Editor's Note: Ang sumusunod ay for educational at informational purposes lamang. Huwag pong gamitin ito na kapalit ng doktor. Mahalaga na kumunsulta sa doktor para sa medical advice na bagay sa pangangailangan mo.
Madalas biruin o di kaya mabansagan pa na "bipolar" ang mga taong moody. Maaaring sila ang iyong officemate, kaibigan, o kapamilya na mahirap maunawaan nang lubos.
Posibleng ikaw ay nagtataka rin kung may bipolar disorder ka. Para bang may switch na kapag pinipindot ang "on," nagliliwanag ang mukha mo sa saya. Kapag pinatay na parang ilaw, nagiging sobrang malungkot at napakadilim ng mundo. Kapag pabago-bago ang mood, may bipolar disorder ba na kaagad?
Isa sa walong tao sa buong mundo ang dumaranas ng iba’t ibang uri ng mental o psychiatric disorders. Kasama sa ganitong klase ng health condition ang pagkakaroon ng bipolar disorder o manic-depressive illness. Sa mga datos na nakalap ng World Health Organization (WHO), 40 milyong tao ang diagnosed bilang bipolar noong 2019.
Ano ang bipolar disorder?
Ang bipolar disorder ay isang problema sa utak (brain disorder) na nagdudulot ng mga pagbabago sa mood, energy, at "ability to function," ayon sa American Psychiatric Association.
Karaniwang nagsisimula ang mga sintomas ng bipolar disorder sa teens o early adulthood (basahin dito). Mayroon itong apat na pangunahing sintomas:
- Distractibility
- Impulsivity
- Grandiosity
- Flight of ideas
Wala pang malinaw na sanhi ang bipolar disorder, ngunit ayon sa mga pag-aaral, maaaring dulot ito ng iba't ibang salik:
- Environmental
- Psychological
- Genetic
Natuklasan din ng mga eksperto na mas mataas ng 10 beses ang posibilidad na maging bipolar ang taong may kapamilyang mayroong ganitong karamdaman. Tuloy-tuloy rin naman ang mga researcher sa paghahanap ng genes na may link sa ganitong mental disorder.
Diagnosis ng bipolar disorder
May dalawang pangunahing mood states ang bipolar disorder, ayon kay Shefali Miller, MD, isang clinical assistant professor ng Psychiatry and Behavioral Sciences sa Stanford University Medical Center.
Ang mga ito ay depression at mood elevation (mania o hypomania).
Tinatawag na major depressive episode ang dalawang magkasunod na linggo ng kalungkutan o kawalang gana sa mga bagay at gawain. Samantala, tinatawag namang manic o hypomanic episodes ang isang linggo na may mania, at apat na araw o higit pa sa hypomania, pati na euphoric o iritable at mas mataas ang enerhiya.
Karaniwang mas matagal ang depressive episodes kaysa sa panahong normal ang mood ng pasyente o kaya’y mayroong manic o hypomanic episodes.
Paliwanag pa ni Dr. Miller sa Standard Health Care YouTube channel na mayroon ding tinatawag na Bipolar I, at Bipolar II. Para masabing Bipolar I, kinakailangang mayroong isang full manic episode, nakararanas man ng depressive episode o hindi. Bipolar II naman ang nakararanas ng hypomanic at depressive episodes.
Mahalaga ring maunawaan na naiiba ang bipolar sa unipolar depression. Halos kalahati rin ng mga may bipolar disorder ay nakararanas ng depression bilang unang mood episode, kung kaya’t madalas na nada-diagnose ito bilang unipolar depression.
(Basahin dito ang karanasan ni Iwa Moto na diagnosed sa mayroong bipolar disorder.)
Mga sintomas ng bipolar disorder
Ang mga ito ay katulad din ng mga sintomas ng ibang mental health conditions. Ang sumusunod ay ilan sa idinetalye ng Johns Hopkins Medicine:
Depressive symptoms
- Malungkot, anxious o di mapalagay, o hungkag (empty) ang pakiramdam
- Kawalan ng gana sa mga bagay na dati ay na-e-enjoy, kasama rito ang pakikipagtalik
- Pagiging restless o iritable
- Hirap na makapag-concentrate o focus
- Hirap sa pagdedesisyon
- Mababang enerhiya
- Pakiramdam na wala ng pag-asa
- Labis na pagod, bumabagal sa pagkilos o galaw
- Pagkakaroon ng suicidal thoughts (tandaan na kung nag-iisip tungkol sa suicide, kailangang agad na magtungo sa emergency room)
- Mga pagbabago sa pagkain o eating habits
- Mga pagbabago sa sleep patterns
- Pananakit ng ulo, pagkakaroon ng digestive problems, o chronic pain
Ang depression ay nakaaapekto sa katawan, lagay ng loob (mood), at mga iniisip ng isang tao. May epekto rin ito sa lifestyle, kabilang ang mga kinakain, ang habits sa pagtulog, at kung paano at gaanong kadalas mag-isip ang isang tao tungkol sa mundo at sa sariling buhay.
