Editor's Note: Ang sumusunod ay for educational at informational purposes lamang. Huwag pong gamitin ito na kapalit ng doktor. Mahalaga na kumunsulta sa doktor para sa medical advice na bagay sa pangangailangan mo.
Kapag sinabing glaucoma, kadalasang naiisip ang matandang nabubulag. Pero ang totoo, puwedeng tamaan ng ganitong sakit sa mata ang lahat ng tao, kahit pa mga sanggol dahil merong tinatawag na congenital glaucoma.
Ano ang glaucoma?
Ang glaucoma ay isang grupo ng mga sakit o karamdam sa mata na maaaring maging sanhi ng pagkabulag, ayon sa United States National Eye Institute (NEI). Nangyayari ito dahil napipinsala ang nerve sa likuran ng mata, na tinatawag na optic nerve.
Ang optic nerve ang responsable sa pagpapadala ng visual information mula sa mata hanggang sa utak (brain). Kapag unti-unting namamatay ang nerve cells, tumutuloy ito sa pagkasira ng optic nerve, ayon naman sa Philippine Academy of Ophalmology (PAO).
Dahil may sira ang optic nerve, may mga senyales mula sa mata ang hindi nakakarating sa utak. Nagreresulta ito sa paglabo ng paningin at, kung hindi maaagapan, maaaring magresulta sa pagkabulag na hindi na magagamot (irreversible blindness).
"It is potentially blinding," ika na ni Dr. Frances Hope Yap, isang ophthalmologist na nakabase sa Dumaguete City, Negros Oriental. Paliwanag niya sa Smart Parenting, "It is slowly progressive and those manifesting with loss of vision due to undetected glaucoma have irreversible damage to the nerve of the eye."
Batay sa datos ng Department of Health (DOH), nasa 14 percent (46 ,501) ng mga tinatantyang bilang ng mga bulag sa parehong mga mata (332,150) noong 2017 ay dahil sa glaucoma.
Read also: Causes Of Glaucoma
Glaucoma sa mga bata
Bagamat bihira ang glaucoma sa mga bata, na tinatawag na pediatric glaucoma, nangyayari pa rin ito, ayon sa American Association for Pediatric Opthalmology and Strabismus (AAPOS). May ilang paraan para sa klasipikasyon ng ganitong uri ng sakit sa mata:
Base sa edad ng pasyente:
Congenital glaucoma—kung ipinanganak na may ganitong sakit na
Infantile glaucoma—kung nagsimula ang sakit mula edad 1 buwan hanggang 24 buwan
Juvenile glaucoma—kung nagsimula ang sakit mula edad 3 taon
Base sa structural abnormality o di kaya systemic condition:
Primary glaucoma—kung walang matukoy na sanhi
Secondary glaucoma—kung sanhi ng iba pang sakit
Mga halimbawa ng mga sakit na maaaring maging sanhi ng secondary glaucoma:
- Axenfeld-Reiger Syndrome
- Aniridia
- Sturge-Weber Syndrome
- Neurofibromatosis
- Chronic steroid use
- Trauma
- Dati ng eye surgery, tulad ng childhood cataract removal
Paalala ng AAPOS na hindi lahat ng pasyente ng mga nasabing sakit ay nagkakaroon ng glaucoma. Pero mas mataas ang tyansa kumpara sa iba pang nagkakaroon ng glaucoma. Kaya payo nila na i-monitor ang mga pasyente ng mga nasabing sakit kung magkakaroon sila ng glaucoma.
Mga sintomas ng glaucoma sa bata
Malaki rin ang posibilidad na namamana o hereditary ang glaucoma. Kaya payo ng mga eksperto na bantayan ang ganitong mga sintomas kung meron sa pamilya na may glaucoma.
Para sa congenital glaucoma at infantile glaucoma:
- Labis na pagluluha
- Pagiging sensitibo sa ilaw
- May malaki at maulap (cloudy) sa cornea, o iyong kadalasang malinaw na parte sa ibabaw ng mata, kaya lumalabo ang iris, o iyong may kulay na parte ng mata
Para sa juvenile glaucoma:
- Tulad sa mga adults na may glaucoma, wala halos sintomas ang juvenile glaucoma. Makikita lang ang optic nerve cupping, o ang paglaki ng gitnang parte ng optic nerve, sa eye exam.
Diagnosis at treatment
Diin ni Dr. Yap, na ipatingin ang bata sa tulad niyang opthalmologist kung may family history ng glaucoma. Ang early detection talaga sa pamamagitan ng regular checkup ang pinakamabisang paraan para maagapan ang sakit.
Pero kung meron ng glaucoma ang bata, may ilang treatment options na puwedeng subukan. Nariyan ang surgery at laser treatments para mapababa ang pressure sa optic pressure, ayon sa AAPOS.
Mahalaga na makontrol ang glaucoma sa pamamagitan ng iba-ibang procedures at examinations gamit ang anesthesia. Makakatulong din ang eye drops at oral medications bilang primary treatments sa secondary at juvenile glaucoma, at bilang additional therapy para pagkatapos ng surgery sa primary pediatric glaucoma.
Paalala pa ng mga eksperto na kahit magamot ang batang pasyente, maaari siyang magkaroon ng myopia (nearsightedness) at kailangan magsuot ng salamin sa mata. Malaki rin ang posibilidad na mabawasan ang kanyang paningin kahit nagamot na ang congenital glaucoma o iba pang uri ng juvenile glaucoma.
Read also: Long-Term Users of Birth Control Pills at Risk for Glaucoma