Editor's Note: Ang sumusunod ay for educational at informational purposes lamang. Huwag pong gamitin ito na kapalit ng doktor. Mahalaga na kumunsulta sa doktor para sa medical advice na bagay sa pangangailangan mo.
Mahalaga ang ginagampanan ng bato o kidney sa ating katawan. Ito ang sumasala ng mga bagay na dumadaloy sa loob ng ating katawan gaya ng dugo, pagkain, at tubig. Sa pamamagitan ng ating kidney, naalis ang dumi o toxin sa ating katawan. Kaya mahalagang ingatan ito nang maiwasan ang sakit sa bato.
Bahagi ang kidney ng renal o urinary system na kinabibilangan ng:
- Ureter—tubong nagdadala ng ihi papuntang bladder
- Bladder—ito ang pantog na pinag-iipunan ng ihi
- Urethra—dinadaanan ng ihi para ilabas
Bukod sa pagsasala ng dumi, nagagawa rin ng kidney na mabalanse ang tubig at mineral sa katawan. Nagagawa nitong lumikha ng renin enzyme para mapanatili ang normal na presyon sa dugo.
Dagdag pa, gumagawa rin ito ng erythropoietin na naghuhudyat para gumawa ng maraming red blood cell ang katawan. Gayundin ang pagpoproseso ng vitamin D para maging malusog ang mga buto natin. Kapag hindi nito nagagampanang mabuti ang kaniyang tungkulin, ibig sabihin may problema ito.
Karaniwang nangyayari ito kapag hindi malusog ang paraan ng pamumuhay ng isang tao. Kung sakali na may sakit sa bato, maaaring makaranas ng edema o pagmamanas at pagkakaroon ng kidney stones.
Mga nakaapekto sa kidney
Sa daming ginagampan ng kidney sa ating katawan, malaki ang posibilidad na magkasakit dito ang sinuman. Kaya sinasabing kahit sino ay maaring magkasakit sa bato.
Ayon sa National Kidney and Transplant Institute o NKTI, ang sumusunod ay maaaring makapinsala sa ating bato:
Mga sakit
- Diabetes
- Hypertension
- Sakit sa puso
Mga bisyo
- Paninigarilyo
- Pag-inom ng alak
Mga iniinom na gamot
- Pag-inom ng mga gamot na anti-inflammatory o para sa kirot
- Pag-inom ng mga herbal o halamang gamot
Iba pang sakit sa bato
- Family history o pagkakaroon ng kamag-anak na may sakit sa bato
- Pagkakaroon ng kidney stones na bumaba sa daluyan ng ihi
- Pamamaga ng ugat sa bato na maaaring nakuha sa impeksiyon sa lalamunan o balat
- Pagkakaroon ng impeksiyon o pamamaga ng daluyan ng ihi
- Pagdami ng mga organismo o mikrobyo sa bato at sa pantog
Mga posibleng sintomas ng sakit sa bato
Kapag may sakit sa bato, kadalasan na sintomas nito ay:
- Pagmamanas ng paa, mukha o buong katawan
- Mabulang ihi
- Naiibang kulay ng ihi
- May ibang amoy ang ihi
- May dugo sa ihi
- Mahapdi o masakit sa pag-ihi,
- Pagsakit ng balakang
- Madalas na pag-ihi nang higit sa 3 beses sa gabi
Diagnosis at treatment
Kung may mga sintomas na nararanasan, makabubuti ang pagpapatingin sa doktor para matiyak kung nauugnay ito sa sakit sa bato. May ipinagagawa namang laboratory test ang mga doktor para higit na masuri ang iyong mga sintomas.
Ito ay ang urinalysis para malaman ang dami ng dumi sa ihi o ang creatinine naman para sa dugo. Kaya nga, ang pabalik-balik na pagkakaroon ng urinary tract infection (UTI) ay isang senyales din na may sakit sa bato.
Kuwento ng writer na ito ang nangyari sa kanyang tatay na palagi ring nakararanas ng pagmamanas. Malimit ding lumalabas sa resulta ng urinalysis ang impeksyons sa ihi, kaya inirekomenda na ang pasyente na magpatingin sa nephrologist, o espesyalista sa kidney.
Sa ginawang test sa pasyente, dito nakita na may maliit na bato sa kaniyang mga kidney. Mabuti na lamang nagawang matunaw ang mga ito sa iniresetang gamot sa kaniya kasi kung hindi maaari raw bumara ito sa daluyan ng ihi at mapunta sa pagda-dialysis. Marami ring pagkain ang ibinawal sa kaniya upang maiwasan na ito.
Paano makakaiwas sa sakit sa bato?
Payo ng mga eksperto na alagaan ang iyong kidney. Bagaman dalawa ang ating kidney na kasinlaki ng kamao at matatagpuan sa gitnang likuran sa bandang ibaba ng rib cage, dapat na alagaan ang mga ito dahil sa mahalagang gampanin nila sa katawan natin.
Maiiwasan natin ang pagkakaroon ng sakit sa bato sa pagkakaroon ng maayos at malusog na pamumuhay o pagkakaroon ng healthy lifestyle. Mga halimbawa:
- Pag-inom ng mula 2 hanggang 3 litro ng tubig kada araw
- Pag-iwas sa pagkain ng sobrang maalat, gaya ng mga process food at tsitsirya saka ang palagiang paggamit ng sawsawan na patis at toyo.
- Kumain nang may tamang dami
- Regular na ehersisyo
- Iwasan ang pag-inom ng mga gamot, lalo na iyong mga pain reliver at herbal na walang payo mula sa doktor
- Pagtigil sa paninigarilyo at labis na pag-inom ng alak
Kung may sakit na makaaapekto sa kidney gaya ng diabetes at hypertension, panatilihing normal ang asukal sa dugo at mababa ang blood pressure. Magsagawa ng pagmo-monitor dito para makatitiyak na hindi ito tumataas.
Hangga’t maagapan, gawin na ang pagi-ingat sa kidney. Huwag nang palalain pa ang sitwasyon lalo na kung na-diagnose na ng chronic kidney disease. Paalala ng mga eksperto na kapag pinabayaan ang sakit sa bato, maaaring mauwi ito sa mas malalang kondisyon na mangangailangan na ng pagda-dialysis. Kapag patuloy na nasira ito, magkakaroon ng kidney failure at ang tanging lunas ay ang kidney transplantation.
---
Mga pinagkunan ng impormasyon:
Chronic Kidney Disease
https://www.hopkinsmedicine.org/health/conditions-and-diseases/chronic-kidney-disease
For Patients - National Kidney and Transplant Institute
https://nkti.gov.ph/index.php/news/11-services/1129-para-sa-mga-pasyente
Read also: Gamot Sa Sakit Sa Bato