Editor's Note: Ang sumusunod ay for educational at informational purposes lamang. Huwag pong gamitin ito na kapalit ng doktor. Mahalaga na kumunsulta sa doktor para sa medical advice na bagay sa pangangailangan mo.
Inaasahan na ng mga mommy na maraming pagbabagong mararanasan pagkapanganak nila. Kasama na rito ang pagbabago sa pisikal na anyo, o ang postpartum body, gayundin ang emosyonal na aspekto. Kaya nga ipinapaala na mahalagang mabigyan ka ng suportang kakailanganin mo pagkapanganak.
Kung pag-uusapan ang pisikal na anyo, isa sa unang iniinda ng mga kapapanganak pa lamang ay ang pananakit ng balakang at likod. Sa panahon ng pagbubunitis, nagdudulot ng backache ang nadaragdagan na timbang mo sa pagbubuntis. Dahil ito sa pressure na naibibigay nito sa kalamanan ng iyong likod.
Bukod pa rito, mararanasan din ang pananakit ng likod dahil sa posture habang buntis sanhi ng bigat na nailalagay sa iyong likod at balakang. Karaiwang nawawala naman ang ganitong kondisyon pagkaraan ng anim na linggo.
Mahalaga na aware ka sa iyong posture para maiunat nang maayos ang iyong likod at makatutulong din ang paggamit ng postpartum binder para suportahan ang iyong likod at balakang. May ilang mga ehersisyo rin na maaaring gawin na makatutulong na malapakas ang iyong kalamnan sa tiyan at likod.
Epekto sa postpartum body at dapat gawin
Inaasahan na ang mga pisikal na pagbabago sa katawan bunga ng panganganak, ayon sa United Kingdom National Health Service (NHS). Ngunit wala namang dapat na ikabahala sa mga pagbabagong ito, lalo na sa pisikal, dahil may maaaring gawin para dito.
Ang unang anim na linggo ang iyong pagkapanganak ay bahagi ng iyong recovery period. Karaniwang salik na ang pagbabago sa homones sa mga nagaganap na ito sa postpartum body ng mga mommy. Pero paano ito dapat harapin at ano ang tamang gawin?
Pananakit ng katawan at sugat
Totoong hindi madali ang pinagdaanan sa bagong panganak lalo na sa panahon ng pagle-labor. Maaaring maraming pinagdaanan din o naubos na lakas mula sa pag-ire. Sa pag-contract ng uterus para sa pagbalik nito sa dating laki, makararamdam din ng pananakit ng puson. Mawawala rin naman ito pagkalipas naman ng ilang araw.
Samantala, mararanasan din ang kirot sa tahi mula sa panganganak dahil sa pamamaga ng perineum (nasa pagitan ito ng vagina at rectum) na maaaring nabanat o napunit dahil sa pagle-labor at vaginal na panganganak. Matinding sakit at kirot din ang maaaring maranasan ng C-section delivery dahil sa tahi ng hiwa.
Para sa kirot, may inireresetang gamot ang mga doktor na dapat inumin. Sundin ito at uminom ng gamot sa tamang oras. Maaari ring subukan:
- Gawin ang kegel exercise. Napapalakas nito ang kalamnan sa bahagi ng pelvic.
- Maglagay ng cold compress a bahagi ng perineum para sa kirot.
- Maupo sa malambot na kutson o unan na hugis donut.
- Subukin ang pagligo sa maligamgam na tubig.
Panghihina
Bunsod ito ng pagod na naranasan mula sa panganganak at puyat mula sa pag-aalaga at pagpapadede ng iyong bagong silang na sanggol. Isama pa ang nadagdag na timbang sa panahon ng pagbubuntis, kaya hindi agad nakababalik ang iyong dating lakas bago ang pagbubuntis. Nakadaragdag din na mabigat ang katawan at hirap sa pagkilos na parang tinatamad kang gumalaw at gusto mo lamang magpahinga.
Para mapataas ang iyong enerhiya:
- Magsimulang gumawa ng mga simpleng workout routine.
- Magkaroon ng sapat na tulog. Laging ipinapayo na sabayan sa pagtulog si baby para nakakapahinga ka rin.
- Kumain ng masusustasiyang pagkain o magkaroon ng healthy diet.
- Uminom ng maraming tubig.
Pamamaga ng paa at binti
Hindi dahil nakapanganak ka na, agad na mawawala ang pagmamanas sa iyong paa, kamay at iba pang bahagi ng katawan. Maaaring maranasan pa rin ito pagkapanganak dahil sa pagbabago ng hormones. Nawawala rin naman pagkaraan ng ilang linggo ang mga labis na tubig na naipon sa katawan. Nakabubuting itaas o i-elevate nang bahagya ang paa para mawala ang pagmamanas.
