Editor's Note: Ang sumusunod ay for educational at informational purposes lamang. Huwag pong gamitin ito na kapalit ng doktor. Mahalaga na kumunsulta sa doktor para sa medical advice na bagay sa pangangailangan mo.
Maraming maliliit na mga buto at kasu-kasuan sa ating mga kamay na prone sa injury. Sumusuporta sa mga ito ang ligaments, muscles, at tendons na nagbibigay ng stability at kakayahan sa ating maigalaw ang kamay at pulso (wrist). Alamin natin kung ano-ano ang mga nangyayari kapag may pilay na kamay o hand sprain.
Ang hand sprain ay pinsala sa ligament na matibay na tisyung (tissue) nagkokonekta sa mga buto. Nababanat nang lubos o di kaya napupunit ang ligament kapag may pilay. Nangyayari ito kapag nahuhulog ang isang tao at tumatama ang kamay nang malakas sa matigas na surface o area.
Kadalasang sa ligaments ng tinatawag na proximal interphalangeal joints sa gitna ng mga daliri ang pinsala. Ito ang hinge joints na tumutulong na ma-bend ang mga daliri.
Maaari ring mapilayan sa metacarpophalangeal joint ng hinlalaki, mas kilala bilang knuckle, lalo kung sa pagkahulog ay nakausli palayo sa katawan ang hinlalaki.
Tandaang magkaiba ang hand sprain at hand strain. Ang hand strain ay ang pagkabanat o pagkapunit ng fibers sa muscles o tendons. Ang tendons ang tissue na naga-anchor ng muscle sa buto.
Karaniwang nangyayari ang strains sa tendons na nagko-konekta sa muscles ng forearm sa mga buto ng daliri. Ang tendons din ang dahilan kung paanong naitutuwid o nababaluktot ang mga daliri kagaya ng hinlalaki.
Mga sanhi ng pilay sa kamay
Kabilang dito ang:
- Direct blow o direktang tinamaan ang apektadong bahagi
- Pagkahulog nang outstretched at nakabukas o nakalahad ang mga kamay
- Kilos na may biglaang napilipit (twist), o hyperextension
Karaniwan ang wrist sprain at/o pilay na kamay sa mga sumusunod:
- Basketball players
- Baseball players
- Gymnasts
- Divers
- Skiers
- Skaters
- Skateboarders
- Inline skaters
Maaari ring makaranas ng strain ang mga madalas nagta-type sa computer araw-araw hindi lamang ang mga naglalaro ng iba't ibang sports tulad ng skiing. Kung tutuusin, kahit sino ay maaari talagang mapilay dahil sa pisikal na mga gawain kung saan mga kamay ang pinakaginagamit, at sa mga aksidenteng nagdudulot ng pinsala sa kamay.
Mga senyales ng pilay na kamay
- Pamamaga
- Panghihina
- Masakit ang kamay o pulso (wrist)
- Pagkakaroon ng mga pasa o bruising
- Pakiramdam na may pumuputok (pop) o napupunit
- Naninigas o stiff kapag sinusubukang igalaw ang kamay
- Malambot at mainit ang bahaging nakapalibot sa injury
Mayroong iba't ibang klasipikasyon ang pilay na kamay. Narito ang mga antas o degrees depende sa lala ng pinsala:
Grade I (First-degree injury)
- Pagkakaroon ng pasa (bruising)
- May konting kirot (mild pain)
- Minor lamang ang pinsala sa ligament
Grade II (Second-degree injury)
- Tumatagal na kirot (prolonged pain)
- Pamamaga (swelling)
- Panghihina
- Pakiramdam na may maluwag sa kasu-kasuan
- Pagbabago sa range of motion o function sa malapit na kasukasuan, kagaya ng pulso (wrist)
Grade III (Third-degree injury)
- Pagkapunit ng ligament, muscle, o tendon
- Labis na pananakit at limitadong pakilos (limited range of motion)
- Maaaring may marinig na tunog o pag-“pop”
- Malala ang pakiramdam na maluwag sa kasu-kasuan
Mainam na komunsulta sa doktor kung:
- Severe o malalang pananakit
- Tumatagal na pananakit
Diagnosis ng may pilay na kamay
Mahalaga ang physical examination. Dito sinusuri ng doktor ang sensitivity at discomfort ng pilay na kamay at saka tutukuyin kung impaired o apektado ang kakayahang kumilos o igalaw ang apektadong bahagi. Makatutulong kung babanggitin sa doktor lahat ng sintomas at kung mayroon ding history ng pilay sa kamay.
Ilan pa sa irerekomendang paraan ng diagnosis ang sumusunod:
X-rays
Kailangang matukoy kung mayroong fracture o dislocation ng joint.
Makikita rin sa X-rays ang mga pagbabago dulot ng arthritis, katulad ng bone spurs— small bony knobs na maaaring mabuo sa kasukasuan kapag ang dulo ng mga buto ay magkiskisan. Nakapagdudulot ito ng mga kondisyong may sintomas na katulad ng sprain o strain.