Manic symptoms
- Inflated self-esteem o pagyayabang
- Hindi nakararamdaman ng pagod o antok
- Mabilis ma-distract o mairita
- Walang tigil ang mga bagay na naiisip
- Aligaga o physical agitation
- Pagiging risky, agresibo, o destructive ang asal (behavior)
- Labis at mabilis na pagsasalita
- Sobrang saya o pagkakaroon ng euphoric feelings
- Increased sex drive
- Increased energy
- Unusual poor judgment
- Increased denial
Maaaring taon ang pagitan ng mood episodes. Karaniwan ding may nakararanas ng mga sintomas nang ilang beses sa loob lamang ng isang taon. Samantala, 10% hanggang 20% ng mga taong may bipolar disorder ay maaari ring dumanas ng rapid cycling o pagkakaroon ng mahigit sa apat na episodes ng depression at mania sa loob ng isang taon.
Tandaang kakailanganin ng maingat at masusing psychiatric exam at pagsusuri sa medical history. Tulad ng alinmang karamdaman, kailangan ng wastong diagnosis upang makatanggap ng angkop na gamutan.
Treatment ng bipolar disorder
Kung matutukoy na bipolar disorder ang kondisyon, mayroong treatment na maaaring irekomenda sa pasyente.
Medication
Ang isa sa pangunahing treatment sa bipolar disorder ay lithium. Isa itong uri ng mood stabilizer na pumipigil sa mania at sa depression, ngunit hindi pa natutukoy ang ispesipikong dahilan kung paano nga ito nakatutulong na maibsan ang mga sintomas.
Tinatayang 70% sa mga taong gumagamit ng lithium ay nakararanas ng mas kaunti na manic episodes. Sa 20% na may bipolar disorder, lubos na gumiginhawa ang pakiramdam ng pasyente. Kailangan lamang tandaan na hindi pa ito ang kabuuang lunas. Mayroon din itong side effects kagaya ng weight gain, hand tremors, drowsiness o pagkaantok, labis na uhaw at madalas na pag-ihi.
Dahil maaaring makapagdulot ang lithium ng pinsala sa puso, bato, at thyroid gland, mahalagang sumailalim muna sa physical examination at blood tests. Tinataasan ang dosage nito nang paunti-unti hanggang sa maramdaman ang bisa, at saka na ia-adjust ng iyong doktor ang dose.
Bukod sa lithium, narito ang FDA-approved reatments para sa bipolar depression at ang side effects ng bawat isa:
- Olanzapine + fluoxetine combination: Karaniwang side effects nito ang pagbigat ng timbang, metabolic side effects, at sedation
- Quetiapine IR, XR: sedation, pagbaba o pagbigat ng timbang
- Lurasidone: akathisia, nausea
Ang iba pang medikasyon ay ang sumusunod:
- Chlorpromazine
- Divalproex, ER
- Risperidone
- Ziprasidone
- Aripiprazole
- Carbamazepine ER
- CAsenapine
- Cariprazine
Apat hanggang anim na linggo ang karaniwang kailangan upang magkaroon ng lubos na bisa o full effect ang mga gamot para sa depression, ayon sa mga eksperto. Mahalaga ang patuloy na pag-inom ng gamot, kahit pakiramdam mo hindi ito gumagana sa simula.
Mahalaga ring kausapin ang iyong doktor kung ayaw mo nang ituloy ang pag-inom sa mga gamot na kanyang inireseta. Mayroon ding mga tao na kailangang magpalit ng gamot kapag wala talagang bisa ang unang iniresetang gamot ng doktor.
Therapy
Madalas ding irekomenda ang cognitive-behavioral or interpersonal therapy. Nakatuon ito sa pagtulong sa may bipolar disorder na mabago ang ilang pananaw sa sarili at sa kapaligiran. Makatutulong din ito na mapabuti ang interpersonal relationship skills, sa pagtukoy sa stressors at kung paano ang tamang pagharap o pag-manage sa mga ito.
Electroconvulsive therapy (ECT)
Magagamit ang treatment na ito sa mga taong may matindi at life-threatening depression na hindi naiibsan kahit pa uminom ng gamot ang pasyente.