Makakatulong din ang mga sumusunod:
- Kumain ng mga pagkaing mayaman sa potassium, gaya ng prutas at gulay.
- Iwasan ang pag-upo at pagtayo nang matagal.
- Iwasan ang pagkonsumo ng maalat na pagkain.
- Magsuot ng compression socks kung kinakailangan.
- Uminom ng maraming tubig.
Paglaki ng dibdib
Mas magiging kapansin-pansin ang paglaki ng dibdib, lalo na kung marami itong napo-prodyus na breast milk para sa iyong baby. Normal naman ang ganitong paglaki at pagtigas ng dede dahil sa breast milk. Pagkaraan ng ilang buwan, maaaring bumalik sa dati ang laki.
Mapapansin lang na mas magiging lawlaw ang dede katagalan dahil na rin sa pagpapasuso. Magbabago rin ang anyo ng nipple pero ang malapad at maitim na areola sa panahon ng pagbubuntis ay unti-unti na ring babalik sa dati.
Para sa paninigas ng dede:
- Magpasuso o mag-pump kada dalawang oras.
- Maligo nang maligamlam na tubig para mas lumabas ang breast milk.
- Maaaring maglapat din ng cold o hot compress sa dede para sa mga baradong milk ducts.
- Magsuot ng bra na makasusuporta para sa iyong pagpapasuso.
Pagkakaroon ng bilbil
Mapapansin din ang pagiging halata ng bilbil pagkatapos manganak na mga taba o fats na naipon mula sa pagbubuntis at sa timbang na dagdag sa iyo. Kadalasan na tumatanggal ng 6 na linggo bago bumalik sa dati ang iyong tiyan. Pero dahil sa ang balat sa tiyan ay naunat, maaaring mas tumagal pa o hindi na mawala ito.
Para matunaw ang labis na taba:
- Mag-ehersisyo na magpapalakas ng kalamnan sa tiyan.
- Magsuot ng postpartum belly binder.
- Kumain ng mga masusutansiyang pagkain na mayaman sa fiber.
- Ekslusibong magpasuso para mapabilis ang pagtunaw ng fats.
Pagkakaroon ng stretch marks at peklat
Sa simula, tila hindi mo nanaisin na makita ang iyong tiyan dahil sa stretch marks na nakuha mo mula sa pagbubuntis. Ngunit may ibang masuwerteng babae rin na hindi nagkakaroon nito. Iba-iba rin kasi ang uri ng balat ng bawat tao.
Bukod sa tiyan, maaaring magkaroon din ng stretch mark sa braso, dede at binti. Hindi man ito nawawala ngunit maaaring maging kakulay ng balat o mas maging mapsuyaw lang. Gayundin ang peklat mula sa sugat ng hiwa sa C-section, hindi na ito mawawala ngunit maaaring hindi na maging kapansin-pansin.
Para sa stretch mark, maaaring gumamit ng oil o cream na makapagbabawas sa pagiging halata ng stretchmarks. Samantala, may inirereseta o inirerecomedang gamot naman ang ob-gyn para hindi mag-keloid ang sugat sa hiwa mula sa C-section.
Pagkakaroon ng varicose veins
Maraming kababaihan ang nakararanas ng paglaki at pag-umbok ng ugat sa balat, karamihan sa may hita at binti. Ito ay dulot ng hormones sa pagbubuntis maging ang pressure sa blood vessel dahil sa pagbigat ng timbang sa panahon ng pagbubuntis. Maaaring mawala rin ito pagkaraan ng 12 linggo, pero sa iba mayroon na nanatili na.
Para maibsan ang varicose veins:
- Lapatan ito ng cold compress.
- Maligo nang maligamgam na tubig.
- Inumin ang gamot na irereseta ng doktor para mabawasan ang kirot.
Hindi mapigil na pag-ihi o urinary incontinence
Kahit sa panahon pa lamang ng pagbubuntis, nagbibigay na ng pressure sa kalamnan ng iyong pelvic na sumusuporta sa pagkontrol ng bladder para sa paglabas ng ihi. Ang mahihinang kalamnan o muscle ay posibleng magdulot nang bahagya kang maihi kapag naubo, nabahing, o nagbuhat nang mabigat.
