
Madalas bang may pangangati, butlig, pamumula o pagsusugat ng balat ang iyong anak? Kung iisipin, pwedeng ang mga kondisyong ito ng ating balat, lalo na sa mga bata, ay normal lamang. Pero alam ninyo bang kapag napabayaan ang simpleng rashes ay pwede itong lumala at maimpeksyon?
Ang impetigo, o mamaso, ay isa sa mga sakit sa balat na maaaring magsimula sa simpleng pangangati. Ito rin ay maaaring kumalat sa ibang parte ng katawan ng inyong anak, pati na rin makahawa sa ibang bata. Maaaring maapektuhan ang normal na gawain ng inyong anak nang dahil lang sa simpleng kati-kati na napabayaan.
Ano nga ba ang mamaso?
Ang mamaso ay isang impeksyon sa balat na dulot ng alinman sa dalawang uri ng bacteria, ang Staphylococcus aureus at ang Streptococcus pyogenes. Kadalasang lumalabas ang mamaso sa mukha, bandang bibig at ilong. Maliban sa mga parteng ito, maaari rin itong lumabas kung saan may sugat o galos dahil dito pumapasok ang bacteria na nagdudulot ng mamaso.
Ang pagkamot sa mga sumusunod, na siyang pwedeng magsugat, ay maaaring maging mamaso
- kagat ng hayop o insekto
- eczema
- iritasyon sa balat na dulot ng mga bagay na nadikit dito (gaya ng poison ivy at iba pang halamang mabalahibo), o sa mga singit-singit na karaniwang nakukulob ng init at napapawisan
Mayroong dalawang klase ng mamaso
Nonbulluous
Ito ang mas karaniwang uri ng mamaso na dulot ng parehas na uri ng bacteria. Sa una ay mukha lamang itong maliliit na kagat ng insekto na kalaunan ay magsusugat. Di magtatagal ito ay magkakaroon ng langib o scab na brownish-yellow ang kulay. Pangkaraniwan itong nakikita sa mukha, partikular sa may bibig at ilong. Maaari rin itong tumubo sa may binti at braso. Karaniwang isang linggo ang itinatagal ng paglabas hanggang sa paggaling nito.
Bullous
Ito ay kadalasang dinudulot ng Staphylococcus aureus bacteria. Tumutubo ito sa normal na balat bilang mga malalaking paltos o bullae. Ang tubig sa loob ng paltos ay mangingitim at magiging malambot bago ito pumutok. Pagkatapos nito, magnanana ito at magkakaroon ng brownish-yellow na langib. Karaniwang hindi nag-iiwan ng peklat ang pagputok ng mga paltos.
Kapag hindi nagamot ang alinman sa dalawang uri ng mamaso, maaari itong maging ecthyma. Lumalalim ang impeksyon sa balat na maaaring magpeklat. Masakit ang paltos ng ecthyma at karaniwang lumalabas sa puwet, hita, binti, alak-alakan, at paa. Ang mga paltos ay namamaga, nagkakaroon ng nana, at langib sa paligid. Kaiba sa dalawang uri ng mamaso, ang balat sa paligid ng ecthyma ay namumula. Matagal bago gumaling ang sugat galing sa ecthyma.
Paano ba nakukuha ang mamaso?
Ang mamaso ay nakukuha sa mga sumusunod na paraan:
- Pagdikit sa parte ng katawan ng may mamaso. Ang liquid na galing sa langib o di kaya ay sa loob ng pumutok na paltos ang siyang salarin sa pagkalat ng mamaso.
- Paggamit ng mga personal na bagay gaya ng tuwalya, damit, unan, at kumot, pati na mga libro at laruan (lalo na kung pumapasok na sa paaralan o daycare ang inyong anak) na siyang ginamit ng may mamaso
- Paglalaro sa lupa o buhangin habang may sugat
- Pagtira sa isang kulob, mainit, at masikip na lugar kasama ng isang may mamaso
Ang mamaso ay isa sa mga pangkaraniwang sakit ng mga bata 2 hanggang 6 na taong gulang. Maaari rin itong makuha ng mga matatanda, partikular na ang may diabetes at mahinang immune system.
Ano ang lunas sa mamaso?
Ayon sa isang study, maaaring gumaling ang mamaso nang walang gamot. Pero dahil isa itong sakit na dulot ng bacteria, ang mamaso ay karaniwang ginagamot gamit ang antibiotics. Kapag kaunti pa lang ang mamaso sa balat ng inyong anak, antibiotics para sa balat (topical) lamang ang ipinalalagay dito. May mga ointment din na maaaring ireseta sa inyo upang maibsan ang pangangati ng balat . Ang mga malalang kaso ay kadalasang pinapayuhang uminom ng antibiotics.
Paalala: uminom lamang ng antibiotics kapag inireseta ng isang doktor. Huwag itong iinumin nang hindi kumokonsulta sa doktor. Ituloy at ubusin ang iniresetang dami ng gamot kahit na nakikitang gumagaling na ang mamaso.
Panatilihing malinis ang katawan at paligid para makaiwas sa mamaso.
- Ugaliing maghugas ng kamay, lalo na kapag galing sa pakikipaglaro sa ibang bata.
- Gupitan ng kuko ang inyong anak upang hindi sumiksik ang dumi rito. Ito rin ay para maiwasang magsugat ang kanyang balat, na siyang maaaring pasukan ng bacteria.
- Payo ng isang early childhood educator, palitan ng damit at paliguan ang inyong anak pagkatapos magpahinga galing sa paaralan o daycare. Maraming sakit, gaya ng flu at HFMD, ang nakukuha sa mga lugar na maraming bata, kabilang na ang mga palaruan
- Panatilihing malinis ang inyong bahay
Kung ang inyong anak ay may mamaso:
- Takpan ng gasa ang mga paltos, sugat, o nana nang hindi kumalat sa ibang parte ng katawan ang mamaso o di kaya ay madikit sa ibang tao. Nakatutulong din itong maiwasan ang kanyang pagkakamot at pagtuklap ng mga langib. Kapag natuklap kasi ang langib, maaari itong magsugat uli at lumala ang mamaso.
- Hugasan gamit ng maligamgam na tubig at mild soap ang paligid ng mga paltos at langib na dulot ng mamaso. Ang mga langib na may nana ay maaari namang hugasan ng agua oxigenada (hydrogen peroxide) o suka na binantuan ng tubig.
- Hugasan o labhan sa mainit na tubig at disinfectant ang kanyang mga laruan, damit, tuwalya, unan, at kumot ng inyong anak. Puwede ring gumamit ng UV sterilizer para sa mga bagay na di maaaring mabasa gaya ng cellphone.
- Manatili sa bahay at huwag muna siyang ipahalubilo sa ibang bata kung siya ay nakahahawa pa. Ayon sa SmartParenting.com.ph article na ito, ang gamutan ng mamaso ay tumatagal nang 7-10 araw ngunit hindi na ito nakahahawa matapos ang 24 oras na gamutan. Sa loob naman ng 3 araw ay maaari nang gumaling ang mga sugat na dulot ng mamaso.
- Kung ang mamaso ay dahil sa ibang kondisyon ng balat, gaya ng eczema at allergy, marapat na lunasan muna ang mga kondisyong ito. Iwasan ang mga pagkain at bagay na nakapagdudulot ng mga kondisyong ito upang hindi maulit ang mamaso.
Source: Mayo Clinic