Kamakailan lamang, sinagot ng artista na si Bela Padilla sa kanyang Twitter account ang tanong ng isang tagahanga. "Banlag ka ba? " Ang kanyang tugon: oo.
Ipinaliwanag ni Bela na bata pa siya ay banlag na siya. Ayon sa aktres, mas nahahalata ito kapag pagod siya o di kaya ay may sakit. Iginiit din niyang hindi naman ito nakakaapekto sa kanyang paningin. Dagdag pa ni Bela, "I don’t mind [it] as long as I get to see the beautiful world we live in!"
Ang pagiging banlag at duling ay mga kalagayan ng mata na tinatawag na strabismus o misaligned eyes. Ang Strabismus ay isang kundisyon kung saan hindi tuwid o pantay ang mga mata. Madalas, ang mga mata'y nakatingin sa magkaibang direksyon. Maaaring palayo sa isa't isa (wall-eyed o banlag) o palapit sa isa't isa (cross-eyed o duling ). May ibang kalagayaan din kung saan ang mga mata naman ay nakataas o nakababa.
Ang Strabismus ay madalas na nagkikita sa pagkabata, mula isa hanggang apat na taong gulang, ayon sa KidsHealth. Ang isa sa pangunahing sanhi nito ay ang kahinaan ng mga ugat na siyang kumo-control sa mata. Mas nahahalata ang kundisyong ito kapag ang bata ay pagod o tumitingin sa isang bagay ng malapitan.
Kailan karaniwang sinusuri ang strabismus sa isang bata?
"For the first 6 months of life, ang pagiging duling o banlag okay lang basta dumederetso ... maaaring mawala na 'yun after six months of age," sabi ni Asian Eye Institute pediatric opthalmologist Dr. Norman Fajardo sa ABS-CBN News. Kung ang hindi pagkakapantay ng mata ng bata ay nagpatuloy hanggang mahigit anim na buwan, maaaring ito ay dahil sa strabismus at dapat nang ipasuri sa isang pediatrician.
Pinapayuhan ng mga doctor ang mga magulang na dalhin agad ang kanilang mga anak edad anim na buwan sa doctor para sa eye check up. Iyon din ang magiging umpisa ng taunang eye testing ng bata.
Hindi napapansin ng karamihan ng mga batang may strabismus na hindi tuwid ang kanilang mga mata. Kalimitan, hindi rin sila nakakaramdam ng pagbabago sa kanilang paningin. “The child will not complain if there is a problem, so he must be checked regularly,” ayon kay pediatric ophthalmologist Dr. Patricia Santiago. Sa mga batang nagrereklamo tungkol sa kanilang kundisyon, madalas hirap silang makakita at dumadaing din sila ng double vision. Ang sintomas nito sa mga maliliit na bata ay squinting, malimit na head tilting, o ang paulit-ulit na pag-kurap ng kanilang mga mata, ayon sa Stanford Children's Health.
Maaari bang maiwasto ang mga matang banlag o duling?
Oo, at mas maaga ang eye exam, mas mabuti (kaya mahalaga ang eye exam sa isang anim na buwang bata). Kung hindi ito maaagapan ng maaga, maaaring hindi na pansinin ng utak ang mga imaheng ipinadadala ng mas mahinang mata. Ito ang magdudulot ng problema sa paningin tulag ng problema sa depth perception at bluriness, ayon sa KidsHealth. Ang maagang diagnosis ay importante upang maiwasan ang mga ito.
Ang treatment ng strabismus ay nagkakaiba depende sa kundisyon ng mata ng inyong anak. Sa ibang mga pasyente, nakakatulong ang pagsusuot ng eye patch at salamin para ituwid ang kanilang paningin. “This patch makes the weaker eye do the 'seeing' work. Over time, the muscles and vision in the weaker eye become stronger,” ayon sa KidsHealth. May mga special na eye drops din na maaaring maging mabisa para palakasin ang mas mahinang mata at tuluyang gamutin ang blurred vision.
Kung hindi maging mabisa ang eye patch at eye drops, maaaring ma-operahan na ang mga mata ng inyong anak. “During strabismus surgery, one or more of the eye muscles are strengthened, weakened or moved to a different position to improve alignment. Strabismus surgery is usually performed as an outpatient procedure and does not require an overnight hospital stay,” ayon sa American Academy of Opthalmology (AAO).
Kailan nagiging huli na ang pagpapagamot ng banlag at duling na mga mata?
Kahit ang mga mas may edad na na bata, teens, at adults ay maaari pa ring makinabang sa mga treatments na nabanggit, lalo na kung ang kanilang strabismus ay nakakaapekto na sa kanilang paningin. “There are many other benefits beyond restoring normal appearance: improved depth perception or binocular vision, improved visual fields, eliminating or minimizing double vision and improved social function,” sabi ng AAO.