Magnetic resonance imaging (MRI) scans
Kung walang makitang senyales ng sprain, strain, o iba pang pinsala sa X-ray ngunit may kapansin-pansin pa ring problema sa injured joint (halimbawa, unstable ito), MRI ang irerekomenda ng doktor. Makakatulong ito sa pagtukoy ng sanhi ng sintomas.
Mayroong magnetic fields at radio waves na makalilikha ng imahe ng muscles, bones, at tissue sa kamay.
Makikita dito kung mayroong tendon o ligament na napunit nang bahagya o tuluyan. Maaaring makatulong din ito sa doktor upang makapagbigay ng wastong diagnosis, lalo kung may iba pang injuries na sanhi ng iyong mga nararanasang sintomas. Posible kasing hindi makita sa X-ray lang ang mga pinsala sa buto tulad ng fractures at mapagkamalan lamang na pilay.
Ultrasound
Gumagamit ng ultrasound upang ma-diagnose ang hand injuries, tulad ng punit na tendons. Mayroon kasing high frequency sound waves ang ultrasound na nakabubuo ng images ng tendons at iba pang soft tissue.
CT scans
Kung pakiwari ng doktor na mayroong pinsala sa scaphoid bone sa wrist, na malapit sa hinlalaki, karaniwang CT scan ang ipagagawa nito. May serye ng X-rays na nakabubuo ng detalyadong imahe ng kamay at pulso. Ang mga pasyenteng may pacemakers at ang iba pang hindi makapag-MRI ay dumaraan na lang din sa CT scans.
Iba pang paraan ng pag-diagnose ang sumusunod:
- Arthrogram, espesyal na uri ng X-ray o MRI na isinasagawa matapos mag-inject ng dye sa pulso
- Arthroscopy, minimally invasive surgery kung saan may ipinapasok na maliit na kamera sa pulso
Treatment para sa pilay na kamay
Bukod sa mga nabanggit na sanhi sa itaas, sa vlog ni Doc Willie Ong ipinaliwanag ang isa pang karaniwang sanhi ng pilay na kamay:ang maling posisyon ng kamay at pulso (wrist) kapag nagbubuhat ng mabibigat na gamit tulad ng bag.
"Tandaan, kahit anong bubuhatin kailangang ready na ang wrist, ready na rin ang braso (at katawan),” paalala ni Doc Willie.
Malambot ang pulso kapag matigas ang muscles sa braso ngunit nakalahad ang palad. Kapag ganito ang posisyon ng kamay, mapipilay ang tendons kapag magbubuhat ng mabibigat na mga bagay.
May tinatawag siyang “pag-lock” ng wrist o pagsara ng kamao bago tuluyang magbuhat ng gamit. Payo rin ni Doc Willie, malaking tulong ang hand grip strengtheners at gripping exercises upang mas mapalakas ang ating mga kamay.
Ang good news pagdating sa pilay sa kamay, kusa itong naghihilom o gumagaling kapag minor-to-moderate lamang ang kondisyon sa paglipas ng mga araw.
Narito ang iba pang mga payo ng mga eksperto upang mas mapabilis ang paggaling nito:
1. Magpahinga nang hindi bababa sa 48 araw.
2. Lapatan ng ice pack ang apektadong kamay. Maaaring ibalot ang yelo sa bimpo at saka ilapat sa pilay na kamay. Gawin ito sa loob ng 15 hanggang 20 minuto sa loob ng unang 48 hanggang 72 hours.
Maaari ring gawin ito sa loob ng 20 hanggang 30 minuto kada tatlo hanggang apat na oras sa loob ng tatlong araw o hanggang sa mawala ang pananakit mula sa pinsala.
3. Bendahan ang bahaging may pilay.
4. Itaas ang pilay na kamay o i-elevate ito nang mas mataas sa iyong puso, sa isang unan, o sa likod ng upuan.
5. Uminom ng anti-inflammatory painkillers. Non-steroidal anti-inflammatory drugs (NSAIDs), tulad ng Advil, Aleve, o Motrin, ang nakatutulong na maibsan ang pananakit at pamamaga.
Tandaan lamang na mayroong side effects ang nabanggit na mga gamot, tulad ng increased risk ng bleeding at ulcers. Siguraduhing may reseta mula sa doktor at hindi ito gagamitin nang madalas.
6. Mag-stretching at sumubok ng strengthening exercises. Maaaring makatulong dito ang physical o occupational therapist upang magabayan ka sa programang kailangang mo.
Kung hindi pa rin guminhawa ang pakiramdam ng pilay na kamay matapos maglagay ng yelo, magpahinga, at gumamit ng compression, mainam nang magpatingin sa doktor.
Read also: Halamang Gamot Sa Pilay