Editor's Note: Ang sumusunod ay for educational at informational purposes lamang. Huwag pong gamitin ito na kapalit ng doktor. Mahalaga na kumunsulta sa doktor para sa medical advice na bagay sa pangangailangan mo.
Simula sa pagdadalaga, kung kailan dumadating ang unang regla o first period at menstruation, halos normal na sa mga kababaihan ang sumakit ang puson sa tuwing, ika nga nila, may dalaw. Buti na lang at may mga paraan na puwedeng gawin bilang gamot sa sakit sa puson.
Bakit sumasakit ang puson?
Tinatawag sa medical term na dysmenorrhea ang kabuuang pananakit ng puson (menstrual cramps). May dalawang itong uri, ayon sa Cleveland Clinic, at depende ito kung ano ang sanhi: primary at secondary.
Dahil sa chemical compound na prostaglandin
Sa loob ng menstrual cycle, na kadalasang tumatagal ng 28 araw, lumiliit ang matris (uterus) bilang reaksyon sa chemical compound na prostaglandin. Mas lumiliit pa ang matris tuwing may regla, na parang tumitiklop o pinipiga. Kaya nadadaganan ang mga kalapit nitong mga blood vessel.
Ang nangyayari tuloy, nawawala pansamantala ang oxygen supply sa muscle tissue ng matris. Sa mga pagkakataong tumitigil ang oxygen supply, nakakaramdam ka naman ng pagkirot sa mga bandang puson. Ito ang primary dysmenorrhea.
Karaniwang tumatagal ito ng mula 12 hanggang 72 oras at maaaring may kasamang ibang mga sintomas, tulad ng:
- Pagkahilo
- Pagduduwal
- Pagkahapo
- Pagtatae
Sa paglipas ng panahon, maaaring mabawasan ang kirot na dala ng primary dysmenorrhea. Puwede itong mawala kapag nagkaanak na, pero puwede ring bumalik sa panahon ng perimenopause, o palapit na ang menopause.
Dahil sa infection o di kaya disorder
Kung hindi pa dinadatnan pero sumasakit na ang puson at tumatagal pa ito kahit nagkaroon at natapos na ang regla, posibleng secondary dysmenorrhea ang nararanasan. Sanhi kasi ito ng infection o di kaya disorder sa female reproductive organ, depende sa diagnosis ng doktor.
Mga halimbawa:
Endometriosis
Ito ang kondisyon kung saan nasa labas ng matris ang lining nito (uterine lining), na tinatawag ding endometrium. Ang mga ito ay tissue na dumudugo sa panahon ng menstruation, kaya nagkakaroon ng pamamaga at pagkirot sa bandang puson.
Dulot ang kondisyong ito ng pagtubo ng uterine lining sa muscle ng matris, at biglang lumaki. Kaya nagkakaroon ng abnormal bleeding at pagkirot.
Pelvic inflammatory disease (PID)
Isa itong infection na mula sa bacteria na umaatake sa uterus at kumalalat sa iba pang reproductive organs. Nagdudulot ang PID ng kirot sa tiyan at sa tuwing makikipagtalik.
Cervical stenosis
Ito ang pagliit o pagiging makipot ng cervix o di kaya ang bukana ng matris.
Fibroids
Ang mga ito ay bukol na hindi cancerous. Puwedeng tumubo ang mga ito sa loob, labas, o di kaya sa uterine lining.
Gamot sa sakit ng puson
Para sa primary dysmenorrhea, may home remedies na subok ng maraming kababaihan:
1. Kung hindi matiis ang pananakit ng puson, magpahinga muna. Humiga at ilapat ang mga paa sa dingding. Makakatulong ito sa pagbuti ng blood circulation.
2. Habang nakahiga, marahang imasahe ang puson. Maaari ring tumagilid para imasahe naman ang lower back.
3. Lapatan ng heating pad ang puson. Kung walang heating pad, lagyan ng mainit na tubig ang maliit na boteng babasagin at may takip. Ibalot ang bote sa tuwalya o bimpo at saka ilapat sa puson.
4. Para sa mabilisang ginhawa, suhestiyon ng mga eksperto na uminom ng gamot na ibuprofen sa simula pa lang ng pagsakit ng puson. Kabilang ang ibuprofen sa grupo ng mga gamot na kilala bilang non-steroidal anti-inflammatory drugs (NSAIDs). Nababawasan nila ang paggawa ng katawan ng prostaglandin.
Kung hindi ka puwedeng uminom ng kahit anong NSAID, subukan na lang ang iba pang gamot, gaya ng acetaminophen.
5. Iwasan muna ang kape at iba pang inumin na may caffeine, pati na alak at paninigarilyo.
Para maiwasan ang dysmenorrhea, rekomendado ng mga eksperto na magkaroon ng regular na exercise. Makakatulong din na ilang araw bago ang inaasahang dalaw, umiwas na sa mga inuming puno ng caffeine at mga pagkaing maalat at mamantika. Nagdudulot kasi ang mga ito ng pamamanas na nagpapalala ng sakit ng puson.
Kung hindi umuubra ang home remedies, mainam na kumunsulta sa doktor. Baka kasi secondary dysmenorrhea ang iyong nararanasan dahil meron ka palang infection o di kaya disorder sa reproductive organs. Magbibigay ang doktor ng tamang tamang, kasama na ang gamot sa sakit ng puson.
Basahin dito kung bakit hindi dapat balewalain ang malakas na regla at dito bakit mahina ang menstruation.