Para mapalakas ang mahinang kalamnan, subukin gawin ang kegel exercise para mapalakas ang kalamnan sa pelvic. Gawin ito sa maghapon na iko-conract ang muscle nang 10 segundo, pagkatapos saka paluluwagin. Subukin ito nang 10 beses kada sesyon nang 3 beses kada araw.
Hirap sa pagdumi
Kadalasan pagkapanganak, nahihirapan ang iba na agad makadumi o nako-constipate. Ito ay sanhi ng pahina ng kalamnan, pagkakaroon ng trauma mula sa panganganak, o dahil sa iniinom na gamot. Marami naman na nanatatakot kasi baka bumuka ang kanilang tahi kaya pinipigilan nila ang pagdumi.
Para mapabilis ang pagdumi:
- Kumilos-kilos o maglakad-lakad din.
- Uminom ng maraming tubig.
- Kumain ng mga pagkain na mayaman sa fiber.
- Huwag masyadong mag-aalala o isipin ang iyong tahi.
Paglalagas ng buhok
Isa pa sa mararanasan ng katawan ng babae pagkatapos niyang manganak ay ang postpartum hair loss. Bunsod din ito sa pagbabago ng hormones. Pasa mabawasan ang paglalagas ng buhok:
- Magpagupit ng buhok o subukin ang papaikli ng buhok para wala na ring hihilahin ang inyong baby.
- Guamamit ng mga shampoo na walang matatapang na kemikal.
- Uminom ng mga bitamina na ireresta ng inyong doktor kung matindi ang paglalagas ng buhok.
Pagbabago sa kulay ng balat
Maraming kababaihan din na nakararanas ng skin discoloration lalo na sa mukha pagkatapos manganak. Nagkakaroon ng parang patseng itim sa mukha o tinawag na melasma. Bukod pa rito, nagkakaroon din ng mga tigyawat na dahil sa pagbabago ng hormones.
Para maibasan ang pagbabago ng balat:
- Magkaroon ng maayos na pangangalaga ng mukha o skin routine.
- Paglalagay ng mga cream sa mukha para maging protekston sa balat.
- Maaaring subukin ang mga home remedy para tigyawat gaya ng lemon.
Pagkakaroon ng vaginal discharge
Pagkaraan mong manganak, inilalabas ng iyong katawan ang dugo at tissue na nasa iyong uterus. Tinatawag na lochia ang vaginal discharge na ito. Tumatagal ito nang anim hanggang walong linggo pagkapanganak.
Para sa pagdurugo:
- Gumamit ng maternity pads hanggang sa tumigil ito
- Magpatingin o ipaalam sa iyong doktor sakaling may mapansin kang kakaiba sa vaginal discharge mo
Mahalaga ang iyong post-natal check up para makatiyak na maayos ang lahat ng iyong nararanasan sa postpartum body. Kung mahalaga ang pangangalaga sa iyong bagong silang na sanggol, higit lalo ang pag-aalaga sa iyong sarili.
Sa kabilang banda, bukod sa problemang pisikal na mararanasan sa postpartum body, magkakaroon din ng pagdanas sa sikolohikal na aspekto. Ito ang pagkakaroon ng pangamba at pagkabalisa, o anxiety. Tinatawag na baby blues ang emosyong pinagdadaan ng mga mommy sa mga unang linggo pagkatapos manganak, ayon sa Johns Hopkins Medicine.
Sa mga panahong ito na hindi mo maintindihan bakit bigla ka na lang nakakaramdam ng lungkot, pagka-irita, o naiiyak at nababalisa ka. Bahagi rin ito ng pagpapabagong pisikal gaya ng pagbabago ng hormones, gampanin, at pinagdaanan sa panganak. Nawawala rin ito pagkaraan ng 1 hanggang 2 linggo. Ngunit kapag napabayaan, nauuwi sa postpartum depression na mas nagiging mabigat ang sitwasyon.
Kaya nga laging ipinapaalala na maging mabait sa ating sarili at huwag magmadali. Bigyan ng sapat na panahon ang katawan na pagdaanan ang proseso ng paggaling. Huwag din mahiyang humingi ng tulong kung kinakailangan. Higit sa lahat, ipaalam sa iyong ob-gyn kung may hindi ka komportableng nararanasan. Huwag din ipagsawalang bahala ang iyong postpartum check up.
---
Mga pinagkunan ng impormasyon:
Your post-pregnancy body
https://www.nhs.uk/conditions/baby/support-and-services/your-post-pregnancy-body/
Recovering From Delivery
Your body after baby: The first 6 weeks
https://www.marchofdimes.org/find-support/topics/postpartum/your-body-after-baby-first-6-weeks
---
Basahin dito ang iba pang postpartum health problems.