Editor's Note: Ang sumusunod ay for educational at informational purposes lamang. Huwag pong gamitin ito na kapalit ng doktor. Mahalaga na kumunsulta sa doktor para sa medical advice na bagay sa pangangailangan mo.
Kapag may nangingilo na ngipin, nariyan ang masakit na pakiramdam na parang kinakayod nang pinong-pino. Isa pang pangsasalarawan nito ang pagkakaroon ng malamig na hangin o tubig sa loob ng ngipin.
Ang pangngilo ng ngipin o tinatawag sa English ay teeth sensitivity or dentin hypersensitivity, ayon sa dentista na si Dr. Evangeline de Guzman-Calimlim.
Paliwanag niya, "Ito ay isang sakit na nararamdaman sa ngipin kapag nawala o numipis ang pinaka proteksyon ng parte ng ngipin nito na tinatawag nating 'enamel' o pagkakaroon ng exposed sa roots ng ngipin."
Mga dahilan ng nangingilo na ngipin
Bukod sa pagnipis ng enamel ng ngipin, ayon pa kay Dr. Calimlim, nagkakaroon din ng pangingilo kapag:
- May butas ang ngipin
- May mga ngipin na nabasag
- May mga nasirang pasta sa ngipin
- May gum disease
Dagdag ng dentista, na may clinic sa Marikina City, na may mga bagay- bagay din na pinagmumulan ang pangingilo, katulad ng:
- Maling paggamit ng pagsisipilyo
- Night grinding
- Madalas na pag-kain at pag-inom ng mataas sa acid, o acidic foods at beverages)
Paano nangingilo ang ngipin?
May tatlong mekanismo ang dentin hypersensitivity na sinasabing nagpapaliwanag sa pangingilo ng ngipin, ayon sa medical paper ng Journal of Dentistry.
Direct Innervation (DI) Theory
Pinaniniwalaang pumapasok ang nerve endings sa ngipin sa pamamagitan ng pulp (o iyong connective tissue sa gitna ng ngipin) hanggang sa parteng dentinoenamel junction (DEJ). Ang mechanical stimuli na mismo ang magdadala ng kirot na kaugnay sa pangingilo ng ngipin.
Pero napakaliit pa ng ebidensya para mapatunayan ang DI theory, ayon pa sa medical paper:
Una, maliit din ang ebidensya na merong nerve sa ibabaw na parte ng ngipin, na siya namang pinakasensitibo.
Pangalawa, ang parteng tinatawag na plexus of Rashkov ay hindi nagiging mature hangga't tumubo nang lahat ang mga ngipin. Pero totoo rin na sensitibo ang bagong tubong ngipin.
Odontoblast Receptor (OR) Theory
Sa OR theory, ang parte namang tinatawag na odontoblasts ang tumatanggap ng kirot, at saka pagpapadala ng senyales sa pulpal nerves. Pero hindi rin ito katanggap-tanggap sa mga eksperto dahil walang kakayahan ang cellular matrix ng odontoblasts gumawa ng neural impulses.
Fluid Movement/Hydrodynamic Theory
Pinaniniwalaan na ang pangingilo ng ngipin ay resulta ng paggalaw ng likido, o fluid, sa loob ng dentinal tubules. Sanhi naman ang paggalaw na ito ng mga pagbababago sa temperatura o anyo ng ngipin. Isa pang posibleng dahilan ang pagsulpot ng osmotic stimuli malapit sa ngipin na may sira o tapyas.
Ang prosesong ito ay katupad ng pagbuhay ng neural fibers sa paligid ng buhok kapag hinahawakano o di kaya pinipiga. Sa ngipin naman, kumikilos ang likido papunta sa gitna o di kaya sa may labas na bahagi. Nagdudulot ito ng pananakit kapag biglang lumamig sa bibig, pati na panunuyo at iba pang chemical stimuli.
Mga dapat gawin sa pangingilo ng ngipin
Narito ang mga payo ni Dr. Calimlim:
1. Komunsulta at magpagamot sa dentista.
2. Magpalinis ng ngipin nang hindi bababa sa dalawang beses kada isang taon.
3. Magpareseta sa dentista ng toothpaste para sa sensitibong ngipin (desensitizing toothpaste).
4. Gumamit ng malambot na sipilyo.
5. Iwasan ang madiin na pagsisipilyo dahil ito ay nagdudulot sa pag gasgas (abrasion) sa enamel ng ngipin.
6. Magpapasta ng may mga butas na ngipin at nasirang pasta para hindi magdulot ng nangingilo na ngipin.