Editor's Note: Ang sumusunod ay for educational at informational purposes lamang. Huwag pong gamitin ito na kapalit ng doktor. Mahalaga na kumunsulta sa doktor para sa medical advice na bagay sa pangangailangan mo.
Karaniwang sintomas ng iba’t ibang mga karamdaman ang lagnat, at normal sa mga bata na lagnatin isang beses sa isang buwan. Kilala rin ang lagnat bilang hyperthermia, pyrexia, o elevated temperature. Pero ano nga ba ang sanhi ng lagnat?
Una sa lahat, ang hypothalamus sa utak ang nagsisilbing "thermostat" ng iyong katawan. Ito ang nagtatakda ng normal body temperature kapag maayos ang pakiramdam mo, ayon sa Mayo Clinic. Normal na paiba-iba ang body temperature sa buong araw.
Mga dapat malaman tungkol sa body temperature
Karaniwang mas mababa ang temperature sa umaga at tumataas naman sa hapon at gabi. Ang body temperature na 98.6 F (37 C) ay itinuturing na normal, hanggang 99 F (37.2 C). Kung mas mataas sa normal ang temperatura, dito na nabubuo ang lagnat o fever.
Ang resetting ng hypothalamus ay madalas na dulot ng small molecules na tinatawag na pyrogens sa ating dugo. Maaaring nanggagaling sa labas ng katawan (external) o napo-produce sa loob ng katawan (internal) ang pyrogens.
Nabibilang sa external pyrogens ang toxins o mga lason mula sa infectious viruses o bacteria. Mga abnormal chemicals mula sa tumors at proteins naman ang internal pyrogens. Nari-release ang mga ito sa pamamagitan ng normal response ng immune system. Dahil dito, maaari kang lamigin o makaramdam ng panginginig ng katawan.
Nasusukat ang body temperature sa pamamagitan ng thermometer. Maaari kang pumili mula sa iba't ibang uri ng thermometers, kasama na rito ang oral, rectal, ear (tympanic) at forehead (temporal artery) thermometers.
Ayon sa mga doktor, mas mainam ang paggamit ng rectal thermometer sa mga sanggol. Ang oral at rectal thermometers ang nakapagbibigay ng pinaka-accurate measurement ng core body temperature. Ang ear o forehead thermometers ay hindi gaanong maaasahan kahit pa ang mga ito ang mas murang mabibili sa pharmacies.
Mga sanhi ng lagnat
May ilang mga sanhi ng lagnat, ayon sa mga eksperto, tulad ng:
- Virus
- Bacterial infection
- Heat exhaustion
- Meningitis (sa mga bata)
- Inflammatory conditions, gaya ng rheumatoid arthritis, o pamamaga (inflammation) sa lining ng iyong joints (synovium) at Crohn's disease
- Malignant tumor
- Medications, tulad ng antibiotics at drugs na ginagamit sa high blood pressure o seizures
- Immunizations, tulad ng diphtheria, tetanus at acellular pertussis (DTaP) o pneumococcal vaccine
May mga sanhi ng lagnat na mahirap ding tukuyin, ayon pa sa mga eksperto. Mayroong mga kaso kung saan ang lagnat ay tumatagal nang tatlong linggo at hindi matukoy ng doktor ang dahilan sa kabila ng extensive evaluation. "Fever of unknown origin" ang nagiging diagnosis ng mga doktor dito.
Karaniwang sintomas ng iba't ibang mga karamdaman ang lagnat, lalo na kapag sobrang taas nito at umaabot sa 103 F (39.4 C) o mas mataas pa ang temperature ng katawan.
Sa mga sanggol at toddlers, kahit kaunting pagtaas ng temperatura ay maaaring senyales na rin ng serious infection.
Madalas din namang nawawala ang lagnat pagkatapos ng ilang araw. Napabababa ito sa tulong ng over-the-counter medications ngunit kung minsan, mas okay na hayaan lamang itong kusang mawala. May mahalagang papel din kasi ito sa pagtulong sa iyong katawan na labanan ang ilang mga impeksyon. (Basahin dito tungkol sa sinasabing lagnat laki.)
Mga sintomas ng lagnat
Kabilang sa mga senyales na nagsasabing may lagnat ang mga sumusunod:
- Pagpapawis
- Panginginig
- Pananakit ng ulo
- Muscle aches
- Kawalan ng gana sa pagkain
- Pagiging iritable
- Dehydration
- Panghihina
Kailan dapat komunsulta sa doktor?
Payo ng mga eksperto na agad komunsulta sa doktor kapag naramdaman mo ang iba pang mga sintomas, tulad ng:
- Malalang pagsakit ng ulounusual na rash sa balat
- Pagiging sensitibo sa liwanag
- Stiff neck at pananakit kapag yumuyuko
- Mental confusion
- Paulit-ulit na pagsusuka
- Mahigit sa tatlong araw ang lagnat
- Hirap sa paghinga o paninikip ng dibdib
- Pananakit ng tiyan o masakit kapag umiihi
- Convulsions o seizures
Kung ang nilalagnat ang anak mo, payo pa ng mga eksperto, na bantayang mabuti kung kaya niyang makipag-eye contact sa iyo. Kung siya ay listless o labis na nanghihina at hirap na tumingin sa iyo nang diretso, agad siyang dalhin sa ospital.
Mga dapat gawin para makaiwas sa lagnat
Maaaring maiwasan ang lagnat sa pamamagitan ng pagbawas sa exposure sa infectious diseases. Narito ang ilang tips na maaaring makatulong:
- Maghugas ng kamay, lalo na bago kumain, pagkatapos magbanyo, pagkagaling sa labas ng bahay, at pagkatapos makipaglaro sa mga alagang hayop. Mainam ding maghugas agad ng kamay pagkatapos bumisita o makasama ang may sakit, at kapag bumiyahe ka gamit ang pampublikong transportasyon.
- Turuan ang mga anak ng wastong paghuhugas ng kamay. Ang harap at likod ng bawat kamay ay dapat sabunin at banlawan nang mabuti.
- Ugaliing magdala ng hand sanitizer lalo na para sa mga pagkakataong walang magamit na sabon at tubig.
- Iwasan ang paghawak sa ilong, bibig, at mga mata. Karaniwang sa mga ito dumaraan ang viruses at bacteria papasok sa iyong katawan at posibleng makapagdulot ng impeksyon.
- Takpan ang bibig kapag umuubo at ang ilong kapag sisinga.
- Iwasan umubo o humatsing nang nakaharap sa ibang tao upang maiwasang makahawa sa iba.
- Iwasan ang hiraman ng baso o tasa, water bottles, at iba pang utensils nang maiwas din ang sanhi ng lagnat
Basahin dito ang gamot sa nilalagnat at nilalamig, at dito kung ano ang halamang gamot sa lagnat.