embed embed2
Paninikip Ng Dibdib, Pabalik-balik Na Ubo, At Iba Pang Mga Sintomas Ng Sakit Sa Baga
PHOTO BY Pexels/Towfiqu Barbhuiya
  • Editor's Note: Ang sumusunod ay for educational at informational purposes lamang. Huwag pong gamitin ito na kapalit ng doktor. Mahalaga na kumunsulta sa doktor para sa medical advice na bagay sa pangangailangan mo.

    Sa bawat paghinga natin nakakukuha tayo ng oxygen para sa ating baga na pupunta naman sa ating dugo. Kaya mahalaga ang baga na bahagi ng katawan ng tao dahil nakatutulong ito na magsuplay ng oxygen na kailangan upang mabuhay at mapanatili ang maayos na paggana ng mga selula ng katawan.

    Ang paghinga ay isang bagay na maaaring hindi mo gaanong napapansin. Ayon sa mga eksperto, may 25,000 beses mo itong nagagawa kada araw kapag malusog ang iyong pangangatawan. Kaya naman kapag may sintomas ng sakit sa baga, tiyak na mahirap ang gumalaw at kumilos. Kaunting kibot mo lang ay tiyak na hihingalin ka na dahil hindi nito nabibigyan ng sapat na dami ng oxygen ang katawan.

    Mga uri ng sakit sa baga

    May iba-ibang mga sakit sa baga at respiratory system at iba-iba rin ang sintomas ng mga nito. Ang mga sakit na ito ay maaaring dulot ng impeksyon, bakterya, o namamanang sakit. Narito ang ilang mga uri ng sakit sa baga:

    Hika

    Isa ang asthma (hika) sa mga sakit na maaaring mamana. Nagdudulot ito ng pagkipot at pamamaga ng mga daanan ng hangin sa baga. Nagkakaroon din ng plema sa baga na lalong nagpapahirap sa paghinga, pag-uubo, at pagkakaroon ng tunog sa tuwing humihinga. (Basahin dito ang asthma symptoms at dito ang types of asthma.)

    Pulmonya

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

    Ang pulmonya (pneumonia) ay dulot ng bacterya, virus o pamamaga ng iba-ibang bahagi ng baga na may kasamang pamumuo ng likido o nana. Nakararanas ng hirap sa paghinga ang nagkakaroon ng sakit na ito, matinding pag-uubo at plema. (Basahin dito ang mga sintomas ng pulmonya.)

    Chronic Obstructive Pulmonary Disease (COPD)

    Kapag may COPD, nagkakaroon ng bara sa baga na nagdudulot ng pangmatagalang problema sa paghinga at daloy ng hangin sa baga at posibleng lumalala sa katagalan. Kadalasan pinagmumulan nito ang paninigarilyo.

    Dalawang uri ng COPD:

    • Chronic bronchitis—nagkakaroon ng pamamaga sa daanan ng hangin o bronchial tube. Nakararanas ng pag-uubo na may kasamang plema.
    • Emphysema—nagdudulot din ng papamaga sa baga na nagiging sanhi naman ng kakapusan sa hininga, pagkakaroon ng labis na plema, at kawalan ng gana sa pagkain.

    Tuberculosis

    Ang tuberculosis ay dulot ng bakteriya na Mycobacterium tuberculosis na karaniwang naaapektuhan ang baga at lumulubha ang sitwaston kapag napabayaan o hindi maayos ang gamutan.

    Kanser sa baga

    Nagkakaroon ng kanser sa baga (lung cancer) dahil tumutubo ang mga hindi pangkaraniwang selula sa baga na dulot ng pagkakaroon ng tumor na pumipigil naman sa maayos na paggana ng baga. Nakamamatay ang sakit na ito lalo na kapag hindi agad naagapan.

    Mga sintomas ng sakit sa baga

    Kabilang sa mga pangunahing sintomas ay:

    • Hirap sa paghinga
    • Paninikip ng dibdib
    • Mabilis o mabagal na paghinga
    • Panghihina o pananamlay ng katawan

    Pero depende rin ito sa uri ng sakit sa baga o sa tindi ng pinsala ng iyong baga. Dapat talagang bantayan ang mga sintomas ng sakit sa baga para sa maagap at tamang gamutan, tulad ng mga sumusunod:

    CONTINUE READING BELOW
    Recommended Videos

    Pabalik-balik na ubo

    Kapag tumatagal ang ubo na halos sa isang buwan ay hindi nawawala, senyales na ito ng pagkakaroon ng problema sa baga.

