinakaseryosong komplikasyon ng hyperthyroidism ay ang tinatawag na thyroid storm o thyrotoxic crisis. Ito ay ‘yung biglang paglubha ng mga sintomas, na pwedeng magdulot ng sobrang bilis na tibok ng puso at lagnat. Malaki rin ang posibilidad ng pade-deliryo. Kung sakaling mangyari ito sa isang taong may hyperthyroidism, dalhin kaagad siya sa ospital para mabigyan ng emergency medical care.

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

    Sources:

    Mayo Clinic, Medicine NetNational Institute of Diabetes and Digestive and Kidney Diseases, Cleveland Clinic, NHSAmerican Thyroid Association

    What other parents are reading

  • You're almost there! Check your inbox.

    We sent a verification email. Can't find it? Check your spam, junk, and promotions folder.

Smart Parenting is now on Quento! You will love it because it personalizes news and videos based on your interests. Download the app here!

Don't Miss Out On These!
View More Stories About
Trending in Summit Network
View more articles