Mayroong mabilis na electrical current na dumaraan sa utak, na nakapagtri-trigger ng mild seizure. Sa hindi pa natutukoy na mga dahilan, nakatutulong ang ECT sa pag-restore sa normal balance ng mga kemikal sa utak at sa pagpapaginhawa sa pakiramdam ng pasyente.
Madalas, kailangan ng consistent at long-term treatment upang ma-stabilize ang mood swings.
Ang ilan pa sa treatment na sinusubukan ng mga doktor at pasyente ang sumusunod:
- Transcranial Magnetic Stimulation (rTMS)
- Ketamine
- Interpersonal and social rhythm therapy
Paliwanag din ni Dr. Miller na ang treatment ay nakasalalay sa phase ng karamdamang mayroon ang pasyente.
Self care at iba pang paalala sa biopolar disorder
Ang mga taong dumaranas ng health condition kagaya ng bipolar disorder ay karaniwang biktima ng diskriminasyon. Sa Pilipinas, patuloy rin ang pagtaas ng mga kaso ng suicide. Malaking tulong kung magagawa ito ng bawat isa, lalo na kung dumaranas ng anomang sintomas ng mental disorder:
- Humingi ng tulong sa taong pinagkakatiwalaan
- Magsulat ng mga realistic na hangarin o goals
- Hatiin ang malalaking trabaho sa maliliit na gawain
- Mag-set ng priorities at unti-unting kumpletuhin ang mga dapat tapusin
- Gumawa ng mga bagay na makapagpapasaya sa iyo kagaya ng panonood ng pelikula, pagtulong sa ibang tao
- Mag-set ng regular na iskedyul para sa pag-e-ehersisyo
- Habaan ang pasensya lalo para sa sarili
- Piliin ang masustansyang mga pagkain
- Umiwas sa alak at droga
- I-postpone ang pagbuo ng malalaking desisyon kung dumaranas pa ng depression
- Hayaan ang pamilya at mga kaibigang tulungan ka
- Makipag-usap sa mga taong may sapat na kaalaman tungkol sa mental health
- Komunsulta sa doktor upang agad na mabigyan ng wastong diagnosis at treatment
Marami pang kailangang maunawaan ang mga tao sa buong mundo tungkol sa mental health o kalusugang pampag-iisip. Paliwanag ng World Health Organization (WHO), ang mental health ay “a state of well-being in which every individual realizes his or her own potential, can cope with the normal stresses of life, can work productively and fruitfully, and is able to make a contribution to her or his community.”
Tandaang ang mga taong may mental disorder ay maaari pa ring maging produktibo at mahusay sa kani-kanilang mga larangan at personal na buhay. Isa sa kanila si Mela Cervantes Abrera na diagnosed ng Bipolar I. Siya rin ang founder ng Anxiety and Depression Support Philippines.
Mayroong mensahe si Mela para sa mga nais pang maunawaan ang bipolar condition na ito, lalo para sa mga mahal nila sa buhay na dumaranas ng ganitong karamdaman. Aniya, “You are an awesome person for wanting to learn more about how to help your loved one. Just so you know, it won't be easy. We may push you away or may not reach out. That's to be expected."
Dagdag pa ni Mela, “When talking with us, DO NOT JUDGE. Just listen. We don't always want you to fix things for us, most of the time, we just want to feel heard and acknowledged. Be a safe space for us - a place where there is genuine concern and love. Keep trying to learn about our symptoms and pay attention to our cues if it's not too much trouble.
"Don't take our absence or any lack of presence personally. When we 'hibernate' or want to be alone, we don't hate you. It's usually our coping mechanism and knowing you will still be there for us when we are better means a lot to us. Always encourage us to seek professional help even in times we think it's not that serious.
"Love us when we are the least loveable, but don't tolerate bad behavior as an excuse for mental illness. We are also still accountable for our actions. With that in mind, we hope you continue to give us your patience as we navigate through this labyrinth of instability.
"We want to get well but it can be very difficult sometimes. We know it must be hard, it's hard for us too. Please know your support means the world to us. Thank you for being there.”
Paalala ng mga eksperto na mahalaga ang mental health dahil lahat ng aspekto ng ating buhay ay naaapektuhan nito. Kung ikaw o mahal mo sa buhay ang dumaranas ng mga nabanggit na sintomas ng bipolar disorder, higit na makatutulong ang pagkonsulta sa propesyonal na makapagbibigay ng gabay at medikal na payo.
Basahin dito para malaman ang mental health facilities sa Pilipinas.