    Kinakapos ng hininga

    Madaling makaranas ng hirap o kapos sa paghinga ang may sakit sa baga dahil maaaring may nakabara sa daluyan ng hangin.

    Pabalik-balik na pagkakaroon ng plema

    Kapag palagiang may plema, maaaring senyales ito na may impeksyon sa baga.

    May tunog o parang may sipol kapag humihinga

    Kapag may ingay o hindi normal na tunog sa tuwing humihinga (wheezing), palatandaan na ito na maaaring may bara sa baga o kumikipot ang daanan ng hangin sa loob.

    Pag-uubo na may kasamang dugo

    Kapag ganito ang sintomas na nararanasan, posibleng matindi na ang impeksyon sa baga.

    Pabalik-balik na pagsakit ng dibdib

    Kung hindi maipaliwanag ang pananakit ng dibdib na tumatagal nang ilang araw at buwan o kung minsan ay lumalala pa, masasabing senyales na ito ng pagkakaroon ng kondisyon sa baga.

    Paano maiiwasan ang sakit sa baga

    May sakit sa baga na talagang hindi maiiwasan lalo na kung namama ito, pero may ilang sakit na maaaring maiwasan. Payo ng mga eksperto na subukan ang mga ganitong gawain:

    Iwasan ang paninigarilyo

    Mataas ang tiyansa na magkasakit sa baga, lalo na ng kanser at COPD, mula sa paninigarilyo dahil sa taglay na sangkap nito na nakakaapekto sa baga. Sa mga hindi naman nagsisigarilyo, maaari ding magkasakit sa baga kapag nakalalanghap ng usok mula rito kaya mabuting iwasan ang mga taong naninigarilyo. Tinatawag itong second-hand smoke.

    Ugaliin ang wastong paghuhugas ng mga kamay

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

    Palagiang maghugas nang mabuti ng kamay para makaiwas sa anumang mikrobyong maaaring magdulot ng sakit sa baga.

    Takpan nag bibig kapag umuubo o bumabahing

    Nakatutulong ito upang hindi kumalat ang mikrobyo at makahawa ng ibang walang sakit.

    Panatilihing malinis ang tahanan

    Tiyaking malinis at walang alikabok sa loob ng bahay para makaiwas sa anumang pagmumulan ng mikrobyo o bakterya.

    Magpabakuna

    Makatutulong ang pagpapabakuna o vaccine para labanan ang mga sakit sa baga, gaya ng pulmonya lalo na sa mga taong mahihina ang resistensya para may panlaban sa anumang pagmumulan ng sakit sa baga.

    Regular na page-ehersisyo

    Ang palagiang page-ehesisyo araw-araw ng kahit 30 minuto ay nakatutulong para mapalakas ang baga. Nakatutulong din ito sa maayos na pagdaloy ng hangin sa baga.

    Tandaan na ang matagumpay na gamutan sa anumang sakit sa baga ay nasa maagang pagtukoy sa sanhi o pinagmumulan nito. Mas maagap na gamutan, mas mapabubuti ang kondisyon kaya huwag basta ipagwalang bahala ang anumang sintomas na nararanasan.

    Bilin ng mga eksperto na magpa-appointment agad sa doktor kung may nararamdamang sintomas ng sakit sa baga. Makakatulong din ang maging tapat sa pagsasabi ng iyong nararanasan lalo na ang pagbabagi ng medical history o sa pagkakalantad sa anumang salik na makapagdudulot sa iyo ng sakit na ito.

    ---

    Pinagkunan ng Impormasyon:

    Warning Signs of Lung Disease

    https://www.lung.org/lung-health-diseases/warning-signs-of-lung-disease

    FAQ's - Lung Center of the Philippines

    https://lcp.gov.ph/12-faq-s

    Read also: Gamot Sa Sakit Sa Baga

    What other parents are reading

  • You're almost there! Check your inbox.

    We sent a verification email. Can't find it? Check your spam, junk, and promotions folder.

Smart Parenting is now on Quento! You will love it because it personalizes news and videos based on your interests. Download the app here!

Don't Miss Out On These!
View More Stories About
Trending in Summit Network
View more articles