embed embed2
  • 10 Sintomas Ng Tuberculosis At Paano Ito Nakakahawa, Ayon Sa Mga Eksperto

    May bakuna laban sa TB at may mabisa ding gamot dito.
    by Jocelyn Valle .
10 Sintomas Ng Tuberculosis At Paano Ito Nakakahawa, Ayon Sa Mga Eksperto
PHOTO BY Shutterstock
  • Editor's Note: Ang sumusunod ay for educational at information purposes lamang. Huwag pong gamitin ito na kapalit ng doktor. Mahalaga na kumunsulta sa doktor para sa medical advice na bagay sa pangangailangan mo.

    Bagamat may bakuna at gamot laban sa tuberculosis (TB), marami pa ring Pinoy ang nagkakasakit nito at binabawian pa ng buhay. Kaya may mga nagtatanong kung saan nakukuha ang sakit na ito at paano nakakahawa ang TB.

    Ano ang TB?

    Ang tuberculosis (TB) ay isang nakakahawang sakit (infectious disease), ayon sa World Health Organization (WHO). Sanhi ito ng isang uri ng bacteria na kung tawagin ay Mycobacterium tuberculosis.

    Kadalasang inaatake ng bacteria ang mga baga (lungs), kaya kilala rin ang sakit na ito bilang pulmonary tuberculosis. Pero kapag apektado ang iba pang organs ng katawan, tinatawag na itong extra-pulmonary tuberculosis.

    Isa ang TB sa pangunahing problemang pangkalususagan sa Pilipinas, ayon naman sa Department of Health (DOH). Noong 2010, nasa ika-anim na puwesto ang TB sa listahan ng mga nangungunang sanhi ng kamatayan. Mayroon itong mortality rate na 26.3 deaths kada 100,000 mamamayan at naging responsable sa 5.1% ng total deaths.

    Sabi pa ng DOH, mas maraming lalaki ang nagkakaroon ng TB kumpara sa mga babae. Mas marami rin daw iyong may nasa edad 25 hanggang 55.

    Paano nakakahawa ang TB?

    Naipapasa ang TB sa pamamagitan ng close contact sa taong maysakit, ayon pa sa mga eksperto. Kapag siya ay umubo, bumahing, sumigaw, o di kaya dumura, kakawala ang bacteria mula sa kanyang katawan at sasama sa hangin.

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

    Kapag nasagap ang bacteria ng kasama ng maysakit, maaari rin siyang magkaroon ng TB. Sa ganyang paraan ka mahahawa, pero hindi sa paghawak lamang ng damit ng maysakit o kahit pa paghawak sa kanyang kamay.

    Mas madali rin daw kumalat at makahawa ang bacteria sa mga matataong lugar. Puwede kasing mabuhay ang bacteria sa hangin ng ilang oras, lalo na kung kulob ang lugar at walang sariwang hangin na pumapasok. Makakatulong ang sariwang hangin at mainit na temperatura para mapatay ang bacteria.

    Paalala pa ng mga eksperto na ang pulmonary TB lamang ang naipapasa, at hindi ang extra-pulmonary TB.

    Mga sintomas ng TB

    Kapag nasagap mo ang TB bacteria, malaki ang tyansa na mapigilan sila ng sistema ng iyong katawan na dumami at lumago. Maaari ring maging inactive ang bacteria, pero hindi raw sila mamamatay. Kaya may posibilidad na maging active sila kalaunan. Ang tawag dito ay latent TB. Wala itong hatid na sintomas at hindi rin naipapasa.

    Sa kabilang banda, maaaring maging active ang bacteria at tuluyan kang magkasakit ng TB, lalo na kung mahina ang iyong immune system. Tataas din ang tyansa mo na magkasakit kung may iniinda ka nang sakit o mga sakit, tulad ng diabetes at kidney disease.

    Malalaman mo kung active nga ang TB bacteria sa iyong katawan kung makaramdam ka ng mga ganitong sintomas:

    • Pag-ubo nang tuloy-tuloy sa loob ng tatlo o higit pang linggo
    • Pag-ubo na may kasamang dugo
    • Pananakit ng dibdib
    • Hirap sa paghinga at pag-ubo
    • Pagbagsak ng katawan
    • Madaling pagkapagod
    • Lagnat
    • Pagtaas ng lagnat sa gabi
    • Pagkawala ng ganang kumain
    • Pagpapawis at panginginig sa gabi (night sweats)
    CONTINUE READING BELOW
    Recommended Videos

    Payo ng mga eksperto na magpatingin kaagad sa doktor para maagapan ang kondisyon at magamot nang lubusan ang sakit. Paalala ng WHO na huwag pabayaan ang sakit dahil baka lumala ang iyong kalagayan at hindi na makuha sa gamot.

    Kapag nangyari iyon, masyadong mahal at matagal na ang magiging gamutan. Kaya pursigido ang WHO na sikapin ng mga gobyeno, tulad ng Pilipinas, na pababain ang mga kaso ng TB. Target nila dito na magamot ang 2.5 million na pasyente bago umabot ang taong 2022.

    Mga paraan para mapigilan ang pagkahawa sa TB

    Dahil madaling makahawa ang TB, mainam na sundin ang mga payo ng eksperto para maprotektahan ang nag-aalaga sa maysakit at iba pang kasama nila sa bahay.

    Kung mayroon kang kasama sa bahay na may TB, maaari mong gawin ang mga sumusunod:

    • Siguraduhin na nasa isang kuwarto lang ang pasyente.
    • Siguraduhin na may nakakapasok na sariwang hangin sa kuwarto ng pasyente.
    • Ipaalala sa pasyente na takpan ang bibig at ilong kapag uubo o babahing gamit ang tissue. Bago itapon ang tissue, ilagay muna ito sa plastic bag at isara nang maigi.
    • Pagsuotin ng face mask ang pasyente kahit nasa kuwarto lang siya.
    • Sabihan ang mga kasama sa bahay kung paano nakakahawa ang TB.
    What other parents are reading

Smart Parenting is now on Quento! You will love it because it personalizes news and videos based on your interests. Download the app here!

Don't Miss Out On These!
View More Stories About
Trending in Summit Network
View more articles